SA RAMI NG TAO na aking nakita’t nakasalamuha, iisa lang ang nanatili sa aking isipan. Hindi ko siya araw-araw na nakakasalamuha, isa o dalawang beses ko lang siya nakikita sa isang taon. Wala siyang ginawang kakaiba sa aking buhay, sa totoo lang ay hindi pa kami nag-uusap ngunit hindi ko alam kung bakit tila nag-iwan ito ng puwang sa aking ala-ala at hindi siya mawala sa aking isipan.
Taong 2007 nang mamatay ang aking ama. Inilibing siya sa tabi ng puntod ng aking lolo’t lola. May kasabayan ang aking ama nang siya’y ilibing at halos mag kapit bahay lang sila ng libingan.
Doon ko siya unang nakita, tahimik na nakatayo sa ‘di kalayuan, walang kinakausap, walang ginagawa, nakamasid lang ito sa paligid na waring nagbabantay. Hindi ko alam kung kaninong libing siya kasama ngunit hindi ko nakita ang anino nito sa burol ng aking ama kaya malamang ay sa kabila ito nakikilibing.
Nagsi-alisan na ang mga tao, maging ang estranghero ay hindi ko na mawari kung saan nagtungo. Akala ko ay iyon na ang huling beses na makikita ko siya ngunit sa unang Undas ng aking ama ay namataan ko siyang muli. Nakaupo ito sa isang puntod sa harap ng kasabayan namin noon sa paglilibing ng aking ama.
Kasama niya siguro ang mga bisita sa katabi naming puntod. Marami sila, halos buong angkan na niya yata ang nandoon. Sa halos isa’t kalahating oras ay nakatuon ang buong atensyon ko sa kaniya. Ni hindi siya umalis sa kaniyang puwesto, hindi rin siya kinakausap ng mga kasama niya, wala itong ginawa kundi umupo lang sa puntod at ni hindi man lang nakikipag-eye contact sa ibang tao.
Taun-taon ko siyang nakikita tuwing Undas. Isang Undas nga ay hinanap ko pa siya nang hindi ko siya makita sa dati nitong puwesto. Ngunit hindi nagtagal ay dumating din ito. Sa dating puwesto, nakaupo, seryoso at nakamasid lang sa paligid.
Noong nakaraang taon ay nakita ko muli ang estranghero. Birthday iyon ng aking ama kaya naisipan kong bumisita sa sementeryo. Naabutan ko siyang nakaluhod sa puntod ng aking ama, hindi ko mawari kung nagdarasal ito o umiiyak. Nagulat ito nang mapansin niya ang aking presensya at agad itong tumayo’t humarap sa akin.
Hindi ko alam kung ano ang aking sasabihin kaya nginitian ko na lang siya. Halos magkatangkad lang kami, medyo makinis ang balat nito, simple ngunit malinis ang kaniyang pananamit naka-puti ito at cargo shorts. Sa kabuuan ay disente itong tignan.
Ngumiti rin ang estranghero sa akin bilang sagot. Magsasalita na sana ako nang bigla itong tumalikod at agad lumisan. Sinundan ko ng tingin ang binata habang papaalis ngunit hindi ko na napansin kung saan ito nagtungo dahil may isang katanungan na bumabagabag sa aking isipan. Sino ang binatang iyon at ano ang kinalaman niya sa aking ama? Kung malapit na kaibigan o kamag-anak man ay siguradong makikilala ko siya ngunit hindi pamilyar ang mukha niya.
Inilapag ko ang bulaklak na aking dala at nagsindi ng tatlong kandila para na rin sa aking lolo’t lola. Nag-usal ako ng maikling panalangin at matapos batiin ang aking ama ay ako’y umalis na.
Sumulyap ako sa dinaanan ng binata kanina at doon ko napagtanto na wala palang daanan palabas doon. Marahil ay may bibisitahin pa itong iba o hindi kaya’y may alam itong sikretong daanan palabas. Pero ang malaking katanungan sa aking isipan ay sino ba siya?
Araw ng mga patay na bukas at sa unang pagkakataon ay sumama ako sa aking tiyuhin upang maglinis sa sementeryo. Gaya ng nasa balita ay madami na ngang tao sa sementeryo upang maglinis din na katulad namin.
BINABASA MO ANG
Estranghero (One-Shot)
Short StoryIsang estrangherong minsan lang nakita ngunit nag-iwan na ng tatak sa isipan. Sino siya, anong kinalaman niya sa buhay ni Leona?