Naranasan nyo na bang sumakay ng jeep na pinupuno muna bago umalis. Na kahit late ka na wala silang pakelam.
6am. Alabang South Station.
Sumakay ako sa jeep papuntang Sta.Rosa Laguna. Magaapply kasi ako. Ilang buwan na rin kasi akong walang trabaho. Sana palarin.
Sinalpak ko ang earphone sa tenga ko. Mahaba habang byahe kasi 'to. Mangangawit na naman ang pwet ko nito. Magugulo na naman yung buhok ko sa lakas ng hangin.
May sumakay na pasahero. Kaya napuno na. Nagsimula ng umandar ang jeep.
Napatingin ako sa isang pasahero. Napatingin din sya sakin. Iniwas ko ang tingin ko. Ewan ko pero nakaramdam ako ng awkwardness.
Lumakas na ang hangin dahil hindi masyadong traffic kaya ang bilis ng takbo ng jeep.
Nahihilamos na sa mukha ko yung buhok. Napapapikit ako. Pero tuwing didilat ako napapatingin agad ako sa kanya. Iiwas ako ulit ng tingin.
Mapapatingin ulit ako sa kanya.
Nakatingin sya sakin.
Siya naman ang umiwas ng tingin.
Maya maya tumigil na yung jeep. Andito na pala ako.
Dumiretso ako sa sakayan ng tricycle. Sa likod ako sumakay. Baliktaran kasi yung tricycle.
Andun din sya. Katabi ko sya ngayon. Medyo masikip kaya nagdikit ang mga braso namin. Parang nakuryente ako. Walang gumagalaw samin. Ang awkward.
At dahil sunrise at nasa likod kami ng tricycle nasisilaw ako sa araw. Nagtatakip ako ng mukha. Natatanaw ko sa gilid ng mata ko na nakatingin sya sa kamay ko. Hindi sa nagmamayabang pero maganda talaga ang kamay ko. Yung kamay na mukhang walang ginagawa.
Nagtatakip pa rin ako ng biglang nawala yung araw. Pagbaba ko ng kamay ko wala na ngang araw.
Tinakpan nya kasi ng folder nya yung araw. Napatingin tuloy ako sa kanya. Pero hindi sya tumingin sakin.
Tumigil na yung tricycle. Bababa na pala ako. Pagtayo ko tumingin sya sakin.
Nginitian nya ko.