Masama ang tinging pinukol ni Vinci kay Coco habang nilalaro nito ang pagkain. Napilitan tuloy siyang bumaba para maghalungkat ng panibago. Napapailing na lang siya dahil nauto siya ng grupo na magpaiwan kasama ang alagang tigre ng master nila. Pinainan kasi siya ng pagkain kaya dalawang kamay siyang sumuko.
Hindi na siya nagabalang buksan ang ilaw dahil kabisado naman niya ang bahay at hindi naman gaanong madilim dahil sa sinag ng buwang pumapasok sa bintana. Papasok na siya sa kusina nang may isang nakaitim na bagay ang dumaan sa harap niya. Nanigas na lang siya sa kinatatayuan nang maisip kung ano ang nakikita niya. Wala sa sariling napalunok siya. Nakakabading man pero kinikilabutan siya. Lalo siyang nahindik nang banggain siya nito. Kahit gusto niyang kumaripas ng takbo ay napako na yata ang mga paa niya sa kinatatayuan.
"Aray, paksh7t naman, oh," asar na bulong ng nakaitim, pagkatapos ay sinipa pa siya.
Langyang multong 'to. Lutong magmura, naninip-- Natigilan siya. Putek, meron ba namang multong nasasaktan?
"Ano ba naman 'tong posteng 'to. Sa gitna tinayo?" Kinapa nito ang inaakalang poste. Napakunot na lang ito nang may nahawakang kakaiba. Pinisil-pisil pa nito ang malambot na nahawakan hanggang sa...napasigaw sila pareho.
"Sh?t! Anong ginagawa mo!" sigaw ni Vinci nang gawin nitong doorbell ang “bestfriend” niya. Hinawakan niya ang kamay nito at pipilipitin sana nang maunahan siya nito at binalibag siya nang walang kahirap-hirap. Napa-igik siya sa sakit na naramdaman. Sa liit nito ay nakaya siyang ibalibag.
Hindi pa siya nakakatayo nang sumugod na naman ang nakaitim at mukhang ire-wrestling pa siya.
Amputek, mali talagang nagpaiwan ako--
“Raawwrrr!” Natigilan ang intruder nang umungal si Coco. Ang timing mo Coco.
Mabilis na bumaba si Coco at galit na galit na hinarap ang intruder na nanigas na sa kinatatayuan.
"Paksh!t, h-halim--" hindi nito matapos-tapos ang sasabihin. Napangisi siya sa kabila ng iniindang sakit. Mukhang natakot ito kay Coco.
Tumayo siya. "Coco, attack!" utos niya. Dinamba naman ni Coco ang intruder habang panay ang nakakatakot nitong angal.
"Aaahhhhh...stop it. Patigilin mo siya," sigaw ng intruder.
Napakamot siya sa batok nang rumehistro sa pandinig niya ang tinig nito, boses babae. "Coco, stop." Mabilis namang tumalima si Coco. Binuksan niya ang ilaw at nakita niya ang nanginginig sa takot na...ninja?
"W-wala akong balak na m-masama. P-paalisin mo na siya," turo niya sa tigre na nakaupo sa may tabi nito habang ginagalaw-galaw ang buntot.
Linapitan niya ang babaing ninja. Napatigil siya nang may naamoy siya. Suminghot-singhot siya habang nilalapitan ito. Pamilyar ang amoy na iyon.
"A-anong ginagawa mo?"
Hindi siya pwedeng magkamali galing sa babaing ito ang naaamoy niya.