Akala ko noon, ang silbi ko lang ay bigyan ng mahimbing na tulog at mayayakap ang sinumang gagamit sa akin.
Ngunit nang makilala kita, nabago ang paniniwala ko. Mali ako. Dahil sa isang tulad mo, hindi lamang ako isang unan. Isa akong karamay.
Isa kang batang alipin ng sakit, paghihinagpis at lungkot.
Naaalala ko pa ang una nating pagkikita, umuulan noon. Pumatak ang luha mo sa akin. Na nasundan ng isa. At ng isa pa. Hanggang sa tuluyan kang humagulgol ngunit iniingatan mong walang malikhang kahit kaunting ingay.
Noong una'y nagtataka ako, ngunit di kalauna'y naintindihan ko na. At ang ganoong eksena ay naulit pa ng hindi ko mabilang na beses.
Nasanay na ako...
Sa gabi, hihiga ka sa iyong kama, kaharap ang pader, habang yakap mo ako, ika'y tumatangis. Impit. Tahimik. Walang nakakaalam. Walang nakakarinig.
Ako, ako lang ang tanging nasandalan mo. Ako ang naging karamay mo sa bawat sakit. Ako ang napaglalabasan mo ng iyong mga hinanakit.
Ako ang nakakaalam ng bawat pagtangis mo hanggang sa makatulog ka na ng mahimbing. Ako lang.
Kahit na nababasa ako ng luha't sipon mo sa tuwing iiyak ka, natutuwa ako. Proud ako sa sarili ko, dahil kahit papano'y nababawasan ang dinadala mo sa tuwing hihimlay ka sa akin.
Masaya akong natulungan kita. Pinapangako kong ang mga lihim mong ako lang ang nakakaalam ay mananatiling lihim at mababaon sa limot kasama ko hanggang sa huli.
Sana sa muli nating pagtatagpo ay malaya ka na... Palayain mo na ang sarili mo sa sakit...
Matulog ka na ng mahimbing...
![](https://img.wattpad.com/cover/62305493-288-k444636.jpg)