Nandito kami ngayon sa dalampasigan. Naka-upo ako sa mga mapuputing bato habang nilalanghap at dinaramdam ang malinis at nakaka-aliwalas na simoy ng hangin.
Nagkakasiyahan na sila doon sa kubo naming inupahan para pagsaluhan, habang kumakain at pahingahan na rin.
Agad na nagsitakbuhan ang mga bata kung pinsan habang sinasalubong ang dagat na malugod silang tinanggap. Habang ako, eto't nakaupo parin sa mapuputing bato dito sa dalampasigan.
Nagkakasiyahan na sila doon, nakikipagkulitan na rin yung mga binata't dalaga kong mga pinsan sa mga bata kong pinsan. Habang ako, eto nakaupo parin sa mapuputing bato dito sa dalampasigan.
'Ate, halika na!' tawag sa 'kin habang sinesenyasan ako na lumapit, ngunit ngumiti lang ako.
Agad silang nagtakbuhan sa aking direksyon, hindi pa man ako nakakatayo bigla nila akong niyakap, basang katawan, mga basang katawan ang umangkin sa akin, tawanan lang kami ng tawanan at naghabulan papunta sa dagat na malugod kaming tinanggap.
Naglaro kami ng habol-habolan, sa aming pag-takbo, di ko namalayan ang lalaking nakatayo. Nabunggo ako sa kanya, agad naman nya akong sinalo.
Magulong buhok. Makapal na kilay. Matangos na ilong. Magagandang mata. Agad akong tumayo dala sa pagkataranta. Humingi ako ng pasensya at agad na bumalik sa kanila.
Panay ang nakaw-tingin ko sa lalaking naka-lilang chaketa. At agad ring lilihis ng tingin kapag nakapansin sya. Tinutukso na ako ng aking mga pinsan sa aking kilos kapag napapadaan kami sa kanya. Dedma lang ako, syempre, dalagang pilipina.
Lumipas ang oras at kayo'y naglinis na. Naghahanda sa pag-alis nyo sa kubong iyon. Tinitigan lang kita habang naglalakad paalis.
Sandali nga, sinalo mo ako, pero bakit ka-papalayo?
Hindi ko man lang nalaman ang iyong pangalan, sanay masilayan pa muli kita, lalaking naka-lilang chaketa.