Sabado. Isang araw. Minsan ikaanim, minsan ikapito.
Sabado, bahagi ng isang linggo. Isang linggo na ating pinagsaluhan nang masaya at walang pakialam sa mundo.
Nauwi sa isang buwan. Tatlumpung araw na punung-puno ng "magandang umaga", tanghali, gabi, "kumain ka na ba?" "Oo, sana kasabay kita."At ngayon. Isang taon na. Isang taon na mula nang Sabadong ako'y iyong iniwan, tinalikuran, pinabayaan, nang walang paalam.
Iniwan, tinalikuran, pinabayaan, pinabayaang malugmok sa kumunoy ng pag-ibig na hindi mo kailanman nasuklian at masusuklian. Mahal, bakit?
Bakit hindi mo ako sinalo?
Hindi mo ba alam na ako ang Sabado at ikaw ang Linggo?
Mahal, ikaw ang kinabukasan ko.
Ngunit ilusyon lamang pala ang lahat. Ako lang pala ang tumaya, at hindi iyon sapat.Ngayon, ako'y patuloy na naghihintay.
Hindi sa pagbabalik mo.
Hindi sa isa na namang linggo.
Hindi ako naghihintay ng panahong kaya mo ng sumugal para sa akin, sa iyo. Sa atin.Naghihintay ako sa pagdating ng isang kalendaryong wala ng Sabado.
Dahil, mahal, tuwing Sabado, nananariwa ang mga sugat na dala ng paglisan mo sa aking mundo.
At nais ko ng maghilom ang mga ito.