Text Mates

18 0 1
                                    

Ilang oras nang nakatunganga si Kamil na nawawalan na ng pag-asa. Daig ang gutom na nganga sa blangkong papel. Ang kaninang alas-siyete, ngayon ay alas-nuebe na.

Pasensya na kung napaka-hardworking niya, kaya pala wala pa siyang natatapos.

Walang maisip. Walang maisip. Wala akong maisip! Ayan na naman siya sa pagdadahilan niya. Nahiya pa siyang umamin sa katamaran niya.

Kung sana man lang ay magparamdam naman ang espirito ng mga ideya at walang halong kabobohan. Kung pwede man lang sumamba sa espiritong iyon—pero alam niyang walang espirito ng walang kabobohan.

Konting-konti na lang ay iuuntog na niya ang ulo sa mesa. Baka kasi lang naman kasi kung gagana—yung katulad sa remote?

Ilang buntong hininga ang ginawa nang biglang tumunog ang cellphone niya. Mabuti at nagawa pa niyang maabot ang cellphone at tingnan ang dahilan ng pagtunog. Isang text message. Isang text message lang.


Galing kay: numero
uy kamil go


Umirap siya sa nabasa at hiniga ulit ang ulo sa mesa. Pero napaungol siya sa inis nang tumunog ulit ang cellphone. . . nang tatlong beses. Napasimangot siya nang makita ang isang text message. Na naman.


Galing kay: numero
wag snob tulog ka pa ba?


Galing kay: numero
wag ka magalala kilala mo ako


Galing kay: numero
si danyel to :)


Nanlaki bigla ang mga mata ni Kamil nang nabasa niya ang huling mensahe galing raw kay Danyel. Tila kinurot siya kaya napabalikwas mula sa pagkakahiga sa mesa. Kahit nagtataka ay hindi niya maiwasang magulat. Bakit ito nagte-text sa kanya? Bakit sa alas-nuebe pa ng gabi? Ano bang pakay niya nito sa kanya? Bakit ba ang dami niyang tanong sa sarili? Inuntog na ata talaga niya ang sarili, nag-iilusyon na siya, eh.


Kay: numero
Hindi tayo magkaklase. Ano bang kailangan mo?


Oh my ghad, hindi ito ilusyon! Kung kanina ay naghihintay siya ng milagro para magkaroon ng ideya para sa formal theme, ngayon ay hinihintay na niya ang sagot sa mensahe ni Danyel.

At parang nakikisabay ang tadhana sa kanya. Ang swerte naman niya ata? Sa kanya pa dinapuan ng swerte; sa kanya na hindi man lang ginawa ang assignment?


Galing kay: numero
alam kong hindi pero


Galing kay: numero
kaya lang nahihiya akong sabihin


Hindi niya alam kung ano ang magiging reaksyon niya. Naguguluhan siya, sa ewan, sa hindi niya alam. Pero alam niyang sa sarili niya na nararamdaman niya ang kung anong kiliti sa sistema niya. Oo na, kinikilig siya, kahit wala pang sinasabi si Danyel.

Pake niyo ba? Eh, sa unang beses lang niya naranasan ang pagte-text sa kanya ng lalaking gusto niya. Hala, kung hindi pa obvious, crush niya si Danyel-Padilla? Hindi, noh! Si Danyel Jan Padilya—ito lang naman yung crush niya.


Kay: numero
Sabihin mo na lang kasi. Walang hiyaan dito, tayo-tayo lang naman ang nag-uusap.


Sinusubukan pa nga niyang pisilin ang kanyang pisngi at braso kung totoo nga ba o nakatulog lang siya dahil sa pagbagsak ng ulo sa mesa kanina. Pero ito siya ngayon, pinipilit na sabihin sa kanya kung ano man ang sasabihin ni Danyel.


Galing kay: numero
ah sige walang hiyaan ah?


Kay: numero
Walang hiyaan :)


Ang tanga niya, may emoticon pang nalalaman. Hindi ata uso ang emoji. Pero hindi niya maiwasang mapangiti dahil sa nangyayari. Kung bakit ay hindi niya alam, eh, nagtetext lang sa kanya yung tao!


Galing kay: numero
okay sige ahem


Galing kay: numero
kahit hindi mo man itatanong ay matagal ko na sanang sasabihin ito sa iyo


Galing kay: numero
pero nahihiya talaga ako pero basta para sayo oks ka sa akin


Kumalabog ang puso ni Kamil sa. . . kaba? O dahil sa iba pang dahilan? Bawat mensahe na binibigay sa kanya ng lalaki, hindi niya maiwasang kiligin—o higit na sa kilig. Ah, ewan.


Galing kay: numero
kahit tulog ka na ay magtatapat parin ako sayo kahit anong mangyari dahil ayokong mahuli ang lahat


Mas nagiging kabado siya sa maaari niyang masaksihan. Lalo na nang nagtipa siya. Baka naman kasi hindi na siya kinikilig?


Kay: numero
Ano ba kasi iyon?


Matagal sumagot si Danyel. At matagal na rin ang kaba sa dibdib ni Kamil.

At kung saan nahulog ang nararamdaman niya ay ganoon rin ang nangyari sa kanya pagkabasa ng reply ni Danyel.


Galing kay: numero
ano bang brand ng mga makeup products mo? gusto ko kasing subukin kung bagay ba sa akin :)


_________ ___ _ __

Ginawa ko lang 'tong one shot kasi may pinagawa sa amin dati (noong 1st year ata ako. ewan) na kailangan magsulat ng short story(?) or something close to that. Ngayon ko lang gustong i-publish sa gitna pa talaga ng quarantine. Sorry nga pala kung masyado itong random!

Adios!

Text MatesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon