One-Shot

5 0 0
                                    

Napanaginipan kita kagabi.

Nag-away daw tayo.

Nagtatampo ako tapos galit ka. Hindi ko alam kung bakit tayo nag-away, basta hindi daw tayo nagpapansinan.

Pumunta daw tayo sa isang probinsya kasama yung mga kaibigan ko at mga kaibigan mo. At ngayon ay pauwi na tayo.

Magkatabi daw tayo pero nasa iba ang atensyon ko.

Sa kanan ko ikaw pero yung nasa kaliwa ko ay yung taong pinaka-pinagseselosan mo.

Kinakausap ko siya kasi kaibigan ko siya. Tumatawa kami kagaya ng dati dahil mas una ko siyang nakilala kesa sayo.

Tahimik ka lang daw sa tabi ko. Hindi ka nagsasalita, parang nakikiramdam ka lang.

Tapos biglang tumigil yung sinasakyan natin. Nasiraan yata kasi bumaba yung driver.

Humarap ka raw sakin pero hindi parin kita pinapansin.

Umamba kang aakbay pero lumayo daw ako at lalong nakipagtawanan sa katabi ko.

At dahil siguro sa pagkapahiya ay bigla kang tumayo at lumabas mula sa sasakyan natin.

Sinundan kita ng tingin at agad nagsisi dahil pagkababa mo ay sinalubong ka ng ex mo na naging kaibigan mo na ngayon.

Gusto kitang sundan pero ayoko dahil nagtatampo parin ako. Ayokong ako ang lalapit dahil ikaw naman ang lalaki. Dapat ikaw ang gumawa ng paraan para magkaayos tayo.

Lumipas ang ilang sandali, nasa labas ka pa rin ng sasakyan natin. Nakikipagkwentuhan at nakikipagtawanan sa kanya. Na parang ang tagal niyong di nagkita, na parang namiss niyo ang isa't isa. Na parang ang pinag-uusapan niyo ay yung nakaraan niyo.

At sa ngiti ng mga mata mo ay parang sinasabi mo na masaya ka at nakausap mo ulit siya.

Pinili ko na lang pumikit dahil nasasaktan ako. Matagal na kayong wala, pero naaapektuhan pa rin ako. Nasasaktan pa rin ako pag nakikita kong napapatawa ka niya. Yun ata ang dahilan kung bakit tayo nag-away ngayon. Kung bakit ako nagtatampo at kung bakit galit ka ngayon.

Muli kong iminulat ang mga mata ko at laking gulat ng makitang nakatitig ka sakin.

Ang malamlam mong mga mata ay nakatuon sa akin na parang binabasa mo ang nasa isip ko. Kumunot ng bahagya ang noo mo na wari'y nagagalit nanaman.

Huli na ng napansin kong dumapo na pala ang kamay ng katabi ko sa balikat ko. Nilingon ko siya para sana pagsabihan pero huli na dahil sa muling paglingon ko sa gawi mo ay wala ka na doon.

Wala na kayong dalawa doon.

Luminga-linga ako para hanapin ka pero hindi kita makita. Tumayo ako para bumaba at hanapin ka.

Pero bago ko pa man maihakbang ang isa kong paa sa lupa ay biglang may humawak sa kamay ko.

Isang matinding kuryente at kilabot ang gumapang sa katawan ko. Isang pamilyar na pakiramdam. Isang init na mula sa kamay na humawak sa akin na nakapagpawala ng damdamin ko.

Isang kamay na kilalang-kilala ko kung kanino.

Hindi ko alam pero parang bigla kitang sobrang namiss kaya naman walang anu-ano'y humarap ako sa gawi mo at agad na yumakap sayo.

Niyakap daw kita ng mahigpit. Mahigpit na mahigpit. At sa pagkakayakap ko ay rinig na rinig ko ang kabog ng dibdib mo na parang sinasabi nito kung gaano mo ako kamahal. Na gustong-gusto mo akong yakapin.

Naramdaman ko rin ang banayad na paghinga mo sa leeg ko dahilan para lalo kong isiksik ang sarili sa iyo.

Matigas ang ulo ko, makulit, pasaway at kadalasan ay moody. Madalas din tayong mag-away dahil pareho daw tayong mabilis magselos.

