SILIP

2K 11 0
                                    

Mga makasalanang mata

Nagmamatyag, nag-oobserba.

Hilig niya ang manilip

Minsan milagro ang nahahagip.


Ngunit isang araw,

Lagalag na kaluluwa

Nakakita ng hustisya

Dahil sa makasalanang mata.


 Ang kaluluwa'y si  Minda, marikit at maganda.

Kaya maraming Adan sa kanya'y humahanga.

At isa na riyan itong makasasala,

Ador ang ngalan yaring bata.


Itong batang tampok, ay batang gala. Pasaway at mahilig sumagap ng balita. At nang minsang mayaya ng mga batang kaedad na manilip ay malugod siyang sumama hanggang sa nakasanayan na niya. Nang lumaon, may kasama man o wala humahayo siya mag-isa at naghahanap ng masisilipan. Ulilang lubos na siya kaya kulang sa pangaral at aruga. Mainam nang di kumain, mabusog lang ang makasalanang paningin.

Itong batang gala ay may itinatangi, at iyon ay si Minda, dalagang maganda. Ang mura niyang isip ay napunan ng paghanga at ang bubot niyang puso ay napuno ng pag-ibig. Lihim niyang hinangaan dalaga ng kariktan. Kaya minsa'y naisipang subaybayan ang itinatangi ng bubot niyang puso. Nais niyang malaman kung saan ito nakatira at nang madalaw naman niya. Nakikini-kinita niya ang sarili bilang isang binata na pinagsisilbihan ang kanyang irog.

Habang daan at hinahagakan na ng dilim ang kalangitan ay napansin niyang may nakasunod sa kanyang dalagang liyag. Si Aurio! Isang binatang gahaman sa laman. Ito ang kadalasan niyang makitang kasiping ng kanyang mga sinisilipan. Di yata't ito'y may binabalak na kademonyohan. 

Ang batang gala ay nahintakutan sa kanyang nasaksihan sa talahiban. Kitang-kita niya kung paano hinablot ng ganid ang kanyang sinisinta. Kitang-kita niya kung paano niyurak ng hayop ang  puri ng kaawa-awang dalaga! Nagmakaawa ito at nagpumiglas ngunit wala iyong nagawa. Nasaksihan din niya ang karumaldumal na pagpaslang nito sa dalaga! Sinakal, binigti, pinukpok ng bato sa ulo ang walang kalaban-labang dalaga, habang may busal sa bibig at nakagapos pa. Lahat ng silakbo ng laman ng mga panahong iyon ay nahalinhan ng awa at takot. Awa para sa dalagang liyag at takot para sa sariling kaligtasan.

       Dali-dali niyang nilisan ang pook na iyon at nagpakalayu-layo. Ngunit konsensiya niya'y sadyang mapanggulo. Di siya makatulog sa gabi dahil lagi niyang napapanaginipan ang krimeng nasaksihan.

 Isang umaga nang mapagpasyahang limutin ang bangungot ng kahapon ay isang di inaasahang bagay ang nangyari. Habang si Ador ay nakatayo sa labas ng isang abandonadong bahay ay biglang bumukas ang pinto niyon at muntik na siyang mahimatay sa nakita. Si Minda! Ang kanyang sinisinta ay nakangiti at nakatunghay sa kanya! Ngunit maya-maya pa'y nagbago na ang anyo nito. Mayroon na itong malaking sugat sa ulo kung saan sumisigid ang dugo. Nangusap ito at sa kanya'y nagmakaawa.

" Tulungan mo ako... marami pa siyang bibiktimahing katulad ko. Marami pang inosenteng dangal ang mayuyurak habang tinatamasa ng ganid ang kanyang kalayaan..."

Iyon lamang at nawala na ito. Nang mga sandaling iyon ay may nabuong pagpapasya sa kanyang isipan.

***

Lingid sa kaalaman ni Ador ay inuusig na rin ng kanyang makamundong konsensiya si Aurio. Dahil sa bawat babaeng makakasalo niya sa kama ay si Minda ang kanyang nakikita. Ang dugong tumatagas sa ulo nito, ang nagsusumamo nitong anyo ang tumatambad sa kanya. Bigla na lang siyang sisigaw na animo'y nilukuban ng kaduwagan.

 " Tama na!!! Ayoko na!!! Tigilan mo na 'ko!" at siya ay hahangos ng takbo

 At isang gabi nga sa kanyang pag-uwi, bunsong kapatid niya'y tumatangis na yumakap sa kanya.

 " Kuya, pinagsamantalahan nila ko...tulungan mo ko."

 Noon lang niya napagtanto na ang kapatid na nananangis ay pumanaw na pala. Ang kapatid niya ay dumanas din ng kalupitan at kaapihan ng puri. At dahil sa hindi nito matanggap ang nangyari ay inutas nito ang sariling buhay. Ang kaawa-awa niyang kapatid na dapat sana'y may maganda pang kinabukasan ngayo'y inuusig na rin siya. Marahil ay nagkita na ito at si Minda sa kabilang-buhay at hiniling na siya ay konsensiyahin. 

Ang kasalanang kanyang pinasimulan, buhay ng kapatid niya ang naging kabayaran. Ngunit itong si Aurio ay may pusong bato, ni sa hinagap ay di siya susuko.

" Patawad kapatid ko...kanya-kanya ang kapalaran ng tao."

 Nang mga sumunod na araw ay may bagong dayo sa kanilang lugar. Maganda, seksi at  kapanta-pantasya. Siya ang magiging bagong biktima ni Auriong makasasala!

Lihim na minatyagan niya ang dalaga. Ang hindi niya alam ay minamatyagan na rin siya.

Isang takip-silim ay nagkaroon ng pagkakataon si Aurio na maisagawa ang maitim na balak. Para siyang asong ulol na tulo-laway sa pagbuntot sa kanyang bagong biktima. At kita mo nga naman ang swerte! Talagang inaayunan siya ng tadhana, dahil sa isang bakanteng lote nagtungo ang babae.

 "Sa wakas! Walang makakakita!" ang sa loob-loob niya.

"Miss, sinadya mong magtungo dito dahil alam mong sinusundan kita 'no? Gusto mo na ba makatikim? Ako din eh, sabik na! Sabay nating liparin ang langit!" ngising-asong wika niya sa nakatalikod na babae. Maya-maya pa'y humarap ito at ngumiti sa kanya.

" Ako ba ang kausap mo?"

" Ha? ahh!!! H-hindi! P-patay ka na! Pinatay na kita matapos kitang halayin!!!" hiyaw niya animo'y baliw nang makitang si Minda ang kaharap. Maya-maya pa ay...

" Kuya, bakit natatakot ka sa'kin? Tulungan mo ko... ginahasa nila ko." Nagbago ang tingin niya sa dalaga...naging kapatid niya.

"A-ana... patawad kapatid ko. Nagpakamatay ka dahil sa amin. Namatay ka dahil sa'kin. Isa ako sa humalay sa'yo. Patawarin mo ko..."

"Hayop ka talaga Aurio! Kahit sarili mong kapatid nagawa mong babuyin! Buhay ka pa sinusunog na ang kaluluwa mo sa impyerno!" si Minda na ulit ang kausap niya, galit na galit.

 "Kuya... bakit mo nagawa sa'kin 'to?" si Ana na ulit ang nakikita niya. Maya-maya pa'y naging si Minda na.

 "Ikaw! Bakit mo sinusulsulan ang kapatid ko?! Papatayin kita! Kung nagawa kitang patayin noon, magagawa ko ulit iyon ngayon!!!" pagkawika'y sinugod niya ang kausap nang  biglang may pumutok.

 "Aurio! Dinarakip ka naming sa salang panggagahasa at pagpatay kay Minda Esteban! Naatim mo pang gawan ng kahayupan pati sarili mong kapatid!" wika ng pulis na  lumitaw mula sa likuran. 

Tagumapay ang isinagawang entrapment operation sa tulong ng dalagang medium at syempre ni Ador. Siya ang nagbigay ng hint sa mga kapulisan tungkol sa krimen at kung papaano mahuhuli ang salarin. Kasalukuyang walang mala yang medium matapos siyang sapian ng dalawang biktima. Tila baliw naman si Aurio ng mga sandaling iyon.

" Bitiwan niyo ko! Wala akong kasalanan! Wala kayong ebidensya!" pagpupumiglas pa niya.

" Hindi pa ba sapat ang mga nakita't narinig namin?!"

" Hindi!!! Wala akong kasalanan!!!"

" May nakasaksi sa ginawa mong panghahalay at pagpatay kay Minda!" hindi na siya nakaimik at sumama na lang sa mga kinauukulan.

***

Makalipas ang ilang  araw, si Ador, ang batang dati'y ulila at makasasala, ngayon ay nakahanap na ng magkakalinga at mag-aaruga. Isa na siya ngayong batang may magandang kinabukasan sa piling ng bagong pamilyang nasumpungan. Siya ay kinupkop ng isa sa mga rumespondeng pulis na pinagkaitan ng anak. Sa ngayon ay namumuhay na siyang malayo sa bangungot na dulot ng kahapong masalimuot.

SILIPTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon