Heto na naman ako, tahimik kang tinititigan sa di kalayuan. Napakaganda mo sa suot mong puting-puting bestida, nakalugay ang iyong buhok at payapang nakangiti ang iyong mga labi.
"Uy, kanina ka pa?" Tanong mo sa akin habang papalapit sa kinauupuan ko. Maaliwas ang pinaghalong bughaw na langit at berdeng paligid, mahangin, tahimik. Ngumiti ako at umiling habang taimtim na nakatingin sayo. Mahahaba ang iyong makapal at mapilantik na mga pilik-mata. Napakalambing ng iyong tingin sa akin. Napakaganda ng iyong mga nangungusap na mata. Inabot mo ang aking kamay ng iyong banayad na kamay at tsaka ako hinila patayo. "Tara na!" Nakangiti ka habang hinihila ako palakad. "Bagay na bagay sayo yang suot mo." Wala sa sarili kong bulalas na sapat ang lakas para marinig mo. "Talaga? Bagay ba?" Napabaling ako sa tanong mo. Namumula ang mga pisngi mo habang malamyos na iniipit ang ilang hibla ng tumakas na buhok mo sa iyong maliliit na tenga. Hindi ko naiwasang tumawa sa reaksyon mo. Bagay na bagay talaga sayo ang puti, kasing puro ng kalooban mo ang kulay na yan. Kasing inosente. "Bakit para kang nahihiyang ewan dyan?" Buong-buo ang ngisi ko mula kaliwa hanggang kanang tenga. "Wala lang. Ngayon mo na lang ulit ako pinuri. Thank you." Matamis mong sabi. Natahimik ako at napaisip. Oo nga. Kelan nga ba ang huling beses na pinuri kita? Kelan ko nga ba huling pinaramdam sayong espesyal ka? Kelan nga ba ang huling pagkakataong naramdaman mong mahal kita? Sa kasulok-sulukan ng isipan ko alam ko ang sagot sa mga tanong ko-nung mga panahong hindi pa kita niloloko. Mga panahong ikaw pa ang buhay ko. Nung mga panahong sayo lang umiikot ang mundo ko. Pero lahat yon nagbago. Simula nang bumalik ako sa pagiging gago. Biglang nawala ang malaking porsyento ng amor ko sayo. Nawalan tayo ng oras sa isa't-isa. Nawalan ng komunikasyon. Parang tayo na hindi tayo. Naghanap ako ng mas hihigit pa sa lahat ng meron ka. Dumating pa sa pagkakataon na sobrang kapal ng mukha ko at harap-harapan kitang ginagago. Pero imbis na magalit ka at lumayo ay kinausap mo ako ng maayos at nanatili sa tabi ko. Mag-isa mong dinama lahat ng sakit na dulot ng mga maling desisyon ko. "Sorry. Alam kong kulang ako. Pakiusap, sabihin mo sakin kung anong gusto mong gawin ko para maayos ang meron tayo. Pipilitin kong maging sapat para sayo." Naalala kong malumanay mong sinabi habang pinipigilan ang pagpatak ng mga luha sa iyong mga mata. Dun ako nauntog at natauhan. Para kang isang magandang bulaklak sa halaman na matinding pinapasadahan ng marahas, malakas at nagwawalang hanging handa kang pabitawin sa sangang kinakapitan mo. Pero hindi ka bumitaw. Nakamamanghang buong buo ka pa din sa kabila ng katotohanang nawawasak ka sa kaloob-looban mo. Simula noon napagtanto kong wala na kong mahahanap pang mas hihigit sayo. Mas lalo kitang minahal dahil doon. At hindi ko mapigilang mapangiti sa tinatakbo ng utak ko. "Bat ka nakangiti?" Tanong mong nagpabalik ng sarili ko sa reyalidad. Umiling ako bilang sagot at binuksan ang pinto ng isang pamilyar na kotse sa harap ko. Paano kami nakapunta dito? Masyadong malayo ang nilakbay ng utak ko para sagutin ang tanong kong yan. Pumasok ako sa loob ng kotse at sinimulan itong paandarin. Pasulyap-sulyap ang tingin ko sa kanya sa gilid ko. Simula pa noon bisyo ko na ata talagang tingnan sya at hinding-hindi ako magsasawa kahit kailan na gawin ito. "Magpokus ka na lang sa pagmamaneho mo. Wag mo na kong tingnan. Haha!" Napangiti ako sa sinabi nya. Nararamdaman nya pala ang bigat ng tingin ko sa kanya. "Natatakot akong baka mawala ka sa paningin ko, Maria." "Hindi ako mawawala sa paningin mo, Cris." Nakangiti nyang sagot pagkatapos hinagkan ang malaya kong kamay. Nagniningning ang kanyang mga mata. Nakakabighani. Nakakahumaling. Hinigpitan ko ang yakap ng kamay ko sa kanya. Habang nakatitig sa mga mata nya. Ang mata nyang kasingganda ng pagkatao nya. Naiisip ko pa lang ang pagdating ng panahong mawalay ka sakin ay para na akong napapraning.
Nagising ako mula sa napakagandang panaginip. Isang panaginip. Nakakalungkot na hanggang panaginip ko na lang ulit makikita ang mga malalambing mong ngiti at magaganda mong mata. Doon ko na lang maririnig ang malamyos mong tinig at mararamdaman ang init ng iyong kamay. Hanggang ala-ala ko na lang pwedeng balikan ang lahat ng meron tayo. Nakakabasag, nakakapunit, nakakawasak ng pagkatao. Ngayong wala ka na hindi ko na mahanap ang dating ako. Para akong maliit na kuting na nawawala sa madilim at nakakatakot na sementeryo. Napapikit ako ng mariin. Sariwa pa ang lahat sa akin. Detalyadong nakatatak sa utak ko ang bawat nangyari nang araw na iyon.
"Cris." Nagtagpo ang kaninang nakapikit kong mata at ang puting kisame sa taas ko. Nasaan ako? Anong nangyari? Nasaan si Maria? Paling-linga kong hinahanap sa kwarto si Maria ngunit bigo akong makita sya. Tanging boses nya ang huli kong maalala at isang malakas na tunog na para bang busina ng malaking sasakyan. Bago ko pa maisatinig ang aking katanungan ay naunahan na akong sagutin ng aking ina sa pamamagitan ng iling. Marahan at malungkot na mga iling. Parang hindi naman narehistro ng nalilito kong utak ang mga iling nya. "Ma, asan si Maria?" Basag ang narinig kong tinig mula sa aking bibig. "Cris," dahan-dahan syang lumapit sakin at hinagkan ang aking kamay. Na puno ng galos at sugat. Parang biglang nanlamig ang buong sistema ko. At bumalik ang memorya ko.
"Cris," tawag nya sa akin dahilan para mapatingin ako sa kanya. Nakanguso sya na para bang isang batang nagtuturo ng kung ano. Sinundan ko ang tinuturo ng kanyang labi at hindi napigilang tumawa sa nakita. "Gusto mo?" Tumango sya bilang sagot. Pula naman ang ilaw kaya may oras akong bumili sa ice cream cart na itinuturo nya. "Dito ka lang ha?" Dali-dali akong bumaba. Hindi pa lumagpas ng dalawang minuto at handa na akong maglakad pabalik. Malaki ang kanyang ngisi nang makita ang itinaas kong supot ng pinabili. Tinamisan ko ang aking ngiti. Ngunit agad rin itong napawi. "MARIA!!!" Agad ko syang dinaluhan. Nabitawan ko ang supot kong dala. Nagpumilit na pabilisin ang aking takbo. Ngunit isang malakas na kalabog ang saglit na nagpahinto sakin. Isang malaking trak ang inaararo ang lahat ng madaanan nitong bagay. Kasunod na ang kotseng kinaroroonan ni Maria. Tumakbo ako papunta sa kanya. Kinatok ang bintana at binuksan ang pintuan. "Maria!" Naestatwa sya sa kanyang kinauupuan buhat sa nasaksihan. "Cris," Hinawakan ko ang kamay nya at sinubukan syang hilain palabas. Pero bago pa sya makalabas ay mas malakas at nakakayanig na kalabog ang umalingawngaw sa paligid.
Nakatingin lang ako sa kawalan. Walang tinig na lumalabas sa bibig ko, para bang biglang tumigil ang mundo at pandinig ko. Wala akong maramdaman. Blangko. Maliban na lang sa init nang likidong dumadaloy mula sa mga mata ko. Hindi maaari. Sinampal-sampal ko ang aking pisngi upang matauhan. Upang magising. Panaginip lang to. Isang bangungot! Ngunit bakit ba kahit anong sampal at suntok ko sa aking sarili ay hindi ako magising? Bakit ba kahit anong pananakit ko'y para bang wala nang mas sasakit pa sa katotohanang iniwan mo ako Maria?
Nagmulat ako ng aking mga mata. At tumayo sa kinatulugan ko kaninang upuan. Naglakad ako palapit sa kung nasan ka.
Nakakatakot Maria. Nakakatakot harapin ang mundo ng wala ka. Nakakatakot harapin ang katotohanang kailanman ay hindi na kita makakapiling pa. Nakakatakot ang pagdating ng panahong maubusan na ng luha ang aking mga mata. Na kahit anong pigang gawin ko ay hindi na ito muling mangangausap pa. Natatakot akong gumising sa umaga dahil naduduwag ako. Naduduwag ako dahil batid kong ako ang may kasalanan ng paglisan mo. Patawarin mo ako mahal ko, sa mga pagkukulang ko. Patawarin mo ako dahil hindi kita naprotektahan noong araw na yon. Patawarin mo ko, Maria. Pwede bang bumalik ka na sakin? Hindi ko kakayanin ang mabuhay ng wala ka. Ikaw ang buhay ko. Ang mundo ko. Ngayong wala ka na, paano na ako? Pinapangako kong hinding-hindi ko na bibitawan ang iyong mga kamay. Hinding-hindi na kita sasaktan. Hinding-hindi na ako aalis sa tabi mo. At hinding-hindi ko tatanggalin ang paningin ko sa mga mata mo. Hahawakan ko ang iyong mga kamay. Hinding-hindi kita bibitawan.
Heto pa rin ako, tahimik kang tinititigan sa di kalayuan. Napakaganda mo sa suot mong puting-puting bestida, nakalugay ang iyong buhok at payapang nakangiti ang iyong mga labi. Labis na ang pangungulila ko sayo, Maria. Kaya pakiusap, magmulat ka na ng iyong magagandang mga mata.
BINABASA MO ANG
One Shot Stories
RomanceLove can be found everywhere... Love can be felt every time... Love is for everyone!!! Hi! This is a compilation of my one shot stories! Have fun reading guys! ♥ Feel free to leave some comments. I would surely appreciate them! Thank you! Have a goo...