Ang Huling Daing

264 0 0
                                    

Read.Tell.Share and make a difference. Enjoy!

______________________________________________________

“Inay! Inay!” sigaw ng mumunti ngunit mariing palahaw na bumulabog sa nakakarinding katahimikan na bumabalot sa buong Nayon.

Walang tumugon sa impit na ungol. Walang nakinig sa mga daig. Walang nagbukas ng kanilang ilaw upang saklolohan at damayan ang bobot at pagal na katawang unti-unting pinaghaharian ng sakit ang katinuan. Sakit na ibinigay upang ang bobot na katawa’y mamaluktot, mamilipit at maiyak sa galit; Galit dahil walang makakabigay lunas sa naturang sakit.

Ang nilalang sa dilim ay napahawak sa telang nakapulopot sa kanyang maliit na baywang, kapagdaka’y tumindig ito’t mahusay na tinalunton ang mumunting mesa. Hinagilap nito ang lamapara, papel at pluma’t hinayaan ang isip na gumana, humagip ng mga salitang makabubuo ng istorya, istoryang tutukoy sa kanyang mga sintemento, istoryang siyang dadamay sa kanyang paghihinagpis, istoryang lalarawan sa sakit na sa pagal na katawa’y tumatapis.

Dilim ang bumalot sa nilalang nang simulan nitong habiin ang isang istorya. Dilim na siyang tumatago sa bawat ngiwi, daing, pagsasalubong ng kilay at pagtatangis ng mga bagang. Dilim na yumakap, humalik at umakit sa nilalang upang pagbutihan ang nasimulan.

Nagsisimulang gumalaw ang pluma sa kanyang kamay na ang buong pag-aakala’y naparalisa na. Ang mga matang sa tuwina’y pikit ay unti-unting bumabaybay sa bawat salitang nabubuo sa isang papel. Ang kanyang isip, na buong buhay niya’y ‘di magamit gamit dahil natatabunan ng matinding sakit ay gumana’t tumulong upang mabigyan  ng tuldok ang istoryang bunga’y sakit.

Minsa’y naitatanong niya sa kanyang sistema kung bakit patuloy na tumitibok-tibok ang kanayng puso? Kung bakit patuloy nitong dinudugtungan ang naghihikaos niyang pagkatao? Bakit nagpapatuloy lamang ito sa pagtibok kahit siya’y namimilipit na sa sakit? Bakit hindi nito magawang tumigil sa pagtibok upang siya’y aluin at tulungang magmakaawa sa magiting na langit?

Siya’y isang kaluluwang ligaw na lumulutang sa dilim. Sinisilip, inoobserbahan at kinikilatis ang bawat lagusan na maaring makakadurugtong sa munti niyang kwento.

Nagsimulang tumawag ng saklolo ang nilalang nang nararamdaman nitong malapit na ang kanyang katapusan. Binilisan nito ang lakad ng pluma upang matapos ang kwento. Paika-ikang dinaluhong nito ang malambot na kama’t isinubsob ang ulo sa unan na napapalamutian ng puti at bulaklaking punda. Pagkaraa’y walang habas na nagtititili, dumadaing, nagpapakawala ng mga impit at nakakangilong ungol, kumukuyom ang mga kamay, lumuluha ng walang katapusang pasakit at walang kapagurang isinisipa ang payat na biyas. Nang hindi makapagpigil ay tumihaya ito’t walang kiyemeng dumaing, nanghingi ng tulong at naghanap ng kalinga. Ramdam niyang bumibilis ang tahip ng kanyang dibdib, unti-unting nauubos ang hangin sa kanyang baga, naninikip ang kanyang dibdib, nanlisik ang kanyang mga mata, tumigil ang kanyang mga kamay at biyas sa walang kapagurang pagpupunit. Pabagal at palalim ng palalim ang kanyang hininga. Palakas naman ng palakas ang malamig na hanging bumabalot sa naturang silid; Sumasayaw ang mga kurtina sa ritmong ginagawa ng hangin. Nagliparan ang kanyang mga papel, ang iba’y nanatili sa ere at ang iba’y bumagsak sa sahig, ibabaw ng aparador at sa lamesa. Naparalisa ang kanyang katawan kasama ng kanyang kaluluwa--- kaluluwang ‘sanglibong beses nang dumaing ng katapusan. Kinuha na ng sakit ang kanyang katinuan, katawan at kaluluwa . Isang nakakapanrimarim na tili ang pumuslit mula sa kanyang bibig bago naputol ang gasinulid na buhay na nagbibigkis ng kanyang kaluluwa sa kanyang katawan.

Dramatikong sumindi isa-isa ang mga ilaw sa nayon dahil sa tiling nagpagimbal sa lahat. Ang iba’y natakot . Ang iba’y naawa. Ngunit ang lahat ay nagalit, nagdabog at nambulyaw dahil sa pagputol ng naturang tili sa tahimik na paghihilik ng mga taga-nayon.

Wala sa loob na bumangon ang isang Ginang, hinagilap ang roba’t humahangos na tinahak ang dulong silid. Naglunoy ang namumula nitong mata sa patay na katawan sa kama. Akmang dadalahungin niya ito nang mapansing nakasindi ang lampara, inilang hakbang nito ang lamesa’t napahagulhol nang matapos basahin ang laman ng natitirang papel sa lamesa. Dama pati ng kanyang kaluluwa ang sakit, pait at munit na nadarama ng may akda. Animo’y isang humahagibis na punyal ang tumarak sa kanyang kaibuturan nang malaman ang paglilimos, paghihikaos at pamumuhay ng musmos kasama ang dilim.

“A-ang anak ko. A-anak ko,” pahisteryang saad ng Ginang sa ninuman. Pumaikot ang mga bisig nito sa malamig na katawan ng musmos. Naguumapaw sa pagsisisi ang buo nitong sistema. Humahagulhol ito’t humingi ng tawad at tulong sa langit.

Natulos sa kinatatayuan ang Ginang nang bumukas ang bintana’t isang malakas at malamig na hangin ang pumaypay, yumakap at pumalibot sa kanya. Kasunod nito’y ang pagsabog ng mga papel sa ere, na kapagdakay unti-unting nahulog sa sahig. Nahihintatakutan ma’y isa’isang pinulot ng Ginang ang mga ito’t inilagak sa isang bahagi ng silid. Akmang isasara niya ang bintana sa silid nang may mapansin siyang munting papel na nakakunyapit sa gilid ng bintana. Nangiginig at nanlalamig ang mga kamay na inabot niya ito, inusisa’t binasa ang laman.

“HULI NA.”

Malakas na kumalabog ang sahig sa mumunting silid. Muling tumilapon ang mga papel sa ere kasama ang pinakamaliit na nakita ng nahimatay na Ginang.

Biglang umihip ang malakas at malamig na hangin. Ilang sandaling nagsasayaw ang puting kurtina sa ritmo nito bago pumainlang ang isang tinig na sumasabay sa pag-iikot ng malamig na hangin sa mumunting silid na sa tuwina’y umuugoy ng:

“HULI NA. HULI NA.”

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Oct 11, 2011 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Ang Huling DaingTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon