Kapag tinatawag mo ang pangalan ko, parang may nagsasayawang anghel sa paligid, tumutugtog ng masasayang awit, iniisip bakit napaka swerte ko, na maibigkas mo ang mga letra ng pangalan ko?
Kapag nagkwekwento ka tungkol sa kahit na ano, kasi ganoon naman tayo mag-usap diba? Kahit ano. Kahit ano, pero okay na tayo. Kahit ano, pero masaya. Kahit ano kasi halos di naman ako nakikinig sayo, nakatitig lang ako sa mga mata mong mapupungay, sa ilong mong hindi katangusan, sa labi mong mapula pero hindi pantay ang balat kasi hilig mong kagatin ito. Pero sa mga mata ko, ang perfect mo.
Kapag tumatawa ka, halos mahulog ako sa kinauupuan ko, napaka swerte ko naman na matunghayan ang kasiyahan mo. Dahil kapag masaya ka doble doble pa ang saya na nararamdaman ko, dito. Dito sa puso ko.
Kapag dumadaan ka, hindi ko maiwasang sabayan ka ng tingin. Lahat ng gagawin mo gusto ko makita, ikaw ang nagbibigay buhay parati sa araw ko, ikaw kumokompleto nito.
Kapag hinahawakan mo ko, hindi sparks ang nararamdaman ko. Apoy. Apoy dahil nagliliyab bawat simpleng hawak mo sakin. Nagliliyab sapagkat hindi ko na maitago ang nararamdaman ko para sayo.
Kapag magkasama tayo, ayaw ko ng matapos ang araw, gusto ko manatili kung nasaan man tayo. Gusto ko itigil ang oras at huwag intindihin ito. Gusto ko manatili sa sandaling ito, sa tabi mo, kahit wala tayong pag usapan, okay na okay na ko. Presensya mo lang, sapat na para mapatigil bawat minuto't segundo ng buhay ko.
Kapag nakakakita ako ng bitwin, hindi ko maiwasang isipin na bakit pa may bitwin kung meron ka naman? Ikaw na kasi yung liwanag sa bawat dilim na natatahak ko. Ikaw na kasi yung maliit na apoy na sinasamahan ako sa madilim na gabi. Ikaw na kasi yung bitwin sa buhay ko. Napakadaming bitwin sa ulap, pero ikaw ang pinaka gusto ko. Ikaw ang pipiliin ko.
Nakakatakot magmahal sa mundong ito na punong puno ng manloloko,
Nakakatakot magmahal sa mundong ito na napakadami ng nasaktan,
Nakakatakot magmahal sa mundong ito na halos walang kasiguraduhan,
Nakakatakot magmahal sa mundong ito na napakadami ng sumuko,
Nakakatakot magmahal sa mundong ito na hindi naman talaga alam kung ano ang pagmamahal,
Nakakatakot.
Pero lahat ng takot na to ay napapawi kapag ikaw ang kasama ko,
lintek na kupido, tinamaan ako.
Mahal ko na ata.
Mahal na ata kita, gago.
BINABASA MO ANG
Mahal na ata kita (One shot)
RomanceKailan mo ba masasabi na mahal mo ang isang tao? Sa isang linggo? Dalawa? 3 buwan? Isang taon? Kailan? (c)sheisDaisylyn