Muling Pagbangon

35 1 1
                                    

"MAGANDA KA. H'WAG MONG SAYANGIN ANG GANDA MO SA WALANG KWENTANG BAGAY. TANDAAN MO YAN!" Hindi ko man naranasang dumapo sa aking pisngi ang palad ni ama; ngunit ang katagang iyan na nanggaling sa bibig ng aking kaibigan ay naramdaman kong namula ang aking mga pisngi. Tila may kuryenteng bumalot sa aking katawan na naging dahilan ng aking pagkatulala. Sagad sa buto ang mga salitang kaniyang binitiwan.

Nang ako'y nahimasmasan. Tinanong ko ang aking sarili kong sino ba siya sa buhay ko. Isa lamang siyang kaibigan nang nakaraan. Nagbabalik at ngayon pinapakialaman ako. Sa aking pagmumuni-muni sa kaniyang sinabi. Napagtanto kong tama nga siya. Namangha ako. Nagpapasalamat ako. Namangha ako sapagkat kahit nasa malayo siya noon ay sinubaybayan pala niya ako. Namangha ako dahil sa kabila ng pambabalewala ko ay hindi pa rin niya ako sinukuan at alam niya kung ano mga nangyayari sa akin. Nagpapasalamat ako dahil sa walang humpay na paggabay at pagtulong niya sa akin. Nagpapasalamat ako dahil sa kaniyang busilak na puso at batid ko ang kaniyang magandang hangarin na iangat ako sa aking pagkakasadlak.

Isang pangyayari ang hindi ko maintindihan. Nagtatalo ang aking puso at isip sa katanungang hindi ko rin kayang sagutin. Ano ang estado namin sa isa't isa? Bakit niya ginagawa ang mga bagay - tulad ng suportang binibigay niya moral at espiritwal? Ang mga katanungang iyan ang nagdulot sa aking presensiya na makaramdam ng alinlangan sa t'wing kami'y magkasama. Panay pa ang iwas ko ng tingin sa kaniya kapag nagkakasalubong na ang aming mga mata. Lagi niyang sinasabi sa akin 'mag-behave ka' at 'magpokus ka sa isang bagay na mas mahalaga.' Simpleng salita ngunit nakapagbibigay sa'kin ng palaisipn kung 'ano nga ba ang gusto ng taong to sa paraan ng pagbe-behave ko?' Nakakasuya. Nakakainis. Nakakasuya dahil paulit ulit siya. Nakakasuya sapagkat hindi man lang niya ipaintindi sa'kin kung ano nais niya. Nakakainis dahil nanghihimasok siya sa buhay ko. Nakakainis dahil hindi ko masagot ang mga katanungang nabuo sa aking isipan. Maging ang aking puso. Nang magkasama kami, biniro ko siya sa paraan na may patama. Tumitig siya sa akin ng marahan. Ako ang nasurpresa sa kaniyang tinuran. Sinabi niyang gagawin niya ang lahat para iangat ako sa batikus ng ibang tao sa akin. Ginagawa raw niya iyun dahil mahal at mahalaga ako sa kaniya. Na kahit anong mangyari nasa likod ko lang daw siya. Nakakataba ng puso, ngunit tinitiyak kong siya'y nagbibiro lamang. Ayaw kong ipako sa puso't isip ko sa kaniyang sinambit, sapagkat ayaw ko pang umasa. Ayaw kong umasa ang puso ko sa isang bagay na walang batayan at kasiguraduhan. Kailangan ko pa ring timbangin at suriin kung tapat nga siya sa kaniyang hangarin. Kung kaya niyang panindigan mga binibitiwan niyang salita; at kung talagang seryoso siya sa kaniyang ipinapakita at ipinapadama.

Naghihimagsik ang aking puso't isip, sapagkat habang tumatagal ay lumalalim ang pagtingin ko sa kaniya. Oo, lihim ko na siyang sinisinta at natatakot akong mapuna niya. Idinadaan ko na lamang sa pagsusulat ang nabuong paghanga at paggiliw sa kaniya. Masaya ako sa t'wing kasama ko siya. Napapangiti niya ako sa t'wing ako'y nagkakaproblema at nalulungkot. Nahulog ang loob ko sa paraang napapasaya niya ako sa simpleng bagay at sa kaniyang positibong pananaw. Nahuhumaling ako sa kaniyang pagkanatural sa sarili. Batid ko rin ang aking pangungulila kapag kami'y nagkakahiwalay na. Hinihintay ko na lagi ang kaniyang tawag at pagpapadala ng mensahe. Lumilipad ang diwa ko at doon siya ang kasama. Napapangiti at natutulala kapag nasilayan ang kaniyang mukha.

