Ayokong tawagin kang X
dahil unang-una sa lahat,
kailanman ay hindi nagkaroon ng tayo.Tinatanong mo kung kumusta ang araw ko,
pero walang tayo.
Sinasabi mong mag-ingat ako,
pero walang tayo.
Miss mo na ako,
pero walang tayo.
Kakanta ka, magppick-up line, magpapatawa.
Mayroong lambing, mayroong kilig pero walang tayo.Ayokong tawagin kang X
dahil ayokong maalala ka sa bawat math problem na binibigay ng professor ko.Sawang sawa na akong maghanap ng halaga.
Hindi ko na kayang magdagdag at magbawas ng mga numero
para lang kumbinsihin ang sarili kong may halaga ako sayo.
Oo, sa akin ay importante ka.
Pero ako ba,
nabigyan mo ng importansya?Ayokong tawagin kang X
dahil ang X ay nangangahulugang mali.Sa mga exam,
kahit gaano karami ang tamang sagot mo,
yung mali pa rin ang titingnan nila.
Bibilangin ang mga ekis na marka
at ipamumukha sayong nagkamali ka.
Mali akong piliin ka.
Mali akong ibigin ka.
Pero mali nga ba?
O baka naman mali lang ako sa pagbabakasakali na kapag minahal kita ay mamahalin mo rin ako.
Pagbabakasakali.
Naalala ko, hindi nga pala lahat ng buo ay nabibigyan ng sukli.
Ayoko ng magkamali.Ayokong tawagin kang X
dahil ang ibig sabihin nito ay bawal.Ayokong maalala kung paano mo ako pagbawalang magpuyat
dahil sasakit ang ulo ko kinabukasan.
Kung paanong pagbawalan mo akong umuwi ng gabi na
dahil madilim sa aking daraanan.
Para kang batas na sinusunod ko dahil ayaw kong maparusahan.
Na baka sa paglabag ko sa mga ibinabawal mo,
ikaw ay biglang lumisan.Pero doon din pala ang tuloy. Sa paglisan.
Ayos lang. Ngayon, wala ng bawal.At higit sa lahat,
ayokong tawagin kang X
dahil ang kasunod nito ay Y.Tama na ang paulit-ulit na pagtatanong
kung bakit ang mga damdamin natin ay hindi naging magkatugma.Kung bakit bigla-bigla kang nawala.
Tatapusin ko na ang mga bakit
at pati na rin ang sakit.
Wawakasan ko na ang pagtatanong dahil napagtanto kong ang mga bakit na ito
ay walang patutunguhan
dahil kahit kailan ay hinding-hindi mo ako bibigyan ng kasagutan.
Bakit mo ba ako pinakilig
at pinaasa
at pinaluha
at ngayo'y pinagmumukhang tanga habang isinusulat itong tula.
Kung ito ba'y isang tula.
Tama na.Hindi sapat ang isang letra.