Kailan pa? Kailan pa kaya makakabangon ang ating lupang sinilangan?Kung ang magagaspang at kulubot na kamay ay patuloy na nadudungisan ng mga perang ibinibigay ng mga taong gusto daw ng "pagbabago".
Kape, Noodles, Sardinas at iba pa. Ilan lang yan sa mga "tulong" ng mga kakandidato muli. Tulong na sa una lang nakikita at nararamdaman. Hindi na mabatid kung alin ang taos pusong tulong at ang may kapalit na magmimitya sa walang katapusang paghihirap.
Tila nawalan na ng pag-asa ang bayan ni Juan.
"Si **** na lang iboboto ko, binigyan niya ako ng ****."
Yan ang aking kadalasang naririnig. Hindi ko labis maintindihan sa isang kakarampot na pera ay isasaalang-alang natin ang kaunlaran na ating tinatamasa sana at sa susunod pang henerasyon.
"Ayoko ng bumoto, pare parehas lang ang mga yan. Pera ang habol. Mabango lang sa una yan, lalabas rin ang baho niyan. "
Kahabag-habag na marinig ang mga salitang ito. Isang sakit na nakuha sa pagdaan ng panahon. Kawalan ng pag-asa.
May nagkakahumahog na boses rin na naririnig. Mga taong alam ang katiwalian at gusto ng kumawala sa nakakalasong sistema.
Ngunit...
Isang patalim ang nakagapos sa mga boses ng mga ito. Isang salita, tiyak na mawawala ka.
Sana'y isiping mabuti kung sino ang karapatdapat na lider. Hindi lamang sa presidente, bise presidente pati sa pinakamababang posisyon.
Ating pagnilayin. Kung noon pa sana kumilos at hindi nagpaduwag. Isang progresibong bayan sana ang nasa harap natin. Ang kabataang sinasabing pag-asa ng bayan ay di sana isang adik, magnanakaw, at iba pa. Sana'y ang bawat isa ay nakakapag-aral. May kompletong kagamitan sa pag-aaral pati na sa mga hospital. Lahat sana ay may trabaho.
At ito'y patuloy na magiging SANA...
Kung ang bawat isa ay nais ng pagbabago. Hindi lamang ang nasa pamahalaan. Kundi pati TAYO. TAYO ang gagawa ng "pagbabagong" nais natin.
Ang mga SANANG ito ay bubukadkad at magiging isang Reyalidad.