Masama bang maging isang kabit?
Masama bang mahalin ang isang taong alam mong may nagmamay-ari na?
Mapipigilan mo ba ang puso mong tumibok para sa isang tao? Kesyo may hitsura o panget man yan, matalino o bobo, mayaman o mahirap, matangkad o pandak, mataba o payat, single o taken.
Masama bang magmahal ang mga tulad ko? Masama bang umasa na may pag-asa pa ang lihim na pagmamahalan namin?
Kahit ganito masaya naman ako sa sitwasyon ko, kasi alam ko kahit papaano nasusuklian ang pagmamahal ko sa kanya.
Sa mga pasimpleng tingin at ngiti niya sa akin tuwing magkasama sila, masaya na ako.
Sa mga palihim na pagkikita namin tuwing nag-iisa siya, kuntento na ako. Halos daigin pa nga namin ang BDO kung makapag “We Find Ways” eh.
Gaya nung isang linggo, sinamahan niya akong mamalengke sa kabilang bayan. Magkahawak kamay pa kami na naglilibot sa palengke, mangisay-ngisay na nga ako sa kilig nun eh buti na lang at hindi niya nahahalata. Niyaya niya pa akong kumain sa labas pagkatapos naming mamili at kung makapagsubuan pa kami nun, wagas parang wala ng bukas. Pero saglit lang ‘yon, dahil tumawag na ang kanyang misis at tinanong kung nasaan na daw kami.
Oo misis, may asawa na siya at oo alam ng misis niya na magkasama kami nung araw na ‘yon. Malaki ang tiwala ng misis niya sa amin, na wala kaming magiging relasyon dahil akala niya napakaimposible yun, pero wala eh marami talagang namamatay sa maling akala. Hirap ng sitwasyon ko noh? Sa lahat ba naman kasi ng pwedeng ibigin, yung may asawa na. Pero tanggap ko na, hindi ko naman kasi mapigil-pigilan ang damdamin ko.
Nung isang araw nag’date din kami sa isang mall dun ulit sa kabilang bayan pagkatapos niya akong samahan magbayad ng bill ng kuryente at tubig. Nanood kami ng sine, magkahawak kamay na naglilibot at kumain nanaman kami sa isang restaurant. Para nga kaming magsyota eh or rather parang kami ang mag-asawa. Palagi kaming doon sa kabilang bayan dahil walang nakakakilala sa amin, malaya naming magagawa ano man ang naisin naming gawin . Sulit na sulit na para sa akin ang mga ganung bagay, kahit saan pa kami magdate ayos lang basta makasama ko lang siya. Kahit sa imburnal pa ‘yan go na, basta ba solong-solo ko siya.