Masaya ako ngayon dahil pinili ko kung saan ako magiging masaya. Akala ko mawawala na ang lahat sa akin. Nandirito ako ngayon sa airport. Umiiyak kasama ka. Biglang naalala ko na lang lahat ng pangyayari.
Nagsimula ang sayang nadarama ko noong sinamahan mo akong maghanap ng trabaho sa Makati kasi alam kong kabisado mo ang mga lugar sa Manila. Magkatabi tayo noon sa bus, at habang natutulog ka, pinagmasdan kita. Ang cute mo palang matulog kahit medyo humihilik ka. Sa paghahanap natin ng trabaho ko, hindi mo inisip ang init at pagod. Sobrang nagpapasalamat at nahihiya ako sa’yo noon. Kaya nilibre na lang kita ng Wintermelon Milk Tea - pangpalamig sa kabila ng init. Gusto ko sana Starbucks para medyo sosyal naman kaya lang sinabi mong simple lang ang gusto mo. Naisip ko bigla ang sarili ko, simpleng babae lang naman ako, maputi, mahaba ang buhok at chinita. Magustuhan mo kaya ako?
Noong pauwi na tayo, hindi ko rin namalayang napapapikit na ang mga mata ko at hinayaan mo akong matulog sa balikat mo. Nakadama ako ng saya habang nagpapahinga, dikit-dikit ang mukha ko sa mabango mong balikat. Dahil sa lamig sa loob ng bus, gusto kong isiksik ang sarili ko sa’yo para mas maramdaman ko ang init ng katawan mo. Alam kong hindi ako ganito sa’yo dati. Matagal na tayong magkaibigan kaya lang hindi kita napapansin noon. Ewan ko ba kung bakit bigla na lang nagbago ang tingin ko sa’yo. Gusto kitang yakapin nang mahigpit. Kaya lang hindi pwede. Mali ang ginagawa ko. Mali ang nararamdaman ko para sa’yo. Sa isang araw, nakalimutan kong in a relationship nga pala ako.
Isang taon na akong commiitted sa isang tao. Technically single ako dahil wala siya sa tabi ko. Nagtatrabaho siya as biologist sa isang university sa Korea. Magulo ang estado ng relationship namin. Ilang beses niya akong pinaasa at puro plano lang ang nagawa namin. Dumating ang panahon na nagsawa ako at huwag na lang isipin ang mga bagay na ‘yun. Hanggang sa nakasama kita at nabaling ang pansin ko sa’yo.
Halos araw-araw kitang nakasama. Nagpapasama ka kapag gusto mong manuod ng movie sa Robinsons na malapit sa inyo. Ganun din naman ako. Kapag naggrocery ako nagpapasama ako kasi konti lang ang alam ko sa mga murang altrnative ingredients ng gusto kong lutuin. Bumibisita ka sa apartment para ipahiram mo ‘yung mga DVD’s at libro mo. Minsan napagtitripan nating kumain sa mamahaling fast food, sa tabi-tabihan o tamang food trip lang. Lahat ng mga oras na kasama kita, masaya ako. Nakakalimutan ko ang lahat ng problema ko. Gayundin, nakakalimutan kong illegal pala ang ginagawa natin.
Hanggang sa dumating ang isang gabing bumabagyo, sa apartment muna kita pinatulog. Nag-aalala ako baka mapano ka pa sa daan kaya binalak mong magpatila muna. Nagkwentuhan tayo at bigla ka na lang napatigil sa pagsasalita, tinitigan mo ako at ngumiti. Habang lumalapit ka sa akin, hindi ko maiwasang kabahan at lumapit din sa’yo. Sa kabila ng bagyo, nag-iinit ang ating mga damdamin nang hinalikan mo ang mga labi ko. Napapikit na lang ako sa sobrang sarap. Pero sa bawat sarap na naramdaman ko, hindi ko maiwasang makonsensya sa ginagawa nating dalawa. Iniisip kong may nagmamahal sa akin sa Korea. Mahal ko rin naman ‘yung taong ‘yun at ayaw ko siyang masaktan.
Noong gabing ‘yun, ipinagtapat mong mahal mo ako. Ipinagtapat ko ring may nararamdaman na rin ako para sa’yo. Kaya lang sinabi kong may boyfriend akong nasa Korea. Nagparaya ka at nagpakamartyr. Sinabi mong maghihintay ka dahil mahal na mahal mo ako. Alam kong mali pero gusto din kita at aayusin ko na lang muna ang relasyon namin nung nasa Korea.
