Nasaan Ka, Itay?
Mapa-babae ka man o lalaki, isipin mo ang iyong ama.
Nasabi mo na bang mahal mo siya?
Bakit hindi pa?
Dahil may galit ka? Babaero? Lasenggero?
At sinasabi mo ngayong hindi mo siya kailangan? Mabubuhay ka kahit wala siya?
Pero bakit isang umaga, noong nawala siya...
ay hinanap mo siya?
Short story written by Ayradel.
...
Kukurap-kurap na idinilat ni Francis ang kanyang mga mata, dulot ng pagkasilaw sa sinag ng araw na nagmumula sa nag-iisang bintana ng kanyang kwarto. Inaantok pa siya ng mga sandaling iyon kung kaya't muli siyang humiga upang bumalik sa pagkakatulog— na agad rin namang napabalikwas ng bangon nang maalalang may pasok pa nga pala siya!
Agad na napadako ang kaniyang mga mata sa pinakamalapit na orasan at awtomatikong napasabunot sa sariling buhok dahil sa inis, nang makitang pumalo na sa alas-syete ang maliit na kamay nito.
"FRANCISCO!" galit na tinawag nya ang pangalan ng ama, kasabay ng marahas na pagbalibag sa unan na nadampot kung saan. Nais niyang sigawan ito dahil sa hindi paggising sa kaniya ng maaga gayong Lunes at may pasok na!
"NASAAN KA NA!?" aniya pa, ngunit wala siyang narinig na sagot.
Nakunot niya ang noo tanda ng pagtataka... Tuwing tinatawag niya kasi ang kanyang ama noon, alam niyang magmamadali na agad ito patungo sa lugar kung nasaan man siya.
Ngunit nasaan ba ito ngayon?
Inilibot niya ang kanyang mga mata sa buong paligid. Napansin niyang tila may nagbago. Muli, ay binalot siya ng pagtataka. Dapat sa pagkakataong iyon ay naiinis na siya sa walang humpay na pagkanta ng kaniyang ama kahit wala ito sa tono magising lamang siya...
Pero bakit ngayon ay napakatahimik?
Bakit hindi man lamang siya ginising ng kanyang ama gayong alam naman nitong mahuhuli na siya sa klase?
Nakakapanibago. Nasaan ba talaga ang itay niya?
Sa pagtataka'y nakaramdam siya ng gutom, kung kaya't dahan-dahan siyang lumakad palabas ng kwarto at tinahak ang daan papuntang sala. Inaasahan niyang mga pagkain ang makikita sa ibabaw ng lamesa ngunit nagkamali na naman siya. Bagkus ay puro alikabok ang nadatnan niyang nakapaibabaw dito. Tila ba napakatagal na nitong hindi napupunasan.
Nangunot ang noo niya, at muli, nakaramdam siya ng inis. Umupo siya sa malapit na bangkuan at sinapo ang sariling mukha.
"Ang tamad mo!" sinabi niya. Inis na inis. "Magpunas lang ng lamesa di pa magawa. Walang kwenta!" saka muling sinabunutan ang sarili.
Natigil siya sa ginagawa nang nahagip ng kanyang mga mata ang isang gitara na nasa harapan niya... ang gitarang paboritong gamitin ng kanyang ama.
May sira na ito, puro alikabok na at tila matagal nang hindi nagagamit. Lumapit siya dito, at tinitigan itong mabuti. Tila nakikita pa niya ang imahe nito noong bagong bili pa lamang dito ng kanyang ama para sa kaniya. Naaalala pa niya kung gaano kasaya ang kanyang ama na iabot ito sa kaniya noong ika-labindalawang kaarawan niya, na agad rin niyang tinanggihan.
Marahan niyang kinuha ang gitara, niyakap sa mga bisig saka tuluyang pinatugtog.
Sa bawat tunog na nalilikha ng kaniyang pagkalabit sa mga kwerdas nito, ay tila siya ring pagtulo ng mga luha sa kanyang mga mata. Nakaramdam siya ng lungkot. Alam niyang walang sinuman ang magnanais na makinig sa kanyang musika. Wala ito sa tono. Katulad ng buhay nyang tila isang kwerdas ng gitara na puno ng kalawang at malapit ng maputol. Agad na pumasok sa isipan niya ang kanyang ama... Ramdam niya pa ang pagnanais nito na maturuan siyang maggitara noon. Na kahit minsan ay hindi niya binigyan ng pagkakataon, dahil palagi siyang lumalayo, umiiwas, tumatakbo, tuwing lalapitan siya nito.
BINABASA MO ANG
Nasaan Ka, Itay? (Ama #1)
Документальная проза░s░h░o░r░t░ Sabi mo hindi mo kailangan ng tatay... ngunit bakit noong nawala siya isang umaga ay hinanap mo siya?