Simula no'ng siya'y nagbalik. Nabago niya ang takbo ng buhay ko. Ang pananaw ko. Naramdam ko sa kaniya na nagkaroon ako ulit ng kakampi. Ang pananaw kong hanggat nabubuhay ka pa  ay mag-enjoy lamang. Kung may darating man sa paraang seryoso man o hindi ay sige lamang. Magpakasaya lamang; sakyan mo lamang. Basta alam mong limitahin ang mga bagay-bagay, hindi yaong bigay ng bigay. Madalas, sa kakabigay ay diyan tayo nasisira. Sa kaniya, naging mapanatag ako. Batay sa aking naobserbahan sa kaniya ay higit na kakaiba. Siya yaong tipo na bago magbigay ng opinyon ay pinag-iisipan at tinitimbang pa. Kung kaya'y nakapalagayan ko na rin siya ng loob. Nagbabahagi na rin ako sa kaniya ng mga saloobin, hinaing at hinanakit. Hinahayan ko siyang gabayan at itama niya mga mali ko. Hindi ko man makuha ang buong tiwala at suporta ng aking pamilya ay nariyan siya para palakasin ang loob ko sa pamamagitan ng kaniyang pagsuporta at tulong at higit sa lahat para iparamdam sa akin na dapat ko ring tulungan ang aking sarili. Nang maipakita ko raw sa kanila na kaya kong bumangon ulit sa pagkakasadlak.

Hindi nagtagal. Araw. Linggo ang nakakalipas. Humingi siya ng pahintulot kung maaari ba niya akong makasama sa mga tatahakin ko - hirap at ginhawa. Nangilid ang aking mga luha, sapagkat ang lihim kong minamahal ay minamahal din pala ako. Masarap langhapin ang mga bagong pag-asang dumarating. Nagkamali man sa pinaglaanan ng buong pagtitiwala sa una. Nabigo man ang pag-asam kong makasama sa habang buhay ang ikalawa at ikatlo. Hindi pa rin ako tumigil na harapin at hintayin ang magbibigay sa akin ng tunay na pagmamahal. Taong mas higit pa sa kanila. Ang taong makapagbibigay ng pagpapahalaga sa kung mayroon ako. Taong makapagbibigay ng buong pagtanggap sa kung sino at ano ako. Taong hindi ako sisingilin sa mga naibigay na tulong sa akin. Taong hindi ako pagsasalitaan ng masasakit na salita sa pag-iwan ko dahil siya rin naman ang nagloko. Taong hindi mapagpanggap sa mga motibong pinapakita niya. Sa kaniya, oo pang-apat siya sa kanila at sana'y huli na. Siya'y naiiba. Higit siyang makatao at mapanindigan. Binuhay niyang muli ang mapait kong puso. Makulay muli ang aking pananaw.

Lahat tayo ay may kaniya-kaniyang pananaw. Mayroon yaong kinukulong ang sarili sa kabiguan. Ngunit para sa akin, h'wag nating hayaang lamunin tayo ng poot at pagkamuhi dahil sa minsa'y pagkabigo. Ang pagmamahal ay nariyan lamang sa ating paligid. Ngunit, dapat pa rin tayong mapanuri kung alin ang dapat at hindi. Kung ano ang tama sa mali. H'wag din tayong masilaw sa panlabas lamang na ipinapakita bagkus ay suriin din nating mabuti kung ano ang nasa ilalim ng kaniyang pagkatao. Ang pagtitimbang at panunuri sa hangarin ng isang tao ay parang isang banga. H'wag tayo makuntento sa panlabas nating nakikita. Suriin din kung ano ang nasa loob nito. Kung nasuri na at natimbang mo na, tiyak magkakaroon ka ng mapayapang pag-iisip at mapanatag na puso.

Muling PagbangonTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon