Araling 1: Kay Selia
Kapag naaalaala ng makata ang nakaraan, iisang babae ang binabalikan niya sa gunita, si Celia lamang. Matamis ang kanilang pag-iibigan at masaya sila habang namamasyal sa Ilog Beata at Hilom. Ngunt ngayo'y di mapigilan ng makata ang pagluha kapag naiisip na baka naagaw na ng iba ang pag-ibig ni Celia. Dahil sa kalungkutan, natutong magsulat ng tula ang makata. Inihahandog niya ang tulang ito kay Celia, na ang sagisag ay M.A.R.
Aralin 2: Sa Babasa Nito
Nagpapasalamat ang makata sa mga babasa ng kanyang awit. Ang kanyang akda ay parang bubot na prutas sa unang tingin ngunit masarap kapag ninamnam. Hinihiling ng makata na huwag babaguhin ang kanyang berso at pakasuriin muna ito bago pintasan. Kung may bahaging di malinawan, iminumungkahi niyang tumingin lamang ang mambabasa sa ibaba ng pahina at may paliwanag doon. Ipinakiusap din niya na huwag babaguhina ng mga salita sapagkat sa halip na mapabuti ay baka sumama pa ang akda.
Aralin 3: Pambungad na Tagpuan
Nagsisimula ang awit sa isang madilim at mapanglaw na gubat na di halos mapasok ng sikat ng araw. Madawag ang gubat at maraming puno ng higera at sipres. Maraming hayop dito, tulad ng ahas, basilisko, hyena, tigre at leon. Sa isang punong higera sa gitna ng gubat, naktali ang paa, kamay at leeg ng isang guwapong binata, na may makinis na balat at kulay gintong buhok. Sayang walang mga nimpa sa gubat na makapagliligtas sa binata.
Aralin 4: Ang Reynong Albanya
Umiiyak ang binatang nakagapos. Sinabi niyang naghahari ang kasamaan sa kahariang Albanya. Bawal magsabi ng totoo, may parusa itong kamatayan. Kagagawan ni Konde Adolfo ang lahat, sapagkat ibig nitong mapasakanya ang kapangyarihan ni Haring Linseo at ang kayamanan ni Duke Briseo na ama ng nakagapos.
Aralin 5: Pighati ng Nagmamahal
Nakikiusap ang binatang nakagapos na ibagsak ng kalangitan ang poot nito at parusahan ang masasama. Alam niyang lahat ng nangyayari ay sa ikabubuti ng lahat kaya't nakahanda siyang magdusa. Ang tanging hiling niya ay sana, maalaala siya ng minamahal na si Laura. Kung naiisip niyang iniiyakan ni Laura ang kanyang pagkamatay, para na rin siyang nagkaroon ng buhay na walng hanggan. Ngunit ang labis na ipinaghihirap ng kanyang loob ay ang hinalang baka naagaw na ng kanyang karibal na si Adolfo ang pagmamahal ni Laura.
Aralin 6: Magandang Alaala
Larawan ng kalungkutan at pagseselos ang binatang nakagapos. Isinigaw niya sa buong kagubatan ang kanyang sama ng loob dahil tila nalimot na siya ni Laura, ngayon pa namang kailangan niya ito. Noon, kapag patungo sa digmaan, ang binata ay pinababaunan ni Laura ng luha at ng bandang may letrang L at mahahalagang bato. Pagkagaling sa labanan, munting galos ng binata ay huhugasan agad ni Laura ng luha. At kung nalulungkot ang binata pinipilit siyang aliwin ni Laura. Ibig ng binatang nakagapos na muling ipakita ni Laura ang dating pag-aalaala sa kanya. Ngunit natatakot ang lalaki na baka naagaw na ni Adolfo so Laura. Kaya't nasabi niyang pasasalamatan pa niya si Adolfo pahirapan man siya nang husto, huwag lamang agawin si Laura. Lumuha ng lumuha ang lalaki hanggang sa siya'y mapayukayok.
Aralin 7:Kapangyarihan ng Pag-ibig
Nagkataong dumating sa gubat ang isang mandirigma o gerero na sa pananamit ay masasabing isang Morong taga-Persiya. Naupo ito sa lilim ng isang puno at lumuluhang naghimutok. Nagbanta siya na sino mang umagaw sa pagmamahal ng babae ay papatayin niya, maliban sa kanyang ama. Naihimutok ng gererong Moro na sadyang napakalaki ng kapangyarihan ng pag-ibig. Kahit mag-aama'y nag-aaway nang dahil sa pag-ibig.
Aralin 8: Duke Briseo: Amang Mapagmahal
Nang huminto sa paghihimutok ang gerero, nagulat pa ito sa sumalit na buntung hininga ng lalaking nakagapos. Moo'y ginugunita ng nakagapos ang amang mapagmahal na ipinapatay ni Adolfo. Pinaghiwa-hiwalay ang ulo, katawan at mga kamay ng kanyang ama at walang nakapangahas na ito'y ilibing. Ngunit hanggang sa huling sandali, tanging kapakanan ng kaisa-isang anak ang nasa isip ng ama.