The One Under The Bed

3.3K 65 17
                                    

        KANINA pa hindi magkandaugaga si Maritess sa kahahanap ng cellphone ng among si Clarisse.

        “Tess, asan na ang cellphone?” apura ng amo habang panay ang pahid nito ng blush-on sa mukha. “Pakibilisan lang, male-late na ako sa trabaho.”

         Nakadapa si Maritess at pilit na inabot ang inaakalang cellphone sa madilim na ilalim ng sofa “Teka lang po, ‘te” Inunat niya pa lalo ang kamay at nang may makapa agad niya itong kinuha---tsinelas lang pala.

        “E, ate hindi ko makita cellphone mo. ‘Di ba kanina nandu’n lang ‘yun sa lamesa?” kamot ulo pa rin si Maritess. Tatlong araw na rin kasi ang nakakalipas nang ang sariling cellphone naman na pinag-ipunan niya ng tatlong buwan ang nawala.

        “E, ‘yun na nga Tess. Sinong kukuha nu’n, e, tayo-tayo lang naman dito.” Wala ang atensyon ni Clarisse sa kausap. Panay kasi ang pindot nito sa isa sa apat pa niyang cellphone.

        Hindi na niya nasagot ang amo. Nagpalinga-linga siya sa paligid saka lumuhod sabay tuwad para hanapin ang cellphone sa ilalim naman ng lamesa na kanina nitong pinagpapatungan.

        “Wala talaga dito ate”

       “Tsk… tsk… nasaan na ‘yun?” napapalatak si Clarisse sabay kuha sa handbag na nakapatong rin sa parehong lamesa kung nasaan ang cellphone ilang minuto lang ang nakakaraan. Imposible namang may kumuha nu’n dahil siya lang ang nasa kuwarto noong mga sandaling iyon.

        Hindi na bago kay Maritess ang ganito. Sa limang buwan na inilagi niya sa piling ng mag-inang Clarisse at Rob, tila kada linggo na lang yata, may nawawalang kung anong bagay sa bahay. Kung hindi ‘yung bagong laruan ni Rob, ang paboritong cocktail dress naman ni Clarisse ang parang bulang bigla na pumuputok at naglalaho sa hangin. Noong mga unang linggo nga niya sa pamilya, pinagsuspetsahan kaagad siya ng amo noong biglang nawala ang bagong bili nitong Nokia. Pero agad din naman nabawi ang mga pangamba ni Clarisse sa bagong kasambahay na si Maritess---na nakuha pa niya sa isang agency sa Makati---nang lumitaw ang cellphone sa mismong lugar kung saan itio nawala pagkalipas ng dalawang araw.

        Hindi na ipinagbigay alam ni Clarisse ang kakatwang bagay sa awtoridad. Bakit pa samanatalang agad din naman lumilitaw ang mga gamit paglipas ng dalawa o apat na araw. Aksaya lang sa oras. Oras na mas nanaisin pa niyang igugol sa pagtatrabaho ng overtime bilang technical support supervisor sa isang call center company sa Libis, QC.

         Kailangan niyang kumayod nang husto lalo na’t mag-isa lang siyang bumubuhay sa solong anak na si Rob na limang taong gulang na at kasalukuyang nasa kindergarten. Iniwan na kasi sila ni Pax, ex niya at isa sa mga dati niyang ahente sa isa pang call center na dati niya ring pinagsilbihan bilang supervisor sa Makati.

        “Mommy, may nag-text,” sabad bigla ni Rob na tila may sa pusa at tahimik na sumulpot sa gitna ni Maritess at Clarisse. Napatalon sa gulat ang mag-amo.

        “Sa’n mo nakuha ‘to, baby?” tanong ni Clarisse.

        “Bigay ni Albert” kinusot-kusot ni Rob ang mata na halatang kadidilat lang galing sa isang oras na pagkakaidlip.

        Albert

        Ilang linggo nang binabanggit ni Rob ang ‘imaginary friend’ niyang ito. Akala nga ni Maritess, bestfriend ito ni Rob sa eskwelahan. Hindi, sabi sa kanya ng amo noong minsang siyang magkuwento, imbentong kaibigan niya lang ‘yun.

        “Thank you , baby. Pakisabi kay Albert, thank you.” Hinalikan ni Clarisse sa noo ang anak at saka inayos ang gulo-gulo nitong buhok. Tinignan niya ang message sa cellphone. Galing sa boss niya ang text. Pinamamadali siya para sa emergency meeting.

The One Under The BedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon