Ang Alamat ng Pulang Rosas

2.3K 42 9
                                    

Sa lugar ng mga puso, naninirahan ng mapayapa ang dalawang magagandang dalagita na nagngangalang Rosa at Althea. Sa mundong kanilang kinagagalawan, pagmamahal ng dalawang tao ang pangarap ng lahat ng babae. Iisa lang ang kinatatakutan nila. Ang maging mag-isa habangbuhay.

Si Kupido, ang diyos ng mga puso ang nagdedesisyon sa pagpapares ng dalawang tao. Tinitingala siya ng mga taga bayan sapagkat nakasalalay sa kaniya ang kanilang tadhana. At sa kauna-unahang pagkakataon, isang pagkakamali ang nagawa ni Kupido. Gamit ang kanyang pana, napako niya ang tadhana ni Rosa at Althea sa iisang lalake. Kay Hector.

Ginawa ng dalawang babae ang lahat para silay mapansin ni Hector ngunit hindi maiiwasan na may mangingibabaw. Si Althea. Siya ang minahal ni Hector. Siya ang pinili ni Hector. Napuno ng galit ang puso ni Rosa. Hindi niya matanggap-tangap na pinili ni Hector si Althea.

Kumuha ng lakas ng loob si Rosa upang maki-usap sa Diyos ng mga puso. Kay Kupido.

"Diyos ng mga puso! Akoy nagmamakaawa. Isang katanungan lang at sanay bigyan niyo ito ng kasagutan!" Giit ni Rosa sa harap ng templo ni Kupido.

"Paano ko maibibigay ang kasiyahan ng lalaking aking iniibig?"
Naluluhang tanong ng dalagita.

"Sakripisyo. Sa salitang pagmamahalan palaging nakabuntot ang sakripisyo. Hindi ito maiiwasan ng kahit sinong nagmamahal. Para mabuo ang pagmamahal ng dalawang tao, kailangan magsakripisyo ng isa." Kasagutan ni Kupido na hindi malaman kung saan nagsasalita.

"Salamat sa iyong kasagutan Diyos ng mga puso. Ako ay mauuna na." Giit ni Rosa at tuluyang lumisan.

Pinagninilayan ni Rosa ang isinagot sa kanya ni Kupido. Pursigido na siyang mapa-ibig si Hector at upang gawin iyon, kailangang magsakripisyo ni Althea. Oo, ito ang naisip niyang paraan ng pagsakripisyo ng isa. Hindi ako pwedeng maiwan mag-isa. Alam kong mamahalin at mamahalin rin ako ni Hector pag wala na si Althea. Nasa isipan niya.

Lumipas ang mga araw at nakapag plano na si Rosa. Una niyang pinuntahan ang Diyosa ng pagmamahal. Si Aphrodite

"Diyosa ng pagmamahal! Akoy nakikiusap sa inyo. Tulungan niyo ako! Paano ko paiibigin si Hector sa akin? Paano ko mapapantayan si Althea sa kanyang puso?" Nagmamakaawang sambat ni Rosa sa harap ng templo ni Aphrodite.

"Gamitin mo ito. Sa oras na-" Naputol si Aphrodite ng nagpakita si Kupido.

"Huwag mama. Hayaan mong ako ang umasikaso sa pagkakamaling nagawa ko." Giit ni Kupido. Namangha si Rosa sa itsura ng Diyos ng mga puso. Hindi pa siya nakakita ng ganitong mukha. Napaisip siya na talang nababagay sa kanya ang maging Diyos ng mga puso.

"Rosa sumunod ka." Pagsasalita ni Kupido.

Walang nagawa si Rosa kundi ang sumunod. Nang papalakbay na sila napansin ni Rosa na papunta sila sa bahay ni Althea. Medyo nabahala siya.

"Diyos ng mga puso, kung maitatanong ko lang. Bakit tayo papunta sa bahay ni Althea?" Tanong ni Rosa.

"Dahil nandoon silang dalawa. Maghintay ka nalang." Sagot ni Kupido.

Nang mapadpad sila sa bahay ni Althea, nakita ni Rosa kung pano nagmamahalan ang dalawa. Nakaramdam siya ng kirot sa puso. Iniisip niyang ang sakit tignan na masaya ang mahal mo sa piling ng iba.

Pinagtipon tipon ni Kupido ang tatlong umiibig. Si Rosa, Althea at si Hector.

"Pagkat kasalanan ko ang mga pangyayari ngayon, nais kong ayusin ito. Hector, sa iyo nakasalalay ang buhay ng dalawang babae na narito. Gamit ang gintong punyal na ito, saksakin mo kung sino sa tingin mo ang hindi mo kayang mahalin. Saksakin mo ang babaeng sa tingin mo ay kayang mong mawala sa iyong buhay." Saad ni Kupido habang inilalahad kay Hector ang dala niyang gintong punyal.

Nakaramdam si Hector ng kaba at takot. Maaaring mahal niya si Althea ngunit hindi niya kayang saksakin ang isang babaeng walang ginawa kundi mahalin siya.

Napatingin si Hector sa dalawang babae. At napagtanto niya kung sino sa dalawa ang talagang minamahal at mamahalin niya.

Walang alinlangang lumakad si Hector patungo sa babaeng ngayon ay lumuluha. Para to sa aming dalawa. Para maging masaya kami. Mahal ko siya. Mahal na mahal. Iyan ang nasa isip niya. At sa isang iglap, sinaksak niya ang babaeng nanghihina.
.
.
.
.
Sinaksak niya si Rosa.

Mahal na mahal niya si Althea at lahat ay kaya niyang gawin para sa ikabubuti nito.

"Pagkat yan ang desisyon mo Hector, sanay maging maligaya kayong dalawa." Giit ni Kupido habang lumalakad patungo sa bangkay ni Rosa.

"Patawarin mo akot hindi ko naibigay sayo ang iyong kaligayahan, ngunit bibigyan kita ng gantimpala sapagkat sa huling mga segundo ng iyong buhay ay minahal mo parin ang taong tatapos sayo. Nakita ko sa iyong mga mata ang pagmamahal na hindi mapapantayan ng kahit sino man. At narinig ko ang mga sinabi mong, 'Maging maligaya ka Hector'."

May binuhos si Kupido sa bangkay ni Rosa at nawala ito na parang bula ngunit makalipas ang isang minuto may tumubong pulang bulaklak rito. Napakagandang pulang bulaklak.
Ang pulang taglay nito ay parang sinasalamin ang hinanakit ni Rosa at ang pagmamahal na taglay niya para sa isang lalake.

Kinalaunan, tinawag ito ng mga taga bayan na Rosas. Bilang sagisag ng paghanga ng mga taga bayan sa pagmamahal ni Rosa.

Ang Alamat Ng Pulang RosasTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon