Gabing Mapanglaw (Isang maikling kwento)

1.5K 3 1
                                    

*We constructed this story together, I miss you my friend* 

Mapanglaw na Gabi

Ang lugar ng Nagrito ay kilala dahil sa mga krimen na nagaganap dito. Sa kalaliman ng gabi; sa tanging liwanag na ibinibigay ng pundidong mga ilaw ay nagaganap ang mga kagimbal-gimbal na krimen. Gabi-gabi ay napupuno ng mga sigawan ang mga lansangan na tila'y normal na sa kanila. Maging ang mga tunog ng sirena ng mga sasakyang pampulis ay normal na rin. Lahat ng mga mamamayan ay nasanay na sa "Madilim na Gabi" sa kanilang lugar. Lahat maliban kay Cleo. Si Cleo ay isang matipunong lalaki; maganda ang pangangatawan ,mabait, at matapang, ngunit nababalot ng takot ang kanyang damdamin; isang pangambang nagmula pa sa kanyang kabataan.

Naaalala pa niya ang mga pangyayari. Alas onse ng gabi noon. Isang tingin pa lamang sa ginisang sardinas na nakahain sa hapag ay pinilit niya na ang kanyang ama na bumili ng lugaw. Tatlong limang pisong barya na lamang ang taglay ng bulsa ni Ramie, ngunit dahil sa labis na pagmamahal sa anak ay pumayag siya sa kagustuhan nito. Tinatahak nila ang isang makipot at madilim na lansangan nang namataan nila ang mga anino; anino ng mga taong tila nilamon na ng kalasingan. Nakutuban ni Ramie na may mangyayaring masama, ngunit hindi niya ito pinahalata sa kanyang anak. Hinawakan niya ang balikat ni Cleo at sinambit ang kanyang mga huling salita:  

"Umuwi ka na, anak." 

 Tinatahak na ng bata ang landas patungo sa kanilang tahanan noong narinig niya ang ungol ng kanyang ama. Nandilim ang kanyang paningin at tila nanlamig ang paligid. Napahinto siya sa paglakad at agad-agad na bumalik sa kanyang pinaggalingan. Doon nasaksihan ng kanyang musmos na mga mata ang kagimbal-gimbal na pagpatay sa kanyang ama. Ninais niyang tumulong, ninais niyang tumakbo papunta roon at tulakin papalayo ang mga lalaki, ngunit siya ay naunahan na ng kaba. Nanatili siyang nakatayo, nanonood sa malayo; paralisa dahil sa takot ngunit patuloy sa pagluha. Nilamon siya ng dilim noong mga oras na nagdaan, tila wala ng katapusan ang hirap na dinadanas ng kanyang ama. Sa wakas ay umalis na rin ang mga lalaki, nagtatawanan at nag-aapiran na para bang nanggaling sa isang kasiyahan. Mabigat ang mga naging hakbang ni Cleo, ngunit siya'y nagpatuloy sa paglalakad. Lumakas ang buhos ng ulan, tila siya's tinulak pababa hanggang siya's mapaluhod sa duguan at walang buhay na katawan ng kanyang ama. Humingi siya ng tulong, ngunit kahit anong lakas ng sigaw niya ay wari'y walang nakaririnig sa kanya. Ang trahedyang ito ay patuloy na dumadalaw sa kanyang mga panaginip. Madalas ay sinisisi niya ang sarili, "Kung hindi lang ako naging mapili. ay buhay pa si ama". Palagi na siyang kumakain ng sardinas ngayon.

Mapayat. Mabaho. Maitim. Mambabarang. Yan ang mga salitang tumutukoy kay Ronaldo, isang lalaking pagala-gala sa kanilang lugar. Sa kabila ng mga ito ay nananatiling napakadalisay ng kalooban ni Ronaldo. Isang gabi, sa parehong lansangan kung saan kinuha ang buhay ng ama ni Cleo, ay nasaksihan niya ang pagpatay at pagnanakaw sa isang estudyante. Nang tumakbo papalayo ang kriminal ay nilapitan ni Ronaldo ang mag-aaral, balisa at hindi alam ang gagawin. Nasa kanyang harapan ngayon ang isang bata na unti-unti nang nilalamon ng kamatayan. 

"Tulungan niyo po ako, Manong" ang sabi ng bata.

"H-Hi-Hindi ko alam ang gagawin, tatawag ako ng tulong. S-Sa-saglit lang." Sa sobrang taranta ay hinawakan ni Ronaldo ang kutsilyong nakatarak sa dibdib ng estudyante. Sa mga oras na na iyon ay napadaan si Cleo. Agad niyang naalala ang kanyang ama, at ang hindi makatarungang pagpaslang rito. Hindi niya na ito hahayaang mangyari muli. Sa kanya man o sa ibang tao. Dali-dali siyang tumakbo at humingi ng tulong. Wala pang mga limang minuto noong dinumog ng mga residente si Ronaldo, na sinubukang sabihin na siya ay inosente.

Muli napuno na naman ng mga sirena ng mga sasakyang pampulis ang gabi ng mga resident ng Nagrito. 

Dali-daling napiit si Ronaldo sa kulungan, mabagal umiral ang kaso, larawan ng bulok na sistema ng hustisya sa lugar. Si Ronaldo ay nakakulong sa isang selda na hindi nararapat sa kanya; napiit dahil ninais niyang tulungan ang kanyang kapwa. Siguro dahil na rin sa kalungkutan ay hinayaan na ni Ronaldo na lamunin ng kanser ang kanyang katawan. Matapos ang isang taon ay tuluyan nang bumigay si Ronaldo,Bago niya lisanin ang malupit na mundo ay kanya muna niyang sinabi ang mga katagang "Wala akong kasalanan, porket ba ganito ako ay makakaya ko ng kumitil ng buhay, nawa'y maliwanagan ka bata sa pagkamatay ng apoy ng aking buhay"  at kaniya ng iniwan ang kanyang miserableng buhay. Siya ay namatay sa likod ng madilim at malamig na mga rehas. 

 Sa araw na iyon ay napatunayan na walang sala si Ronaldo, ngunit hindi niya na natamasa ang kanyang tagumpay. Labis na paghihinagpis ang naramdaman ni Cleo nang mabalitaan ang mga pangayayari. Paulit-ulit niyang naririnig ang mga salitang tinuran ni Ronaldo; "Inosente po ako, Wala akong ginawang masama"...mga salitang paulit-ulit rin maging sa kanyang panaginip, kasama ng ungol ng kanyang ama. Mga tunog na palagi niyang naririnig, gising o tulog, takpan man niya ang kanyang mga tainga. Sinakop na nito ang pag- iisip at buong pagkatao ni Cleo. 

 Alas-onse ng gabi noon, ng makaharap ni Cleo ang mga lalaking amoy-alak sa lansangan.Naramdaman niya na ang napipintong pagsingil ng tadhana sa kanya, Bago pa man siya lamunin ng karimlan ay sumigaw siya, "Patawad Ama, Patawad Ronaldo", Kasabay ng mga salitang iyon ay ang pagkamatay ng apoy ng kanyang buhay. Kung ito rin ang mga lalaking pumaslang sa kanyang ama, ay hindi na mahalaga. Umaga na nang matagpuan ang duguang bangkay ni Cleo. Isa na namang buhay ang kinitil sa kailaliman ng mapanglaw na gabi.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Aug 04, 2013 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Gabing Mapanglaw (Isang maikling kwento)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon