Manang

629 2 0
                                    

Chapter 1. Tete-A-Tete

Abril. 5:00 p.m.

Holy Friday. Mocha Blends.

Maraming tao….naguguluhan…kinakabahan..naghihintay.

Tulala..manhid…nanlalamig.

Dumating ang waiter  at iniabot ang menu. Buong ngiting tinanggihan ang waiter sabay tingin sa relo.

Alas singko na. Darating kaya siya? Kung bakit kasi nauna pa ako. Sabagay kung nahuli ako…Paano kung mas maaga siyang dumating at hindi tumuloy?

 Nasayang na naman ang pagkakataon. Nabasa kaya niya? Naintindihan kaya niya?

 Bigyan halaga kaya niya ? Ahh..sakit sa ulo.

Tik-tak.tik-tak. Patak ng pawis ‘di mapigilan sa bawat segundong lumilipas.

Naninigas..nanginginig…kinikilabutan.

Kalahating oras na lang. Ang ‘di mapigil na mabilis na tibok ng puso’y sa restroom inihinga. Naghugas ng kamay. Pinakalma ng malamig na tubig ang nagririgodong puso. Tumitig sa salamin na parang kinukumbinse ang sarili na kayanin ang mangyayari.

Kailangan nang matapos ang sampung taong kahibangan. Kailangan nang malaman ang kasagutan sa katanungang 3650 gabing pinag-isipan. Kailangan nang tapusing ang  5256000 minutong pag-aalinlangan.

Pinakawalan ang isang malalim na buntong-hininga. Sinuring mabuti ang ngipin sa pamamagitan ng maluwang na ngiti. Parang eroplanong papel na lumulutang sa hangin ang bawat paghakbang pabalik sa kinauupuan.’ Di alintana ang mabilis na galaw ng mga taong walang pakialam.

5:45 p.m. Bawat segundo, palakas ng palakas ang kabog ng dibdib. Ang mala-pangshampoo commercial na buhok animo’y titirik sa takot. Kalamna’y namimitig sa pag-aalaala.

Alas sais na ng hapon. Tumigil ang ikot ng mundo. Dila’y naumid. Animo’y estatwa sa warp zone. Parang agilang nasulyapan sa malayo ang target ng biktima. Namanhid bigla ang pusong  kanina’y animo’y binabagyo sa kaba.. Hindi makapag-isip. Hahakbang ba papalapit o tatakasan ang sandaling pinakakaasam-asam?

Ang kahandaang inipo’y sa isang iglap lamang ay parang cellphone na nawalan ng baterya. Tuliro ma’y agad kinapa ang damdamin. Andun pa ba ang kasabikan na siya’y makausap? Nais pa ba ng pusong marinig ang kasagutan? May lakas pa bang humingi ng paliwanag?

Ahh…pagod nang magtanong ang pusong laging nagugulumihanan. Sawa na ang pusong arukin ang mga mahiwagang pangitain. Buhul-buhol na ang mga paliwanag na wala namang katotohanan.

 Hindi na kayang pakawalan ang pagkakataong mawakasan ang pagdurusa ng puso sa pag-unawa ng mga bagay na kung sakali lamang. Ito na ang katotohanan. Nag-iimbita na ang liwanag. Humihikayat na harapin ang totoo at tanggapin anuman ang resulta.

Dahan-dahang siyang lumingon sa aking kinaroroonan. Ngumiti siya ngunit kaagad ding sumeryoso. Para akong robot na namagnetong lumabas ng restaurant. Para akong prinsesang naglalakad sa ulap sa gitna ng maraming tao na abala sa pag-aagawan sa bulaklak na nakasabit sa mga santo. Hindi alintana ang ingay ng malapit nang matapos na prusisyon.

Sa gitna ng kalsada’y tinig lang niya ang aking naririnig. Nang makalapit sa  kanyang kinatatayua’y agad siyang nagtanong ng “Bakit?’

Tandang-tanda ko pa kung paano ko tinipa sa keyboard ang mensaheng ‘yun. Walang kaplano-plano. Desperado. Ipinost ko sa bulletin.

6:00 pm. Holy Friday. Mocha Blends.

Para sa lahat ng kaibigan ngunit iisa lang ang ipinagdarasal kong makaunawa ng mensaheng ‘yun.

ManangTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon