Iba ang hiwaga ng pag-ibig, iba ang aroma at iba ang lakas ng kapangyarihan. Parang isang unos na hindi mo aasahan, parang problemang kusang dumating at hindi mo mapipigilan. Hindi mo maipapaliwag. Hindi mo maiintindihan. Ang pag-ibig ay parang Diyos… walang imposible pero ‘yun ay kung maniniwala ka lang. ang mga tamad ay nagiging masipag, napapaghintay ang mainipin, ang mga mahina ay nagiging malakas, tumitino ang mga gago, gumaganda at gumagwapo at nagiging perpekto ang tingin sa mundo. Walang bawal sa pag-ibig, walang paniniwala, walang matanda o bata, walang may sakit o wala, walang pinipili, kahit saan, kahit sino at walang makakapigil kapag nakarating sa mundo ng pag-ibig… kapag tinamaan ka –wala na.
Tuwing oras ng klase natin nakatitig lang ako sa'yo. Oo nakatitig lang kapag nagsasalita ka, kapag nagtuturo ka. Tuwang-tuwa ako kapag pinapagalitan mo ako kasi tulala na naman ako. Napakarami mong larawan sa kwarto ko, ikaw rin ang wallpaper ko sa pipitsuging cellphone ko. Naalala ko noon. Oras ng klase mo, science ang asignaturang tinuturo mo at dahil tulala na naman ako tinawag mo ako para sagutin ang tanong mong "What are the parts of the heart? Explain." hindi ako nakasagot agad. Nakatingin lang ako sa'yo sabay sabing...
"Hindi ko alam, ang alam ko lang e ikaw lang ang laman nito." Tulalang sabi ko sabay turo sa puso ko.
Umingay ang buong klase. Nagalit ka. Nag walk-out. Hindi ko alam kung bakit ko nasabi 'yun. Sorry sir Joshua. Gabi-gabi akong tulala. Iniisip ka. Iniisip ko kung paano kung maging asawa kita? Paano kung magkagusto ka rin sa'kin? Paano kaya?!
Sinusubsob ko ang ulo ko sa unan tapos sisigaw ako. Malakas na malakas. Nangangarap na naman ako. Oo na hanggang tagahanga niya lang ako at hanggang doon lang 'yun. Naalala ko din nu'ng nagkukuwentuhan kami ng mga kaklase ko, sinabi kong may gusto ako sa'yo, na crush kita tapos... bigla kang dumaan huminto ka pa sa harap namin. Biglang tumahimik 'yung mga kaklase ko at sumenyas na nandiyan ka.
"Ah... ahm S-sir narinig mo?" Tanong ko sabay kamot sa ulo ko.
"Ha? na ano? na crush mo 'ko? Hindi ah, hindi ko narinig!"
Tumakbo na ako nu'n pauwi. Muntik na ako mamatay sa kahihiyan. Naalala ko rin nu'ng pumasok kang lasing sa klase. Kumakanta ka pa ng top of the world. Ang kyut kyut mo. Pinauwi mo na kami nang maaga tutal last subject ka naman. Ako ang huling lumabas ng class room. Lalabas na sana ako nang biglang hawakan mo ang kamay ko. Tinitigan mo ako. Pumagitan 'yung mga daliri mo sa mga daliri ko. Magkaholding hands tayo. Namula ako. Tumigil ang mundo ko. Napalunok. Napakanta ako sa isip ko ng "Sampung mga daliri nawala ang lima, hinanap ko hinanap ko hawak mo pala" agad akong tumakbo papalabas dahil natatakot ako na baka may makakita at baka gahasain mo ako. Kilig na kilig ako nu'n tapos alam m---
Napatigil sa pagbabasa sa lumang kwaderno nang kumatok ang asawa.
"Hon! Kakain na. Tama na 'yan, binabasa mo na naman 'yung note book ko nu'ng high school 'no?"
Isinara ni Joshua ang kwaderno at ibinalik sa dating pwesto nito sa aparador.
"Eto na hon."
Nakangiting lumabas ng kwarto si Joshua, sinalubong ng halik ang asawa.
"I love you."
-Wakas