Anak,
Mahal kita. Iyon ang unang una sa lahat, at pinaka huling bagay na dapat mo malimutan.
Naaalala ko pa nang ika'y unang masilayan, sa totoo lang ay halos hindi rin kita makita sa panlalabo ng aking mata dahil napupuno ito ng luha. Halong saya at pananabik sa iyong pagyakap. Halos malamog ka raw sa pagpupupog ko sayo ng halik. Hindi ko mapigilan eh, sobra ang pagmamahal ko sa iyo. Natutuwa ako kahit sa tuwing nagigising ako sa hapdi ng tahi sa aking tiyan dahil naroon ka sa bisig ko. Umiiyak ka kahit hindi naman ikaw ang nasaktan, ngunit alam mong ako naman ay may nararamdaman. Sa maliliit na bagay sa mga panahong iyon, tayo ay iisa na para bang tayo talaga ay para sa isa't isa. Ikaw na nga ata ang depenisyon ng tunay na pag-ibig.
Lumaki kang relihiyoso at may takot sa Diyos, mabait, at matulungin sa kapwa. Kahit na lagi ka nilang tinutuksong kayumanggi at pango, iyan ang pinagkaloob sa atin ng Maykapal, at natutonan mo rin tanggapin anak, kasi tayo ay Pilipino at patuloy ka pa ring nagiging mabuti nino man. Pinagmamalaki ko sa aking sarili na kahit ganito ay lumalaki ka nang may malaki't mapagmahal na puso.
Nagulat na lamang ako noong isang araw nang ako ay ipatawag sa opisina ng inyong paaralan sa elementarya. Ang ibinalita saakin ay sinuntok mo raw ang kaklaseng iyong nakaalitan. Hindi ako nakapaniwala sa una kong pagkarinig dahil alam ko na kahit gaano ka man nila tuksohin sa iyong panlabas na anyo ay wala iyon sayo. Napatotohanan ko na lamang ito nang makita ang nasabing bata, at ang kamao mong nanunugat.
Agad akong humingi ng tawad sa iyong mga guro, at siguro hanggang ngayon ay naaalala mo pa noong hinila kita dali-dali sa pinakamalapit na bakanteng silid upang paluin ka sa galit. Anak, basag ang mukha ng iyong kaklase noong panahong iyon. Alam mo namang tama lang, at minsan kulang pa ang ating pera sa pang araw-araw. Ang magdagdag pa ng gastusing hindi naman natin parehong mapapakinabangan ay wala sa aking plano. Lalo pa naman na ako'y nagalit dahil ang buong akala ko ay napalaki kita ng tama.
Ngunit ako pala ang may mali. Pinaratangan kita agad ng parusa ng hindi ko manlang naitanong sayo kung bakit mo iyon ginawa. Nadala ako ng pagkagulat at galit. Kinagabihan din noon ay pinuntahan kita sa kuwarto upang mangaral kahit ikaw naman ay nahimbing na ng tulog sa pagod kakaiyak. Ayaw mo pa akong kausapin, pero ng mapilit kita, hinding hindi ko maalis sa aking isipan ang iyong mga sinabi-patuloy ang kanilang pangungutya sa iyong kaanyuan, ngunit ng hindi na ito tumatalab ay sinimulan ka naman nilang laitin na anak sa labas, na ako raw ay kaladkaring babae at anak kita sa kung kani-kaninong lalaki. Napanganga ako at napatanga. Ang mga bagay na iyon pala ay alay mo sa akin ng hindi ko nalalalaman.
Anak ko, patawarin mo sana ako. Magmula nung araw na iyon ay napalayo na ang loob mo saakin. Natuto ka ng maglihim at magsinungaling. May mga pagkakataong alam kong gusto mo akong kausapin tungkol sa maseselang bagay ngunit nakikita ko ang iyong pag-aalangan bilang nagbibinata. Mag-isa kitang pinalaki. Hindi ko iyon ininda, ngunit mayroon talagang mga bagay na sadyang hindi ko kayang magampanan bilang inang-tatay. Patawarin mo ako sa aking pagkukulang. Ni hindi ko manlang masagot ang iyong tanong kung nasaan ang tunay mong ama. Dahil sa totoo lamang ay hindi ko rin alam kung sino siya.
Sinubukan ko nga itong punan. Hindi rin nagtagal, ako ay nagka nobyo. Nabaon ako sa napakalalim na utang at mas lalo namang nadagdagan ang ating pangangailangan. Malaki na din ang aking pasasalamat dahil kahit papaano ay nababawasan ang aking alinlangan sa pagtulong niya sa pagbayad ng aking utang kahit maliit lamang. Hindi naman malaking bagay ang kanyang hinihinging kapalit. Kaya ko naman ito...kaya ko naman sikmurain syempre dahil kailangan, hindi rin naman nawala sa isip ko lalong lalo na ang iyong kapakanan. Gusto ko rin maranasan mo ang pakiramdam na magkaroon ng ama. Di bale na ang sakit sa katawan, ang paso ng sigarilyong pilit kong itinatago sayo sa pagsusuot ko ng mahahabang manggas kahit sa init ng panahon. "Iyon kasi ang trend," pabiro kong laging sagot sayo kahit hindi naman talaga ito uso.
BINABASA MO ANG
Pasubali
Short StoryLiham ng pagmamahal ng isang ina Unang maigsing storyang "inilimbag" sa wattpad :) dedicated para sa Randomantic Writers enjoy!