August 10, 2015
<Rain>
Napatingin ako sa gawi niya, nakangiti na naman siya habang nakikipag-kuwentuhan sa mga kaibigan niya. Puwede naman sigurong magmukhang mataray siya eh para hindi rin magkagusto 'yung mga kaibigan ko.
Biglang may lalaking lumapit sa kanya at inakbayan siya, nag-usap silang dalawa at biglang nagtawanan. Bakit ba nagseselos ako? Bakit kasi kailangan ko pa silang titigan.
"Rain, liligawan ko na si Autumn." biglang bulong sa'kin ni Lawrence.
Ngumiti ako. "Susuportahan kita." sabi ko. Sige, Rain, galingan mo lang umarte.
"Baka may gusto ka rin sa kanya tulad ni Arnold ha. Pero sigurado akong hindi siya ang tipo mo eh."
"Tama ka." sabi ko na lang.
-
August 11, 2015
Maaga akong pumasok para lang kay Autumn. Late na naman siyang pumasok at 'yung buhok niya, medyo magulo na naman pero ba't ang ganda pa rin niya?
Nang recess na, palabas na ako ng pintuan nang dumaan siya sa tabi ko. Nagdikit ang braso ko sa braso niya. Napahinto ako bigla.
"Uy, Rain, namumula ka ata?" tanong ni Sheryll, 'yung kaibigan ni Autumn. Kaya naman napatingin din sa'kin si Autumn, napalunok ako dahil nakatingin siya mismo sa mukha. Bigla siyang ngumiti.
"May sakit ka ba?" dinampi niya 'yung kamay niya sa noo ko.
Kabang-kaba ako na kinikilig na ewan. Nakakabakla naman 'tong nararamdaman ko.
"A-Ayos l-lang.. a-koo."
Tumawa siya bigla.
"Ang cute mo. Pahinga ka na lang."
At umalis na siya. Umupo agad ako sa upuan at napatulala.
Una, tinignan niya ang mukha ko.
Pangalawa, ngumiti siya na ako ang dahilan.
Pangatlo, dumampi ang balat niya sa balat ko.
At pang-apat, sinabihan niya akong cute.
Ito na ata ang pinakamasayang araw sa buong buhay ko.
-
August 12, 2015
Pagpasok ko, kinabukasan, nakita ko na namang nakangiti si Autumn pero ang dahilan ay si Lawrence. Nagku-kuwentuhan sila at parang ang saya-saya nilang dalawa. Nagseselos na naman ako.
Umupo na lang ako at ilang sandali dumating na 'yung Math Teacher namin. Nagbigay agad siya ng quiz tungkol sa lesson namin kahapon. Nang natapos na ito, nagexchange na kami ng papel.
Pagtingin ko sa papel na napunta sa'kin.
Autumn Mallari
Napalunok ako. Tse-tsekan ko ang papel niya..
"Rain, wala akong kapalitan, palit tayo." sabi sakin ni Lawrence.
"Ha?"
"Dali na."
Inabot ko sa kanya yung papel ni Autumn at inabot naman niya sakin yung papel niya.
"Uy! Papel ni Autumn! Destiny!" sigaw niya bigla nang makita yung papel.
"Ayiee"
"Naks! May poreber na."
Tumingin ako kay Autumn habang nang-aasar yung mga kaklase namin. Nakangiti lang siya habang nakatingin sa papel na hawak niya.
![](https://img.wattpad.com/cover/63853973-288-k204210.jpg)