Chinito
Meron akong kuwento. Tungkol ito sa isang chinito. Minsan ko lang siya makita. Mailap kasi siya. Hindi siya mahilig sa mga lugar kung saan maraming tao. Nakikita ko lang siya kapag napapadaan ako sa isang bakanteng silid. Minsan ay nakikita ko rin siya sa isang sulok ng liberia.
Sa tuwing nakikita ko siya, madalas siyang nagbabasa. Minsan naman ay natutulog siya. Bihira ko lang siyang makitang may ibang ginagawa bukod doon.
Pinagmamasdan ko lang siya sa malayo. Hindi ko siya malapitan at makausap dahil hindi naman kami magkakilala. Hindi ako mahiyain pero parang nahihiya akong lapitan at kausapin siya. Kaya sa tuwing nakikita ko siya, nananatili na lamang ako sa malayo habang natatanaw ko siya.
Isang araw, naligaw ako sa aming unibersidad. Bago pa lamang ako rito at ito ang unang taon ko sa unibersidad na ito. Hindi ko pa kabisado ang pasikut-sikot dito at madalas pa rin akong naliligaw. Nahahanap ko naman kaagad ang dapat kong puntahan pero noong araw na iyon, parang hindi ko malaman kung saan ako dapat lumiko, dumiretso at magtungo.
“Naliligaw ka ba?”
Nakita ko siya. Nakasandal siya sa pader habang nakapamulsa. Hindi siya nakatingin sa akin. Sa halip ay nakapikit lamang siya at nakayuko kaya hindi ako sigurado kung siya ba ang nagsalita. Pero wala namang ibang tao sa paligid kung ‘di kaming dalawa lang.
“Oo,” sagot ko.
Hindi siya nagsalitang muli pero nagsimula siyang maglakad papunta sa isang direksiyon. Dahil hindi ko naman gustong maiwang mag-isa sa lugar na iyon, sinundan ko siya.
Tumabi ako sa kanya habang naglalakad pero hindi niya ako pinansin. Tahimik lang siyang naglalakad at nakatingin nang diretso. Pinagmasdan ko siya, ngunit dahil matangkad siya, hindi ko masyadong makita nang malinaw ang kanyang mukha.
Gusto ko siyang kausapin pero walang lumalabas na salita mula sa bibig ko. Matagal ko na siyang gustong makausap. Magandang pagkakataon n asana ito ngayon pero parang umurong ang dila ko. Kaya tahimik nalang din akong naglakad.
May kahabaan din ang nilakad naming dahil malaki ang unibersidad na pinapasukan ko. Maraming pasikut-sikot sa mga hallways at gusali. Ngunit ilang sandali lang, nagulat nalang ako dahil nasa harapan na kami ng pintuan ng silid na dapat kong puntahan.
“Salamat,” sabi ko, ngunit pagtingin ko sa tabi ko ay wala na siya. Nagtataka man kung saan siya nagpunta at kung paano siya nawala nang ganoon kabilis, pumasok na lamang ako sa loob ng silid at umupo sa puwesto ko.
Iyon ang unang araw na nakausap ko siya.
~*~*~*~*~*~*~*~*~
Mahilig akong magmasid ng mga tao. Pero isang tao lang talaga ang kinagiliwan kong pagmasdan kahit sa malayo.
Kalalabas ko lang mula sa klase noong nakita ko siyang naglalakad at may kasamang isang babaeng estudyante. May dala-dala siyang mga libro at dahil na rin siguro sa aking kuryosidad kaya ko sila sinundan. Nagtungo sila sa isang silid at pagdating nila doon, inabot niya ang mga libro sa babae. Nagpasalamat ang babae sa kanya. Tumango lang siya at nagpamulsa. Pagkatapos ay naglakad na siya paalis. Malayo man ang pagitan namin, sinundan ko pa rin siya. May mga nagtatakbuhang estudyante sa paligid at dahil doon, meron silang nabunggong isang estudyante. Natumba ang estudyante at nakita kong mabilis niya itong tinulungang tumayo. Nagpasalamat ang lalaking estudyante sa kanya. Tumango siya at naglakad papalayo.
Habang naglalakad ay may nakasalubong siyang isang babaeng estudyante. Nahulog ang lapis ng babae habang naglalakad. Pinulot niya iyon at inabot sa babae. Bago pa man din nakapagsalita ang babae, naglakad na siya papalayo.