Namulat ako ng may kumpletong pamilya at simpleng pamumuhay. Ngunit sa hindi inaasahang pangyayari, nawalay ako sa mga taong mahal ko at sana'y maayos kong pamumuhay sa mundong ito.
Oo. Maglalabing apat na linggo na ng ako'y namatay. Naalala ko pa noong nagising akong nakahilata sa balkonahe ng aming bahay Burgos, Ilocos Sur. Pagkagising ko'y tumakbo ako pababa upang puntahan ang aking mga magulang na sina Felix Manaloto at Divina Manaloto. Pero natagpuan ko na lang ang aking mga magulang na umiiyak. Humahagulgol na si Mama at inaalo naman siya ni Papa. Si kuya Ronnie nama'y tahimik lang sa gilid at mukhang may malalim na iniisip. Lumapit ako sa kanila, ngunit para bang hindi nila ako nakikita.
Hinawakan ko ang kamay ni Papa pero lumagpas lang ito. Naguluhan ako sa nangyari.
Anong nangyayari sa akin?
Hinawakan ko ang mga bagay na nakikita ko pero paulit ulit itong lumalagpas sa kamay ko. Nagsalita ako upang marinig nila, ngunit hindi pa rin nila napapansin na para bang isang bingi na walang naririnig.
Umiiyak akong pumasok sa kusina at kung saan nakita ko si Yaya Rosing na naghahanda ng meryenda. Balak kong tawagin siya ngunit alam kong ganoon parin ang nangyari kaya bumalik ako kung saan sina Mama at Papa. Nakita kong tumayo si Mama na may hawak na larawan at inilagay ito sa altar na napapalibutan ng kandila at mga berdeng rosas na aking paborito. Lumapit ako doon pero laking gulat ko na ang imahe ko ay nasa altar.
Tinignan ko sina Mama at nakita ko siyang humagulgol ulit habang yakap-yakap siya ni Papa. May namuong luha sa aking mga mata. May hinala na ako, pero pilit kong ipinagwalang bahala.
Ngayon alam ko na, patay na ako.
Tumakbo ako palabas hanggang sa makarating ako sa likod ng bahay malapit sa hardin.
Lumapit ako sa may balon at tinignan ang aking repleksyon ngunit wala akong nakikita. Ni mahawakan hindi ko magawa.
Bakit ako namatay? Paano ako namatay? Biglang tumigil ang paglandas ng aking luha sa naisip. Paano nga ba ako namatay? Paggising ko kanina, hindi ko alam na patay na pala ako.
Sa pag-iisip ko, nakita ko si Yaya Rosing palapit kung saan ang kinalalagyan ko. Nakita ko siyang may hawak na madaming dahon ng saging. Nagtaka ako kung bakit may hawak siyang dahon ng saging 'yon pala pangtakip lang pala ito sa balon upang hindi malagyanan ng mga bumabagsak na dahon mula sa Acasia dahil alam kong magrereklamo na naman ito sa paglilinis sa balon. Pagkaalis ni Yaya Rosing bumalik ulit sa aking isipan ang pagkamatay ko. Hindi ko talaga maalala kung paano ako namatay. Kung bakit nandito parin sa mundo ang kaluluwa ko. Iniisip ko kung may misyon ba akong kailangang tapusin para ako'y mabuhay. Kagaya ng mga koreanovela na napapanood ko. Na kailangan kang makakolekta ng tatlong luha sa mga taong nagmamahal sa'yo hanggang sa ikaapa't napung siyam na araw? Baka ganun nga! Pero... Imposible naman itong mga iniisip ko. Hindi naman ito koreanovela, totoo itong mga nangyayari sa akin. Patay na ako. Ang patay hindi na mabubuhay. Galit ako sa sarili ko sa mga iniisp ko na kung anu-ano.
Pumunta ako kung saan naroon ang aking magulang, at alam kong nasa silid sila. Nakarinig ako ng nagtatalo. Linagpasan ko ang pintuan upang makita sila. Tinignan ko silang dalawang nagtatalo pero alam kong labis ang kanilang kalungkutan.
Felix: "Kung sana'y noon pa, sinabi na natin sa kanya ang totoo."
Divina: "Sinisisi mo ba ako sa hindi pagsabi sa kanya?!" Halos magulat ako sa sigaw ni Mama. Ngayon ko lang siya nakitang magalit.
Felix: "Hindi sa gano'n, pero karapatan niyang malaman ang totoo" A-anong totoo ang ipnagsasabi ni Papa?
Divina: "Alam ko, Felix. Pero natakot akong pagnalaman niya ang totoo, baka magalit siya sa atin at iwan niya tayo!" Humagulgol na si Mama. Hindi ko alam kung anong pinag-uusapan nila. Anong totoo?
BINABASA MO ANG
Sa Likod Ng Katotohanan Short Story
Short StoryMay mga bagay na nais mong malaman ngunit ipinagkait sa iyo ang katotohanan. Mga bagay na ikinalugmok ng aking pagkatao. Ang padurusa ng aking kaluluwa. Sa mundong ito hindi mo alam kung pinaglalaruan ka lang ng tadhana o ito talaga ang iyong kapala...