Pero sa kabila ng lahat ng yun ay di mo parin ako iniiwan. Lagi mo akong iniintindi. Palagi kang nandyan kahit pinapaalis na kita. Palagi mo akong sinusuyo kahit ako ang may kasalanan. Bandang huli ikaw pa nga ang nag-so-sorry.

Palagi mo kong pinapasaya kahit sa mga korning banat mo. Tapos lagi kang nandyan pag may sakit ako para alagaan ako. Hindi ka rin nawawala o pumapalya para ihatid at sunduin ako mula sa trabaho ko.

Kumalas ka ng yakap at tiningnan ako.

Sinuri mo ang mukha ko na parang may hinahanap ka. Maya maya'y sumilay ang kaunting ngiti sa mga labi mo at dumapo ito sa noo ko.

Ang swerte ko. Ang swerte-swerte ko sayo.

Siguro nga ako ang may kasalanan kung bakit tayo di nagpapansinan ngayon. Ako dahilan kung bakit ka galit.

Ano nanaman kayang ginawa ko sayo? Gusto kong malaman pero hindi ko talaga alam.

Mula sa noo ko ay bumaba ang mga labi mo sa labi ko.

Gusto kong umiyak. Naiiyak ako dahil sa saya. Mahal na mahal pala talaga kita at alam kong ganoon ka rin.

Ang banayad mong mga halik ay parang isang magic na agad na nakapagpaalis sa tampo na nararamdaman ko. Ang gaan na ng pakiramdam ko. Masaya na ulit ako.

Tinapos mo ang halik at tiningnan mo ako gamit ang nakangiti mong mga mata. Mga mata na parang sinasabing para sakin lang ang mga titig mo.

Huminga ako ng malalim at muling yumakap sayo.

Naglakad tayo pabalik sa upuan natin na magkayakap at magkahawak ang mga kamay. Na parang ayaw pakawalan ang isa't isa.

Ngunit bago pa man tayo tuluyang umupo sa dati nating upuan ay bigla akong naalimpungatan at nagising...










Isang panaginip nanaman....

Bumangon ako sa pagkakahiga at sandaling natulala.

Kinapa ko ang mukha ko ng maramdamang basa ito.

Umiyak nanaman pala ako...

Tatlong buwan na ang nakakalipas pero ngayon nalang ulit ako nakaramdam ng ganito.

Dati kapag naaalala lang kita pero ngayon pati panaginip nakakapagpaiyak na rin sa akin.


Muli kong narealise kung gaano ako katanga. Kung gaano ako ka walang kwenta.

Pinabayaan kitang lumayo at ngayong tuluyang lumayo at nawala ka na ay saka ko lang naisip kung gaano kita kamahal.

Sising-sisi ako pero wala na akong magagawa. Nangyari na ang lahat. Tapos na ang lahat.

Ilang beses akong umiling para itapon ang aking iniisip. Matagl na yun. Nakamove-on na ko. Okay na ko.

Kinapa ko sa ulunan ko ang aking cellphone at muling napangiti ng mapait ng makita ang magaganda mong mga ngiti na dati'y para sa akin lang.

Tapos na ang lahat. Masaya ka na ulit. Masaya ka na sa kanya. Masaya na ulit kayong dalawa.

Kailangan na talaga kitang kalimutan. Ayoko na kitang mapanaginipan. Gusto ko na uling mabuhay. Gusto ko na uling maging masaya...

Bago ko tuluyang bitawan ang cellphone ko ay mabilis akong pumunta sa profile mo at binura lahat ng mga alala natin.

Ang lahat ng mga mensahe mo kasama ang mga larawang tayong dalawa ang laman.

Tapos na ang lahat. Hindi kami ang para sa isa't isa. Wala akong kasalanan. Pareho lang kaming biktima ng kapalaran. Magiging masaya lang akong muli kong tuluyan kong tatanggapin ang lahat.

Nasaktan man ako ang mahalaga ay may natutunan ako.

Sana kayo rin.

Kaya naman tumayo na ako at sa unang pagkakataon ay naramdaman ko ang totoong ginhawa.

Kailangan kong maging masaya. Kailangan kong magpatuloy. Kailangan kong lumaban.

Magiging masaya ako, hindi man ngayon o bukas o sa isang buwan ay sisiguraduhin ko paring magiging masaya ako.

Hindi man sa piling mo...
  
  
  
  
  
     

      








(02-12-16)

Ganun TalagaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon