Lost (Flash Fiction)

16 4 1
                                    


Someone's Point of View

"Alam mo ba kung kaninong bangkay 'yung nasa ibaba?" Tanong ni Kristine habang nakadungaw sa cubicle ni Trina. Hindi ko na lang pinansin ang ginagawa nilang ingay at nagpatuloy na lang sa pagtatrabaho.

"Oo, Kris. Nakakakilabot. Sa lahat naman ng tao ay bakit siya pa? Napakabait na tao kaya niya." Sagot naman ni Trina.

Nagsalubong ang kilay ko dahil sa sagot na narinig. Tuluyan ng napukaw ang atensyon ko kaya pinagpatuloy ko na ang pakikinig. Sinong kasamahan namin ang tinutukoy nila?

"True. Ano, pupunta ba tayo sa burol niya?"

Teka, sino ba kasing kasamahan namin? Ka-close ko ba? Itinuon ko nang mabuti ang atensyon ko sa kanila.

"Oo naman friend 'no! Nakakahiya naman kung hindi tayo pupunta. Tsk. Sayang. Ang ganda ganda niya kaya! Mabait, matalino, 'di ba't naging employee of the month pa nga natin siya? 'Tapos sa isang iglap mababalitaan na lang natin na patay na siya? Nakakatakot na tuloy mag-work dito. Hanap na tayo ng bagong company?" Ani Kristine.

"Mukhang tama ka d'yan friend. Ano kayang dahilan ni Kathlyn at nagpakamatay siya? Take note, tumalon pa talaga siya mula sa rooftop."

Nanlaki ang mata ko ng malaman na si Kathlyn pala ang tinutukoy nila! Napatigil ako sa pagbuklat ng mga papel at tiningnan ang dalawa kong katrabaho. Ibig bang sabihin, wala na si Kathlyn? Gumapang ang kilabot ko sa buong katawan.

"Hay ewan. Mukha naman kasing wala talaga siyang problema. Iniimbestigahan na ngayon ng mga pulis ang nangyari at nagche-check na rin sila ng CCTVs. Pero duda akong nagpakamatay siya eh, wala sa aura at ugali niya ang gagawa ng ganoon."

Tumango-tango naman si Trina. "Ako rin friend, duda rin ako. Pero alam mo, may palagay ako na may kinalaman ang big boss sa nangyari."

Pasimple akong lumapit sa kanila at nakinig pa lalo, "Paano mo naman nasabi, friend?" Ganting bulong ni Kristine.

"Aba, 'di ba kilalang womanizer si Sir Kent? At hindi lingid sa kaalaman nating lahat na kursunada niya si Kathlyn. 'Di ba't ayaw nga niyang tatantanan 'yung tao?"

Napaisip ako sa sinabi ni Trina at napatango na lang sa sarili. Sa tuwing nagtatrabaho si Kathlyn ay palagi siyang dinadalaw ni Sir Kent sa cubicle niya at binibigyan ng kung anu-ano na hindi naman tinatanggap ng dalaga. Kahit anong pilit ni Sir Kent ay hindi talaga niya mapilit si Kathlyn na magpaligaw sa kanya. Aba, sa sobrang babaero ng big boss ay walang maniniwala na magmamahal pa ito. Oo nga't gwapo siya at mayaman, eh mukha namang katawan lang naman ang habol niya sa lahat ng babae kaya h'wag na lang.

"Oo nga 'no? May posibilidad Trina! Nasagap ko rin kasi kanina na may busal daw sa bibig si Kathlyn at mukhang ginahasa dahil nakalilis ang palda! Naku. Nakakaawa naman si Kathlyn!" Sabi ni Kristine.

"Tsk. Nakakaawa rin 'yung mga kapatid niyang sa kanya na lang umaasa. Saan na sila pupulutin niyan ngayon?"

Oo nga naman? Paano na ang mga nakababatang kapatid ni Kathlyn? Sino nang mag-aaruga sa kanila? Sino na ang tutustos sa mga pangangailangan nila?

Hindi ko na sila pinakinggan at lumabas na lang ako sa station namin. Habang paakyat ako ay panay ang bumungan ng mga tao. Nakarating ako sa rooftop at nakita doon ang ilang pulis na nag-iimbestiga sa nangyari.

"Na-check mo na ba 'yung CCTV dito sa rooftop?" Tanong ng isa sa kapwa niya pulis.

"Yes, sir. Nakakuha na po ako ng kopya."

"Good."

May nakita akong isang lalaki na nakatingin sa malayo at mukhang malalim ang iniisip. Nilapitan ko siya at tinanong, "Hi! Pulis ka ba?"

"Ah, hindi." Sagot niya.

"Kung ganon, anong ginagawa mo dito?" Kunot-noong tanong ko sa kanya. Napagwapo niya at sigurado akong ngayon ko lang siya nakita.

"Ako kasi ang saksi sa nangyaring krimen." Sagot niya habang tumitingin sa ibaba kung saan natagpuan ang bangkay ni Kathlyn.

"Saksi ka? Bakit hindi ka mag-sumbong sa mga pulis para mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ni Kathlyn?"

Ngumiti naman siya at ginulo ang buhok ko, "May mga bagay na hindi na dapat pinapakialaman. May mga bagay na kusang naayos lalo na't may ideya na ang mga tao sa totoong nangyari."

"Ibig mong sabihin, tama ang hinala ng mga tao rito? Na si Sir Kent ang may kasalanan?" Gulat kong tanong.

Tumango ang gwapong lalaki at tumingala sa langit. "Sa sobrang pagnanasa ay nagawa niyang gahasain ang isa sa pinakamagagaling niyang empleyado. Pagkatapos niyang makuha ang gusto ay basta na lang niya ito itinapon," tumigil siya sandali. "Ganoon na ang takbo ng buhay ng mga tao ngayon. Magnanasa sa isang bagay, pipiliting makuha at kapag nakuha na ay basta na lang itatapon. Hindi na nila iniisip kung sa paanong paraan nila kukuhanin, ang mahalaga sa kanila ay maibigay ang tawag ng laman at mga luho. Wala silang pakialam kung may matatapakan silang tao na pilit na kumakayod at mamuhay ng marangal."

Hindi ko alam kung bakit tumulo ang mga luha ko sa sinambit ng lalaki. Totoo. Ang mga tao ngayon ay gahaman na at sakim. Kahit ang maliliit na tao na nagpapakahirap para mamuhay ay nagagawa pa nilang sagasaan. Nagagawa pa nilang ibaon sa lupa matapos tapakan.

"Alam mo, tama ka. Teka, ano nga palang pangalan mo? Nagku-kwentuhan tayo pero hindi ko pa alam ang pangalan mo."

Humarap siya sa akin at ngumiti. Nakita ko ang pagliliwanag ng katawan niya kaya napapikit ako dahil sa pagkasilaw. At sa pagpikit ko ay dumagsa ang maraming ala-ala na lalong nagpaluha sa akin. "Ako si Miguel. Ako ang sundo mo Kathlyn. Halika na't umakyat, sinisiguro ko sa 'yo na makakamtan mo ang hustisya dito sa lupa." Kasabay noon ay ang paglalahad niya ng kamay na agad ko rin namang tinanggap.

Lost (One-Shot)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon