Basketball? No, thanks.
Bata pa lang ako hindi na ako mahilig sa sports. Buo ang paniniwala kong gulo lang ang maidadala ng sports sa buhay ko kaya hindi ko pinilit na matuto. Dala na rin ng pagiging lampa ko, ni minsan ay hindi ako nahawak ng bola. OA mang pakinggan pero iyon ang totoo—Ay mali. May dalawang beses na pala.
First year college palang ako noon. Sabi ko nga, hindi ako mahilig sa sports pero dahil sa mga kaibigan kong gwapung-gwapo at naglalaway sa mga manlalaro ng varsity, madalas napipilitan akong manood ng practice games kasama sila. Tandang-tanda ko pa nga ang pangalan ng star player nilang si Jonathan Ramirez dahil iyon ang bukambibig ng barkada ko noong mga panahoong iyon.
Si Jonathan, o mas kilala sa tawag na Nate, ay tunay na depinisyon ng “heartthrob”. Gwapo, matangkad, mayaman. Basta, laging tinitilian ng mga babae’t feeling babae. Kaso hindi ko siya type. Isa lang naman kasi akong simpleng babae kaya nagkakagusto ako sa mga simpleng tao rin lang. Ni minsan ay hindi pa ako nagkagusto sa mga taong magara. Hindi kasi uso sa akin ang kasabihang “Opposites attract.”
Lumipas ang ilang buwan pero lagi pa rin kaming nagpupunta sa practices nila. Minsan nga’y sumagi sa isip ko na magtayo na ng cheering squad kasama ang barkada ko. Sa maniwala kayo’t sa hindi, kasing lakas ng isang buong team ang sigaw nila para sa kani-kanilang “papa”.
Isang hapong nanonood sila’t nagse-cellphone ako, hindi sigaw ng pagkamangha ang lumabas mula sa kanila. Nang iangat ko ang mukha ko, nakita kong papunta sa direksyon namin ang isang miyembro. Ayos naman siyang maglakad, mukhang wala namang injury, pero halata sa mukha niya na may masakit sa kanya.
“Shocks, ano kayang nangyari kay Papa Raven?” nag-aalalang bulong sa amin ni Lois, isa sa mga kaibigan ko.
Sa totoo lang, kung meron man akong hinahangaan sa varsity, si Raven Garcia ‘yun. Hindi man siya kasing gwapo, tangkad, o kasing yaman ni Nate o ng iba pang heartthrobs sa university, siya pa rin ang nakakuha ng atensyon ko. Simple kasi, mabait, mapagkumbaba.
“Oh my gosh! Mukhang na-sprain. Namamaga ‘yung wrist niya oh,” sagot ni Nikki. Medyo napalakas ang pagkakasabi niya kaya nabaling sa direksyon namin ang tingin ni Raven. Pag-angat niya ng mukha niya, ngumiti siya sa akin… at ang simpleng ngiting iyon ng isang basketbolista ang gumulo ng lahat.
Ilang linggo matapos ang araw na iyon, hindi pa rin maalis sa isip ko ang ngiti ni Raven. Hindi ko alam kung may ibig sabihin ba iyon o nagkataon lang na sa akin siya napatingin. Ayokong malaman ang sagot pero deep inside, hinihiling kong meron nga sana.
Nakakatuwang isipin na minsan pinaglalaruan tayo ng tadhana. Isang malamig na umaga ng Disyembre, nagmamadali akong pumunta sa klase ko dahil malapit na akong ma-late. Tumatakbo ako ng mabilis nang may makabanggaan ako sa harap ng mismong kwartong papasukan ko. Sa lakas ng impact, napaupo ako sa sahig at naluha ng kaunti. Dali-dali naman akong nilapitan nung nakabangga sa akin.
“Miss, sorry. Nagmamadali lang kasi, sorry talaga,” sabi nung lalaki. Nang buksan ko ang mga mata ko, nakita ko si Raven na inaabutan ako ng panyo. Biglang natigil sa pagtulo ang luha ko. Sa sobrang gulat ko, tumayo ako agad at lumakad palapit sa classroom ko. Papasok na sana ako pero tinawag niya ako ulit.
“Uy. Miss, ayos ka lang?”
“Oo, sensya na rin,” nakangiti at matipid kong sagot.
Sa pangalawang pagkakataong bubuksan ko na sana ang pinto, pinigilan niya ako.
“Dito rin klase mo? Sabay na tayo para kunwari galing tayo sa klase,” pakiusap niya. “Pangatlong late ko na kasi ‘to dito e. Nakakahiyang pumasok mag-isa.”
Natawa ako nang sabihin niya ‘yun, pero siyempre, pumayag pa rin ako. Pagpasok namin, nakahanap agad siya ng dalawang magkatabing upuan. Sa large classes kasi, walang seating arrangements kaya ayos lang kahit saan kami maupo.
BINABASA MO ANG
Three-Point Shot
Short Story"All it took was a three-point shot." © 2013 IskaExclusive. All rights reserved.