Ilang beses na napalingon sa kanyang likuran si Abigail dahil sa kutob niyang tila may taong sumusunod sa kanya. Kanina pa niya nararamdaman iyon mula nang makababa siya ng jeep. Ayaw sana niyang mag-isip ng masama dahil may iilang tao naman siyang nakakasabay sa paglalakad kaya walang makakapanakit sa kanya. Subalit hindi pa rin niya maiwasan ang panananaig ng kanyang takot.
Mahigpit niyang niyakap ang kanyang backpack at mabilis na naglakad kasabay ng isang babae at lalaki, na tila mag-asawa.
Subalit awtomatiko siyang napahinto nang marinig niya ang pag-ring ng kanyang cellphone. Unregistered number iyon kaya hindi agad niya sinagot. Subalit nagbago ang kanyang isip nang maalala niyang pinatatawag nga pala niya ang kanyang kapatid na si Desiree kapag nakarating na ito sa bahay ng kanilang ama at ng ikalawang asawa nito. Wala itong cellphone kaya sinabihan niyang manghiram muna.
"Hello, Des? Ano'ng oras ka nakarating d'yan?"
"'Wag kang kumilos---" Agad siyang kinilabutan nang marinig niya ang malalim na boses ng isang lalaki sa kabilang linya, "O gumawa ng kahit ano'ng ingay," giit nito.
Binalewala niya iyon at muling luminga-linga sa kanyang paligid. Sigurado siyang nasa tabi-tabi lamang ito at nakamasid sa kanya.
"Matigas talaga ang ulo mo, Abigail." Nanlaki ang kanyang mga mata nang banggitin nito ang kanyang pangalan.
"Sino ka? Pa'no mo---" Hindi na niya naipagpatuloy ang kanyang sasabihin nang mapansin niyang may aninong unti-unting lumalapit sa kanyang kinatatayuan.
Sinubukan niyang igalaw ang kanyang mga paa subalit tila naestatwa na lamang siya roon.
"Maawa ka... 'Wag mo 'kong sasaktan," nanginginig niyang pakiusap nang tuluyang makalapit ang isang matangkad na lalaking nakasuot ng maong na pantalon at itim na jacket, na may talukbong pa kaya hindi niya makita ang mukha nito.
"Hindi ka masasaktan kung susundin mo ang mga gusto ko," giit nito habang tinututukan siya ng baril sa kanyang tagiliran kaya mas lalo siyang kinabahan sa posible nitong gawin sa kanya.
Wala na siyang nagawa kundi sumabay sa paglalakad nito hanggang sa makarating sila sa isang madilim na eskinita.
"Maawa ka..." pagsusumamo niya nang marahas siyang itulak nito kaya napasalampak siya sa kalsada.
Hindi na rin niya napigilan ang pagtulo ng kanyang mga luha nang maisip niyang may posibilidad na hahalayin siya nito.
Muli siyang nanginig nang lapitan siya nito at marahang haplusin ang kanyang mga pisngi.
"Papayag---" Nagtatalo pa rin ang kanyang isipan dahil sa pananaig ng takot niya sa kamatayan. "Basta 'wag mo lang akong sasaktan."
"Hindi ko maipapangako 'yon pero 'wag kang mag-alala dahil hindi kita papatayin," makahulugan nitong sabi habang hinahaplos ang gilid ng kanyang mga mata upang punasan ang kanyang mga luha.
Lord, iligtas N'yo po ako... taimtim niyang dasal at ihinanda ang kanyang sarili sa kung anomang mangyayari.
"Akala ko ba, susundin ko ang gusto ko?" Agad siyang napamulat nang mapansin niya ang pagbabago ng boses nito.
"O-oo," garalgal niyang sagot.
"Pero alam mo bang sinuway mo na 'ko..." sarkastiko nitong sagot at bigla na lamang siyang sinakal. Gusto pa sana niyang magpaliwanag pero hindi na niya magawa pa. "Kaya itutuloy ko na ang plano ko, sa ayaw o sa gusto mo."
