The Guitar Man

118 5 3
                                    






[Note: Some language may not be suitable for people below 18. Readers discretion is advised]

Kilala mo ba si Ismael?

Siya yung lalaking tumutugtog sa plaza. Laging may hawak-hawak na gitara. Dumarating.... Nawawala. Walang nakaka-alam kung saan siya nakatira. Walang may alam kung ano ang kwento niya. Ang tanging alam lang ng lahat ay magaling siyang tumugtog at kumanta.

Nakagawian nang tumambay ni Ismael sa plaza tuwing linggo, sa tapat ng simbahan kung saan maraming nag-aabang sa kanyang muling pagsulpot dala ang luma niyang gitara. Maraming naaaliw kay Ismael. Lahat nagbibigay ng kahit magkano at inihuhulog ito sa sumbrerong nakalagay sa kanyang harapan. Hindi mukhang pulubi si Ismael, maayos ang kanyang pananamit, matikas ang pangangatawan. Nasa edad 30 na siya sa tingin ko ngunit kita mo parin ang kagandahang lalake niya.

Isa ako sa mga masugid na tagapanuod niya tuwing linggo, lagi kong sinisigurong may maihuhulog ako sa sumbrero niya kahit na singko man lang. Gustong-gusto kong marinig kumanta si Ismael, nakakatuwa kung papaano laruin ng mga daliri niya ang bawat hibla ng kanyang gitara. Pero higit sa lahat, mas gusto kong pagmasdan ang maamo niyang mukha at ang paraan niya nang pagkanta na tila ba lumilipad siya sa kung saan, tumutugtog lamang sa sarili at sa mga nanunuod ay walang paki-alam.

Isang linggo, naiwan akong mag-isa sa bahay dahil kinailangang bantayan ni mama ang tiyahin niyang may sakit sa ospital. Wala rin naman si itay dahil nasa ibang bansa upang magtrabaho at bilang solong anak ay maaga akong natutong alagaan ang sarili, marunong na ako sa lahat nang gawaing bahay.

Ikinainis ko ang araw na iyon dahil hindi ako makakapunta sa plaza tulad ng aking nakagawian, kailangan ko kasing bantayan ang tindahan ni mama. Nagmukmok na lamang ako sa tindahan buong maghapon at naghihintay kung merong bibili.

Bumuhos ang malakas na ulan kinagabihan kaya napag-desisyunan kong isara ang tindahan ng maaga. Habang ibinababa ko ang tarangkahan ay may bigla na lamang nangalabit sa akin, nagulat ako ng makita kung sino iyon.

"Boy, pabili naman ng yosi tsaka softdrinks" wika niya, basang-basa siya sa ulan.

Matagal bago ako nakasagot. Natauhan lamang ako nang ngumiti siya. Ang ganda pala ng ngiti niya.

"Sandali lang po Mang Ismael" sagot ko sabay pasok ulit sa tindahan upang kumuha ng softdrinks at yosi, saka ko naman inabot agad ito sa kanya.

Naupo siya sa harap ng tindahan, sa maliit na bangko na gawa sa kahoy. Mukhang uhaw na uhaw siya dahil hindi niya tinigilan ang softdrinks hanggang sa maubos ito. Sunod niyang sinindihan ang yosi habang ako naman ay tahimik na nanunuod sa kanya.

"Hindi pa yata titila ang ulan" wika niya

Nag-isip ako kung dapat ba akong sumagot

"Oo nga po, sobrang lakas eh" puna ko

"Mukhang magsasara ka na ng tindahan, o ito na yung bayad ko" sabay abot ng bente pesos

"Ay wag na po, libre ko na ho yan" wika ko kahit na babayaran ko rin naman yan mamaya sa kahador dahil binibilang talaga ni mama ang mga paninda niya at kita araw-araw

"Nakakahiya naman, baka pagalitan ka ng magulang mo" siya ulit

"Sigurado po ako" sagot ko

Ngumiti siya na siya namang sinuklian ko.

Sandali kaming natahimik, tanging tunog lamang nang malakas na ulan at manaka-nakang pagkulog at pagkidlat ang aming naririning. Biglang napatayo si Mang Ismael mula sa pagkakaupo at pumatong sa upuang kahoy. Sinilip ko kung bakit niya ginawa iyon. Tumaas na pala ang tubig sa harap ng tindahan dahil sa malakas na ulan, barado kasi ang kanal sa barangay namin.

The Guitar Man (Revised)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon