Hindi man sabihin ni Kim, alam niya sa sarili niya na may mali sa mga ginagawa niya. Wala siyang binabanggit sa mga magulang niya. Kahit sa mga kaibigan niya. Gulong – gulo na ang isip niya. Gusto niyang sumigaw ng malakas para maibuhos ang sakit na nararamdaman ngunit wala ding mangyayari. Mapapagod lang siya. Papagurin niya lamang ang kanyang sarili sa pag – akyat sa bubong ng kanilang bahay habang wala ang kanyang mga magulang at ang mga kapitbahay ay nasa kabilang barangay na masayang naglalaro ng majong. Nagdesisyon siyang maglakad – lakad na lang muna. Palakad – lakad siya sa kahabaan ng Luneta Park.
Sa ganitong sitwasyon ko siya nakita nang ako’y naggagala sa Luneta Park habang kumakain ng maanghang na siomai sa gitna ng tirik ng araw. Halata sa mukha niya na problemado siya. Para siyang binagsakan ng hinanakit at sama ng loob. Ibang-iba siya sa magandang Kim noon. Lalapitan ko na sana siya ng mapansin kong may lumapit na lalaki sa kanya. Hindi pamilyar ang mukha ng lalaki sa akin. Nakita kong nag – usap sila ng lalaki. Una, mahinahon lang. Kalaunan, ay parang asiwa na si Kim. Sinisigawan na niya ang lalaki at nagmamadaling umalis. Napansin kong lumingon si Kim bago tuluyang naglaho sa gitna ng maraming tao. Nang lingunin ko ang lalaki ay nawala na ito sa kanyang kinatatayuan kanina lamang. Hindi ko lubos maisip kung bakit ganito na lamang ang aking nais na malaman kung ano ang problema ni Kim. Parang may mabigat siya na dinadala ngayon. Pag-uwi ko sa bahay ay agad kong tinawagan si Kim, nagbabaka sakaling may maibabahagi siya sa akin. Malumanay ang kanyang boses habang kausap ko siya sa telepono. Ilang minuto na lamang ang nakalipas ay umiiyak na siya, maya-maya ay sumisinghot na. Sinabi niyang sa tamang panahon niya na lang daw sasabihin sa akin ang kanyang problema. Sumapit ang umaga at muli kaming nagkita ni Kim sa paaralan. Hindi siya makatingin sa akin ng deretso. Hinintay kong lapitan niya ako para sabihin sa akin ang kanyang problema. Ano pa’t naging magkaibigan kami. Inaantay ko din na kausapin niya ako. Hindi ako nagkamali. Nang magta-tanghalian na, lumapit sa akin si Kim at kinausap niya ako. Maga ang mata niya habang sinasalaysay sa akin ang mga pangyayari sa kanyang buhay nitong mga nakaraang buwan. Nagulat ako sa mga sinabi niya. Hindi ko lubos maisip na nagawa iyon ng nag – iisa kong best friend. Sa tinagal – tagal na naging mag best friend kami ngayon lang siya naglihim sa akin ng ganito. Ewan ko na lang kung ano ang mararamdaman ko para kay Kim, kung matutuwa ba ako o maaawa.
Matagal nang mag – on ang best friend kong si Josh at si Kim. Simula pa lang high school lagi na niyang kinukulit si Kim. Ako pa ang naging tulay para sa panliligaw niya. Simpleng tao lang naman siya. Kalog minsan, palabiro at maalalahanin. May isang bagay lang ang pangit sa ugali niya, ang pagiging playboy! Pero simula ng naging sila ni Kim, tumino ang mokong. Lagi na niya itong hinahatid – sundo sa bahay nila. Sabay silang pumupunta ng school at minsan pa nakita ko silang magkahawak – kamay habang naglalakad sa pasilyo ng paaralan. Simula noon, lagi nang nagkukwento sa akin si Josh tungkol sa pag – ibig niya para kay Kim. Lahat ng ambisyon niya, sinasabi niya. Siyempre dahil mag best friend kami, nagtiwala ako sa kanya. Lahat ng problema ko sinasabi ko sa kanya. Kahit problema sa pamilya o kaibigan.
Pero ngayon… nawala na ito. Sabihin man nating ang O.A pero iyon ang bagay na iniingatan ko. Sa mga panahong nagkakasama kami ni Josh lagi akong nagkukwento pero ‘di ko alam na may tinatago pala siyang sekreto na parang takot pa siyang mabulgar. Kaibigan ko din si Kim kaya masakit sa akin na malaman na ginalaw ni Josh ang babaeng alam kong may malinis na puso at may respeto sa kanyang dignidad. Sa lahat ng mga nangyari ‘di ko alam kung ano pa ba ang mararamdaman ko kay Josh. Ibabalik ko pa kaya ang tiwala ko sa best friend ko? Wala man lang ba siyang pagpapahalaga sa pagtitiwala ko sa kanya? Nagsinungaling siya sa akin… ang napakabait kong best friend binaboy ang kaibigan ko… magsisinungaling siya sa akin ng ganun?
Muli kaming nagkita ng magaling kong best friend. Hindi siya makatingin sa akin ng deretso. Iniwasan ko siya. Nasa classroom na ako ng hinawakan niya ang braso ko.