The Soldier's Dream

49 3 1
                                    


Ito ay kwento na nagmula sa lumang panahon na nagpasa-pasa sa bawat henerasyon. Ito ay tungkol sa isang laruang sundalo na may malaking pagmamahal at pag-asa ngunit ni-isa walang nakakaalala sa lahat ng ginawa niya.

Ang sabi ng mga nakakaalam ng kwento ay nagsimula daw ang lahat sa panahon kung saan ang pag-asa ng bawat isa ay unti-unting natutunaw katulad ng isang kandila. Ang bawat kwento ay nagsisimula sa katagang "noong unang panahon" at nagtatapos sa "maligayang pagtatapos". Kung sanay ka na mag-basa ng mga fairytale siguradong mapapaisip ka sa tanong na kalian pa naging masaya ang pagtatapos ng kwento?

Noong unang panahon sa isang lumang baryo sa labas ng nagtataasang pader ng bayan ay may isang laruang sundalo na matatagpuan sa isang maliit na bahay. Ang laruang ito ay nagngangalang Ponse. Siya ay may makisig na pangangatawan at may inosenteng pagmumukha. Isang babae na nagngangalang Violeta ang nagmamay-ari sa kanya.

Ang laruang ito ay ibinigay sa kanya ng isang Amerikanong sundalo na minsang pinotektahan siya ng minsang maipit siya sa isang labanan sa pagitan ng mga Amerikano at mga Katipunero. Bago mamaalam ang sundalo ay iniwan niya ang laruang kanyang pinaka-iingatan sa babaeng kanyang minsang iniligtas at ibinilin na alagaan ito kahit na ano pa ang mangyari.

Kahit na ang laruang ito ay para lamang sa mga lalaki ay inalagaan nya pa rin ito ng lubos at ng dahil sa labis niyang pagmamahal ay nabiyayaan ito ng isang puso na may kakayahang magmahal ng lubos. Walang nakakaalam kung sino man ang nagbigay nito.

Laging binabantayan ni Ponse si Violeta. Hindi siya umaalis sa tabi nito hanggang sa nagdalaga na ang dating batang babae. Kapag mahimbing ng natutulog si Violeta ay itinatanggal niya ang nakasukbit na baril sa kanyang likod at siya ay lalapit kay Violeta at hahalikan niya ang pisngi nito.

Ngunit kahit kalian ay hindi nalaman ni Violeta na ang kanyang laruang sundalo ay may buhay. Isang tahimik na gabi kung saan wala si Violeta, ay nakarinig si Ponse ng isang nakakahumaling na tinig na nagmumula sa liwanag ng buwan na pumapasok sa isang bintana.

"Mahal mo ba siya?"

"Oo naman, mahal na mahal ko siya!"

"Kaya kitang gawing isang ganap na tao dahil nakita ko na ginamit mo ng tama ang pusong aking ibinigay sayo"

"Maari bang magtanong?"

"Maari ngunit ang aking isasagot sa iyong tanong ay magdudulot ng pighati"

"Ngunit... Gusto kong malaman... bakit mo ako binigyan ng puso.... Isang tumitibok na puso ng tao?"

"Sapagkat ang puso na aking ipinagkaloob ay lubos na busilak at ito ay naghahangad ng isang pag-ibig na nag-uumapaw at alam ko na kinakailangan na masuklian ito"

Ang liwanag na nagmumula sa bintana ay lalong lumakas upang ang buong bahay ay lumiwanag at sa isang iglap ay nawala ito na parang bula ngunit nag-iwan ito ng isang malaking pagbabago. Ang laruang sundalo ay naging isang ganap na tao.

Hindi alam ni Violeta ang nangyari.Ang akala niya ay muling pumasok ang mga bandito sa kanilang bahay ay kumuha ng mga gamit at napasama rito ang kanyang laruan. Simula ng nangyari ito ay halos walang araw at gabi na hindi siya napapaluha.

Sa isang tahimik na gabi ay kumatok sa pintuan si Ponse at nakiusap na kung maari siyang makitulog kahit na isang gabi man lang kina Violeta. Pumayag naman siya rito sapagkat sa unang pagkakita pa lamang niya rito ay nakaramadam siya ng pagtitiwala.

Naging magaan ang loob ni Violeta kay Ponse kung kaya ay naikwento nya rito ang kanyang pinagdadaanang problema. Sa bawat patak ng luha ay labis na dumudurog sa puso ni Ponse. Sapagkat alam niya na ang pagdadalamhati na nararamdaman ni Violeta ay dahil sa pagkawala ng laruan nito na naging dahilan naman ng kanyang pagkabuhay bilang tao.

