First headache

24 0 0
                                    


Bawat segundong tinatakbo ng orasan ko ay halos doble naman ang pagtibok ng puso ko. Gusto kong bumagal ang oras ngayon. Hindi ko nga lang alam kung dahil ba sa maaabutan na ko ng curfew o dahil gusto ko pa makasama ang lalaking katabi ko.

"Sakay na tayo next train, late na tayo makakauwi eh", sabi ni jiro. Nahalata ata nyang maya't maya ang pagcheck ko ng oras.

Napalingon naman ako sa kaniya at bahagyang ngumiti. "Ah, oo. Maabutan na ko ng curfew eh." sagot ko naman sa kanya kahit nagtatalo pa ang loob ko sa totoong rason.

Sa sandaling panahon natitigan ko muli ang mukha nyang nakabisado ko na ata kakatitig sa photos nya sa facebook. Napakasingkit na mga mata, manipis na labi, matangos na ilong, matamis na ngiti na sinasabayan pa ng biloy sa kaliwang pisngi. Hihiwalay ang kaluluwa ko pag di pa ko bibitaw sa titigan.

Madalang lang kaming magkasabay, nagkataon lang na nagkita kami ngayon sa mismong istasyon ng tren. Salamat na lang sa propesor kong madami pang pahabol kanina sa klase.

Naramdaman namin ang bahagyang pagyanig ng kinatatayuan namin kasabay ng busina ng paparating na bagon. Sabay kaming dumungaw sa pinanggalingan ng tren. Sa guidelines na binigay ng LRT, dapat ngayon ay handa ka ng sumugod sa sparta este sa mga taong makikipagsiksikan sayo palabas man o papasok.

Huminto ang tren at saktong tumapat samin ang pinto nito. Pagbukas nito ay nagkatulakan na papasok. Napakagulo. Lutang pa ang pag-iisip ko dahil sa kasama ko ang taong 'to kaya napadala na lang ako sa tulakan hanggang sa makapasok. Hindi ko naman namalayan na nasa harapan ko mismo si Jiro na hindi rin halos makagalaw dahil sa siksikan sa loob.

Awkward.

Nang umandar na ang tren ay lalo pa akong napadikit sa kanya dahil hindi pa ako nakakabalanse at di ko nagawang humawak sa hand rails. Tawa lang naman ang naging reaksyon nya. Mabilis akong tumuwid ng tayo. Pinilit ko ding maglagay ng distansya sa aming dalawa.

Naramdaman ko naman ang pagbilis ng pintig ng puso ko. Parang balewala lahat ng pwedeng pagusapan dahil pareho kaming di nagsasalita. Nakakailang.

Naisip kong makinig ng music nang makaiwas naman sa awkward moment kaya't nagsuot ako ng earphones at nagplay ng kanta sa phone. Aba, "Pound the Alarm" agad ang unang nagplay sa shuffle mode. Natawa ako kaya napatingin sya at mukhang nagtataka kaya agad kong isinuot sa kanya ang isang kapares, tig-isa kami. Parang stunned sya at di agad nakapick-up. Kaya umindak ako at dun sya nag-umpisang humagikhik.

Tahimik parin sya. Siguro kasi halos magdidikit na ang mga mukha namin. Ugh, awkward.. Pero nag eenjoy ako sa sitwasyon namin ngayon.

Nang matapos ang kanta ay sumunod ang pamilyar na pamilyar na tunog ng gitara. Natulala ako saglit. Eto kasi lagi pinakikinggan ko noon habang iniisip ko sya. Ngayon hindi ko na lang siya iniisip kundi kaharap ko na at kasabay ko pang nakikinig.

*Oo nga pala, hindi nga pala tayo, hanggang dito na lang akong.. nangangarap na mapasa'yo*

Bumilis pa lalo ang pagtibok ng puso ko at dahan dahang napatingin sa kanya. Para akong mahihilo sa seryosong ekspresyon na makikita sa kaniyang mukha habang nakatingin sa malayo.

Sa lapit namin sa isa't isa malamang nararamdaman nya ang pagkabog ng dibdib ko. At tila ba nawala ang ingay ng paligid at ang tugtog na lang ang naririnig ko. Yumuko na lang ako dahil di ko na muling magawang tumingin sa kanya..

*Nahihilo.. Nalilito.. Asan ba 'ko sayo? Aasa ba 'ko sayo?*

Bigla kong naramdaman ang kaliwang kamay nya sa mababang parte ng likod ko. At medyo hinatak ako palapit lalo sa kanya. Napasubsob ang mukha ko sa balikat nya. Dito halos sumabog ang dibdib ko dahil sa bilis ng tibok ng puso ko. Ang init din ng pakiramdam ng mukha ko at alam kong namumula na ko.

Napapikit na lang ako habang ramdam ko ang unti-unting paghigpit ng yakap nya. Bagaman naguguluhan sa kaniyang ginawa ay inilagay ko na din ang kanang kamay ko sa likod nya at sinuklian ang kanyang yakap.

Gusto ko ang pwesto namin. Panatag ako maging ang puso ko ay panatag na rin. Tila ba ang siksik at punong bagon ay lumuwag. Nawala ang mga taong katabi namin. Hindi ako makapaniwalang mangyayari sa akin ang ganito. Ni hindi ko naisip na maaari palang mangyari ito sa totoong buhay.

Naramdaman ko ang unti-unting pagbagal ng tren. Kasabay nito ang pagsalita ng annoucer. "Gil puyat station! Gil puyat station!"

Naramdaman ko ang pagyugyog sa aking balikat. Napamulat ako sa realidad. Nasa harapan ko pa rin siya pero ako lang ang may suot ng earphones. "Nakaidlip ka pare? Gil puyat na." Narinig kong sabi niya kasabay ng kantang tumutugtog.

Blanko ang isip ko sa nangyari. Nang bumukas ang pintuan ng bagon ay marahan pa ang paghakbang ko at parang lutang pa rin ako. Nagawa ko pang harapin siya ng makalabas ako.

"Ingat, pare!" Nabasa ko pa ang bigkas niya bago tuluyang sumara ang pinto.

Nanatili lang ang aking tingin sa papaalis na tren hanggang sa hindi ko na ito matanaw. Nakatayo pa rin ako sa platform habang unti-unti namang naubos ang mga tao sa istasyon. Napapikit ako ng matanto kung ano ang nangyari.

Panaginip. Panaginip lang pala.

Migraine (ONE SHOT)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon