Talo Ako (Oneshot)
Written by: Januuhbels--
Anong nangyari sa'tin? Okay naman tayo noon, 'di ba?
Tandang tanda ko pa kung pa'no tayo nagkakilala. Dahil sa pesteng Tap Tap Revenge na 'yan. Bakit ba kasi nauso pa 'yan? Bakit ba kasi naadik pa ako sa paglalaro niyan? Tuwing wala pang professor o kaya tuwing break time ko, 'yan lagi ang pinagkakaabalahan ko. Hanggang sa isang araw, pinansin mo 'ko kasi adik ka rin pala sa larong 'yon. Ayon, niyaya kong maglaro ng isang beses hanggang sa nasundan 'yon nang nasundan.
Isa ka lang naman ireg sa klase namin noon at hindi ko masyadong pinapansin, pero close mo ang iba kong mga kaibigan at kaklase. Ako lang talaga ang bukod tanging hindi pumapansin sa'yo. Ayoko kasi sa mayabang at saksakan ka ng yabang.
Nakakainis man aminin pero pagtapos nung isang beses tayong naglaro, parang gusto ko na lagi makipaglaro sa'yo kaya nasundan pa 'yun nang nasundan at naging mag kaibigan na rin tayo, 'di ba? Akalain mo 'yun, napagtiisan kitang kasama kahit ang yabang yabang mo. Tuwing nga maglalaro tayo, pumupusta ka na agad na matatalo mo ako. Minsan nga naiisip ko, kaya mo lang siguro gusto makipaglaro sa'kin kasi alam mong matatalo mo ako. Madaya ka.
"Ano na, Sherrie, ang bagal mo namang kumain. Laro na tayo." atat na atat mong sabi habang nakayuko ka at naglalaro nanaman.
"Hindi ka ba nagsasawa d'yan, Jett?"
"Bakit naman ako magsasawa? Dalian mo na d'yan."
Napaka-demanding mo talaga sa'kin. Nung una palang tayong nagkakilala, feeling close ka na sa'kin. Pa'no kasi nung natalo mo 'ko sa unang laro natin, inasar mo 'ko nang inasar. Inis na inis ako sa'yo no'n. Close ba tayo para asarin mo 'ko ng gano'n?
Pero wala e. Parang kahit naiinis na ako sa'yo, hindi ko magawang iwasan ka o layuan. Halos araw araw na rin kasi tayong magkasama kaya nakakasanayan ko na rin 'yung presensya mo at may iilang bagay din naman tayong napagkakasunduan. Mapang-asar ka kasi at aaminin kong minsan ang hilig ko ring manlait pag may nakita akong hindi ko nagustuhan. Sa'yo nalang ako nahawa ng pagiging alaskador. Isa nga lang siguro ang hindi natin mapagkasunduan, at 'yun ay ang Tap Tap Revenge. Pakiramdam ko talaga may cheats ka e kasi kahit kailan hindi kita natalo sa larong 'yon.
"Woooh! Natalo nanaman kita, Sherrie!" tumayo ka at nagtatalon sa tuwa. Sinimulan mo nanaman akong asar asarin.
"Pinagbigyan lang kita 'no."
"Sus. E 'di ang bait mo naman pala? Lagi mo 'kong pinagbibigyan."
O 'di ba, natalo mo nanaman ako.
Tinarayan nalang kita at sumandal sa inuupuan natin. Huminga ako ng malalim at napatingin sa malayo. Napa-isip ako, ano pa bang magandang laro? 'Yung matatalo kita.
Bumalik ka sa pagkaka-upo sa tabi ko at siniko mo 'ko, "Huy, anong iniisip mo d'yan?"
"Bagong laro."
"Bagong laro? Bakit, ayaw mo na ba nito?" pinakita mo sa'kin 'yung larong Tap Tap Revenge sa iTouch mo.
Umiling ako, "Nagsasawa na ako d'yan."