Pagkadating na pagkadating ko galing Maynila, nasa may pintuan palang ako, naririnig ko na naman silang nag-aaway sa loob. Ang nanay kong napakabait at napakamartir at ang tatay kong walang ibang ginawa kung hindi ang palaging saktan si nanay. Naririnig ko rin ang iyakan ng mga kapatid ko.
Tuwing uuwi ako sa amin, ito palagi ang madadatnan ko. Kung hindi lang dahil kay inay at ng mga kapatid ko, hindi talaga ako uuwi dito.
Pumasok na ako sa mumunti naming bahay. Dumaan ako sa kanilang harapan ngunit hindi nila ako nakita. Patuloy parin sila sa pag-away. Diretso akong pumunta sa aming kwarto at isinara ang pintuan. Nagpalit na ako ng damit at dala-dala ang aking kwaderno at lapis, umupo ako sa pinakasulok ng kwarto - ang pinakapaborito kong lugar.
Napatingin ulit ako sa pintuan na parang nakikita ko ang nasa labas. Humuhupa na ang ingay. Nagpatuloy na ako sa pagguhit ng narinig kong nagsalita si itay.
"Ang laki na ng ulo ng panganay mong anak ah. Wag na siyang mag-alala, ibabalik ko ang pera niya. Tss"
"Ginusto niya lang tulungan ka kaya pinahiram ka niya ng pera pero ginastos mo lang iyon sa pagsusugal imbes sa mga gamot mo," narinig ko si inay at ang pagbagsak ng pinto.
Napahinto naman ako sa pagguhit. Tumayo na ako at iniligpit ang aking mga gamit. Pumunta na ako sa kama at humiga. Umiiyak. Parati nalang bang ganito? May pag-asa pa bang maging maligaya ang pamilyang ito at maging masaya ang aming tahanan?
"Kakain na tayo! Lumabas ka na diyan kung ayaw mong sirain ko itong pinto!" Narinig ko ang tatay ko sa labas, na halos sirain na ang pintuan ng silid. Ngunit hindi ako umimik. Patuloy parin ako sa pag-iyak.
Narinig ko rin ang pagpipigil ni inay kay tatay. Isang malakas na sipa pa ang narinig ko bago sila umalis.
Napatingin ako sa kisame at humingi ng tulong sa Kanya. Siya lang ang parati kong karamay sa mundong ito.
Panginoon, lunod na lunod na ako sa damdaming ito. Sa lungkot at sa galit. Sa sobrang lunod ko, gusto ko nalang magpadala sa agos ng tubig at dalhin ako sa kung saan man. Pero mahal na mahal ko ang pamilya ko, turuan mo Po akong lumangoy papunta sa mababaw na parte ng dagat. Tulungan mo Po akong makaahon sa napakalalim kong damdamin. Salamat, Po, Panginoon.