Malakas siyang napasigaw nang bigla na lamang nitong tusukin ang kanyang kanang mata gamit lamang ang hintuturo nito.
"Tama na! Ang sakit---" Ramdam na ramdam niya ang pagkapunit ng mga ugat mula sa kanyang mata nang marahas nitong hatakin iyon.
"Akin lang ang mga mata mo," giit pa nito nang makita niyang nasa palad na nito ang kanyang mata.
"Tama na. Please, ayokong ma--," muli niyang pagsusumamo pero nagpatuloy ito sa pagdukot sa kanyang kaliwang mata.
Ilang beses pa siyang napasigaw dahil sa pananakit ng butas ng kanyang mga mata habang patuloy sa pag-agos ang kanyang dugo mula sa mga ito.
"Alam mo bang ilang araw kong sinubaybayan ang mga mata mo?" Ito ang mga huling salita na kanyang narinig bago siya tuluyang nawalan ng malay.
Basta na lamang iniwan ng lalaking iyon ang kanyang pinakabagong biktima. Wala na siyang pakialam sa mga posible pang mangyari roon dahil ang importante ay mapabilang ang mga mata nito sa kanyang natatanging koleksiyon.HALOS maghahatinggabi na nang makarating ang binatang si Ybarro sa kanyang sariling bahay.
Maayos muna niyang nilinis ang mga mata ni Abigail upang maalis ang mga dugo rito. Inilagay pa niya ang mga ito sa isang test tube at nilagyan ng label na; Abigail Sajul's Eyes (5/27/16) bago siya nagtungo sa kanyang lihim na kuwarto na matatagpuan sa loob ng malawak niyang silid-aklatan.
"Ang dami na pala ng koleksyon ko," sarkastiko niyang sabi nang mailagay niya sa isang estante ang ikalabintatlong test tube.
Isa-isa pa niyang pinagmasdan ang mga matang kabilang sa kanyang koleksiyon, na mula sa iba't ibang tao.
Sa labintatlong iyon, ang pinaka-espesyal ay ang mga mata ni Morisette Taus. Ito ang kanyang kababata na nagtataglay ng kakaibang mga mata, na tinatawag na heterochromia. Ang kaliwang mata nito ay kulay asul, na namana nito sa Amerikanong ama. Kulay abo naman ang kanang mata nito na mula sa Griyegong ina.
Sampung taon na ang nakakalipas mula nang mamatay si Morisette pero hanggang ngayon ay wala pa ring nakakaalam na kinuha niya ang mga mata nito. Saksi ito sa pagkahilig niya sa iba't ibang kulay ng mga mata kaya alam niyang maiintindihan siya nito kung ginawa niyang alaala iyon ng kanilang pagkakaibigan.
Sa paglipas ng panahon, mas lalo pa siyang nagkaroon ng obsesyon sa mga mata ng tao kaya marami na siyang napatay upang mapasakamay lamang niya ang kanilang mga mata.
"Gusto mo bang mapabilang sa koleksiyon ko?" Naantala ang kanyang pagbabalik-tanaw nang mapansin niyang nagsalita ang repleksiyon niya sa salamin.
"Ibig sabihin ba nito, tinatapos mo na ang kontrata natin?" Unti-unti pang nanlaki ang kanyang mga mata nang maging demonyo ang kanyang kaharap. Isang kakaibang ngiti pa ang namutawi sa mga labi nito na mas lalong nagpanindig sa kanyang mga balahibo.
"Akin lang ang mga mata mo, Eros Ybarro Eyo."
Sa huli ay umalingawngaw ang bahaw niyang tinig nang sabay nitong dukutin ang kanyang mga mata.Wakas.
2016©Mysterious Eyes | Xerun Salmirro
BINABASA MO ANG
Eros Ybarro Eyo
Short Story"Ibig sabihin ba nito, tinatapos mo na ang ating kontrata?" Ito ay nagwagi bilang unang puwesto sa isang paligsahan ng pagsulat na isinagawa ng Kalipunan ng mga Literato ng Panitikang Pilipino FB Group (KLPP). 2016©Mysterious Eyes | Xerun Salmirro