Sinikap niyang pangitiin si Violeta sa bawat araw at gabing naaalala niya ang laruang sundalo at sa panahong iyon ay naroon si Ponse sa tabi niya upang pagaanin ang loob nito. Naging masaya si Ponse na sa wakas ay nakakausap, nahahawakan ang kamay, at nararamdaman na rin niya ang pagmamahal bilang isang tao. Nang nagtagal ay naging isang tunay ng magkaibigan ang dalawa. Nagsumpaan sila sa isa't-isa na hindi sila magkakahiwalay... Magpakilanman.

Isang araw, napag-isipang mabuti ni Ponse na sasabihin na niya ang buong katotohanan kay Violeta ngunit naunahan siya nito na magtapat ng isang lihim na dumurog sa puso ni Ponse. Umamin si Violeta na may nagugustuhan siyang lalaki.

" May minamahal akong lalaki mula sa aming paaralan. Ang pangalan niya ay Mark. Siya ay napakakisig at napakabait. Kaklase ko siya ngunit kahit kalian ay hindi kami nagpansinan. Maraming babae ang nagkakagusto sa kanya ngunit kahit kalian ay hindi siya nagbigay atensyon sa kanila bagkus ay mas pinipili niyang mag-aral ng mabuti. Hindi ko alam kung papaano niya ako mapapansin... hindi ko alam kung papaano ko sasabihing mahal ko siya... hinihiling ko na lang na sana ay may maibigay ako sa kanya... yung bagay na makakapagmulat sa kanya sa tunay kong nararamdaman para sa kanya"

Hindi na nasabi ni Ponse ang kanyang tunay na nararamdaman dahil sa lubos na pagkabigla.

Dahil sa labis na pagkagalit at pagseselos ay pinuntahan niya ang lalaking sinasabi ni Violeta. Nagdala siya ng isang mahabang kutsilyo na gagamitin niya upang patayin ang lalaking iyon.

Nakita niya si Mark, ang lalaking nagugustuhan ni Violeta na natutulog. Nung nakita niya na mahimbing itong natutulog ay inilabas niya ang kanyang dalang kutsilyo at iaakma nang isasaksak ng bigla itong nagsalita habang natutulog.

"Mahal kita Violeta... hindi ko masabi ang aking nararamdaman. Hindi ko alam kung papaano ko ito sasabihin... sana may isang bagay na makakapagsabi sa iyo ng tunay kong nararamdaman"

Nakaramdam ng isang matinding hinanakit si Ponse. Tinignan niyang muli si Mark at ang kutsilyo. Napagtanto niyang bitawan na lang ang kutsiyo at siya tumakbo palayo nang marinig niya ang nakakahumaling na tinig.

"Anong nangyari sa iyo? Bakit labis na nagdaramdam ang iyong puso? Anong gusto mong gawin ko upang mapahupa ang hinanakit na iyong nararamdaman?"

"Gawin mo ulit akong laruang sundalo... yung gumagalaw at nagsasalita"

Nang sumunod na araw, nakita ni Mark ang isang laruan sa kanyang tabi. Nilagay niya ito sa kanyang bag nang mapansin niya na may mekanismo ito na mapapagana kapag hinila ang tali sa likod ng laruan. Hinila niya ito at nalaman na ang laruan ay gumagalaw at nagsasalita. Naisip niyang ibigay ang laruang ito bilang isang regalo na tutulong sa kanya upang masabi ang kanyang tunay na nararamdaman.

Ibinigay ni Mark ang laruang sundalo kay Violeta. Ngunit imbis na matuwa ay napaluha ito dahil sa wakas ay muli niyang nakita ang nawawalang laruan.

Aksidenteng nahulog ito ni Violeta dahil sa sobrang pagluha ng nagulat siya ng sumabit ang tali ng laruan sa kanyang buhok at nahila ang tali papunta sa sahig. Napansin niyang gumalaw ito at nagsalita.

Ang laruang sundalo ay nagtanggal ng baril na nakasukbit sa kanyang likod at nagsalita...

"Mahal na mahal kita... Kaya kong ibigay ang aking buhay upang protektahan ka"

Nalaman ni Violeta ang tunay na nararamdaman ni Mark para sa kanya.

Nalaman ni Mark ang tunay na nararamdaman ni Violeta para sa kanya.

At sila ay namuhay ng masaya habambuhay. Maligayang Pagtatapos.

Ngunit...

Kahit kalian ay hindi nila nalaman ang tunay na nararamdaman ng laruang sundalo.

Kahit kalian ay hindi nalaman ni Violeta na maliban sa pagtatapat ni Mark sa kanya...

May isang matapang na laruang sundalo na nagngangalang Ponse... na nagsakripisyo ng kanyang puso... ang nagtapat din ng kanyang nararamdaman ng sabihin niyang...


"Mahal na mahal kita... Kaya kong ibigay ang aking buhay upang protektahan ka"




The Soldier's DreamTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon