Napansin kong tumingin ka sa akin kaya naman ay napatingin din ako sa'yo. Nagtitigan tayong dalawa na para bang tayong dalawa lang ang nandito at walang tao sa paligid. Ngumiti ka na parang ngayon ka na lang ulit naging masaya kaya naman napangiti din ako, ilang segundo ang lumipas, sabay tayong tumawa na parang alam natin ang iniisip ng bawat isa.
Apat na taon.
Apat na taon na tayong magkasama.
Akala ko ikaw na ang pinaka kamumuhian kong lalake sa balat ng lupa noong unang nagkita tayo.
Akala ko lang pala 'yun.
Tumatawa lang tayong dalawa hanggang sa huminto ka kaya napahinto din ako.
“Bakit?” Tumingin ka lang sa akin na parang may dumi sa mukha ko kaya parang nakaramdam ako ng pagkailang. Ewan ko, natatakot ako. Natatakot ako na baka mamaya, sa pagtitig mo sa mukha ko, hindi ka magandahan sa akin.
Nakakatakot.
“Wala, cute mo kasi” Bigla na lang ay pinisil mo ang pisngi ko sabay takbo palayo sa akin. Alam mo kasing hahabulin kita. Pero hindi, tumayo lang ako sa kinatatayuan ko at hindi kumibo.
Ngumiti lang ako sa'yo at inalala ang nakaraan.
First year highschool ng maging magkaklase tayo. Asar na asar ako sa'yo noon dahil sa tingin ko ay ikaw ang pinaka mayabang na lalakeng nakilala ko.
Naaasar din ako sa'yo dati dahil panay ang pisil mo sa pisngi ko kahit hindi naman tayo close noon. Hindi tayo magkaibigan, kaya nabibwisit ako sa'yo. Nakakabwisit dahil ang kulit kulit mo.
Isa kang malaking papansin, epal at ipot sa buhay ko.
Hanggang dumating ang araw na 'yun kung naaalala mo pa ba.
Umuulan ng malakas, wala akong payong na dala. Sumugod ako sa malakas na ulan papuntang 7eleven. Hindi ko din malaman sa sarili ko bakit hindi ko itinuloy ang pagsugod ko hanggang sa sakayan ng jeep. Basa naman na ako, ano bang pinagkaiba?
Siguro kasi, wala ka sa sakayan ng jeep.
Nagulat ako pagpasok ko ng 7eleven, mag isa ka lang na nakaupo sa tapat ng salamin at nakatingin sa labas. Tila may sariling utak ang mga paa ko at naglakad papalapit sa'yo. Bago pa man ako magsalita, tumingin ka sa akin.
Para kang nagulat na nakita mo ako doon. Yumuko ka at kinusot ang mga mata mo. Medyo natawa pa ako ng palihim dahil akala mo hindi ko gets na umiiyak ka pala noon. Noong una pa lang, nahalata ko ng umiyak ka.
Tumingin ka ulit sa akin at ngumiti ng isang pekeng ngiti. Isang pekeng ngiti na hindi umaabot sa mga mata mo dahil may lungkot pa ding nakabahid dito. Ngumiti din naman ako at doon ko lang narealize, gwapo ka pala.
Apat na taon.
Apat na taon na akong nagagwapuhan sa'yo.
Sa'yo, sa'yo na best friend ko.
---x
Dedicated to Rachelle:
"Ewan ko ba kung bakit pero feel na feel ko yung mga nangyayari nung binabasa ko 'to. Hay. Grabe ka lang talaga Rayne. Ibang klase ang powers mo. Hands down talaga ako sa'yo."