Lumipas ang mga araw, walang nagbago sa ating dalawa. Pakiramdam ko pa ngang mas lumalim ang pagsasama natin. Inamin ko rin sa’yo na mahal kita at sigurado na ako doon. Hindi man official, masaya pa rin ako. Wala naman sa tawagan ‘yun kundi nasa pagsasama. Ito na nga ‘yung sinasabi nilang pseudo-relationship. Tayo pero hindi naman. Pinaparamdam natin ang pagmamahal sa isa’t-isa pero walang commitment.
Umuwi ‘yung ka in a relationship ko dito sa Pilipinas. Naiintindihan mo ang sitwasyon ko. Naaawa at nahihiya ako sa’yo. Pero sabi mo, okay lang. Pinaghandaan mo na ang araw na ito. Ilang araw din tayong hindi nagkatext at nagkasama dahil kasama ko ang boyfriend ko. Habang kasama ko siya, napansin niyang hindi ako masaya kagaya ng dati. Sinabi ko na lang na mga problema lang sa bahay ‘yung mga iniisip ko. Hindi pa ako ready na sabihin sa kanya. Mahal ko rin siya at ayaw ko siyang masaktan.
Binalak niyang bumalik sa Korea at dapat kasama na ako. Mas marami daw opportunities doon na mas makakatulong sa pamilya ko. Para makapag-live in na rin kami doon. Pumalakpak ang mga tenga ko noong narinig ko ‘yun sa kanya. Bago mangyari ‘yun nagbakasyon muna kami sa Macau. Pinaalam ko sa’yo ‘yun noong nagkachat tayo sa Facebook. Halatang-halatang nagseselos ka at nasasaktan sa mga nangyayari pero nagawa mo pa ring intindihin ang sitwasyon nating dalawa. Hindi ko alam kung kailangan ko pang gawin yung sa'yo pero hindi ko kayang hindi ka makausap kahit online lang. Miss na miss kita noon. Nagpapasalamat ako sa kabila ng lahat, naiintindihan mo ako.
Sa Macau, habang nakasakay kami sa isang cruise, hindi ko natiis na sabihin ang tunay na nararamdaman ko tungkol sa’yo. Wala na akong pakialam sa magiging buhay ko sa Korea. Sinabi ko sa kanya na mahal din kita. Sobrang naiyak ako sa takot habang sinasabi ko ang mga salitang “sorry” sa kanya. Kulang na lang na lumuhod ako para mapatawad niya ako. Parang ng sama kong babae. Ganun naman talaga. Kapag ang babae ang nagkamaling magmahal ng iba, ang tingn ng mga tao sa'yo, malandi o haliparot, pero kapag lalaki ang nagaliwa, parang ayos lang. Hindi ka masyadong huhusgahan.
Noong una, akala ko magagalit siya, pero nasabi na lang niya na masaya siya para sa akin. Sa totoo lang, matagal na niyang napapansin na nagbago ang pakikitungo ko sa kanya. Hindi lang niya ‘yun pinapansin. Naghahanap lang daw siya ng magandang tiyempo para sabihin ‘yun. Sobrang nagpapasalamat ako sa kanya dahil hinayaan niya akong maging masaya.
Natutunan kong huwag pigilan ang totoong nararamdaman ng puso sapagkat isa ito sa mga paraan kung paano ka magiging tunay na masaya. Umuwi ako ng Pilipinas na may ngiti sa mga labi kahit may konting kirot sa puso ko. Sinopresa mo akong ikaw ang susundo sa akin. Kinuwento ko ang lahat ng nangyari sa amin. Napansin kong napaiyak ka sa tuwa dahil ikaw ang pinipili ko. Naguguilty ka dahil pinagpalit kita sa pangarap ko. Sinabi ko na lang sa’yo na maabot ko nga ang mga pangarap ko sa Korea kaya lang ang pangarap ng puso ko hindi. Umiiyak ako dahil nakalaya na ako sa totoo kong nararamdaman.
Naisip ko na lang siguro tayo talaga ang para sa isa’t-isa. Mahal na mahal kita. Bubuo na naman ako ng mga bagong pangarap kasama ka. Nagsimula man tayo nang mali, ipagpapatuloy natin ang ating pag-iibigan nang tama. Walang perpekto sa mundo. Pero para sa’yo, susubukan ko. Hindi man maging perpekto ang relasyon natin, pero dahil sa pag-ibig ko, sisiguraduhin kong magiging malapit tayo sa pagiging perpekto.