Pintuan

1.1K 21 6
                                    

Disclaimer: Hindi ko pag-aari ang Shingeki No Kyojin. May pagka-yaoi nga rin pala 'to :D

Unang araw ko noon bilang opisyal na miyembro ng Survey Corps. Bukod kay Levi Heichou ay ramdam ko ang malamig na pakikitungo sa akin ng aking mga kasamahan sa Special Operations Squad. Hindi ko sila masisisi kung hindi nila ako agad-agad na pagkatiwalaan, sa totoo lang mula nang madiskubre ko ang kakayahang ito ay nagsimula na rin ako na hindi pagkatiwalaan ang aking sarili. Hindi ako sigurado kung hanggang saan ko kayang kontrolin ang aking kakayahan, kadalasan ay wala ako sa tamang pag-iisip kapag ako ay nagiging isang titan. Ang pinakamasakit pa ay nagawa kong saktan si Mikasa habang ako ay isang titan, na hindi naman lingid sa kaalaman ng aking mga kasamahan sa squad. Marahil ay iniisip nila na kung nagawa ko ngang saktan ang aking kaibigan, sila pa kaya na kakikilala ko pa lang?

Lulan ng kabayo, tahimik na binagtas ng aming grupo ang isang masukal na kagubatan. Ayon sa mga sabi-sabi, ang kagubatang ito ay pinamamahayan ng mga ligaw na kaluluwa ng mga namayapang sundalo. Sa tingin ko ay pawang haka-haka lang ang mga iyon dahil mukhang wala namang nagpaparamdam sa amin. O marahil, kahit ang mga kaluluwa ng mga namayapa ay natatakot magparamdam sa pinakamalakas na sundalo ng sangkatauhan.

Ako ang nauuna sa aming grupo. Pinauna nila ako para mabantayan daw nila ang aking bawat kilos. Ramdam ko, kahit na hindi ko nakikita, ang talas ng bawat tingin na ibinibigay nila sa akin.

Matapos ang halos isang oras na pagbagtas sa kagubatan ay narating namin ang isang lumang kastilyo.

Ang kastilyo ay matayog na nakatayo sa gitna ng kagubatan, malayo sa pader at sa bayan samakatwid, nakahiwalay sa kabihasnan - perpektong lugar na paglagyan para sa isang taong itinuturing na banta na kagaya ko. Sinasabing ang kastilyong ito ang dating himpilan ng Survey Corps noong mga panahong ang tingin sa kanila ng mga tao ay isang walang pakinabang na grupo, na sila ay mga sundalo na nagsasayang lang ng buwis na kanilang ibinabayad sa gobyerno. Nagbago ang pagtinging ito limang taon na ang nakakalipas nang isang 60 metrong titan ang bumutas sa Wall Maria na nagbunsod sa pagkamatay ng halos lahat ng residente rito kabilang na ang aking ina. Dahil sa ang Survey Corps ang grupo na pinakanalantad sa mga titan gawa ng kanilang mga ekspedisyon sa labas ng pader at nasa grupo ring ito ang mga pinakamagagaling pumatay ng titan, nagbago ang tingin ng mga tao sa kanila. Ang dating mga itinuturing na mga walang kwenta ay biglang naging mga bayani. Inilipat ang kanilang himpilan sa bayan at itinaas ang kanilang taunang badyet.

Hindi ito nagustuhan ng ibang grupo, lalo na ng Military Police. Ang Military Police ang pinakatinitingalang grupo dati ng mga sundalo dahil sa ang pinakamagagaling lang na cadet ang pwedeng umanib sa grupo. Sila rin dati ang nakakakuha ng pinakamataas na taunang badyet. Matapos ang pag-atake ng mga titan sa Wall Maria ay unti-unting namulat ang mata ng mga tao sa kung gaano hindi maaasahan ang Military Police sa oras na lumusob ang mga titan. Unti-unti ring nakita ng mga tao ang mga katiwalian na nangyayari sa loob ng Military Police- pagsusugal, pagbebenta ng mga armas, paglalasing, at pambababae. Dahil dito, ang dating mga tinitingalang sundalo ay naging mga salot na lang ng lipunan. Isinisisi ng Military Police ang lahat ng naging kamalasan nila sa Survey Corps, marahil ay dahil sa inggit.

Lalong umalab ang galit ng Military Police sa Survey Corps noong natalo sila na pagkalooban ng aking kustodiya. Inaakala nilang makakabawi na sila sa Survey Corps sa oras na mapasakamay nila ako. Iniisip kasi nila na kapag nagtagumpay ang Survey Corps sa pagbawi ng Wall Maria gamit ang aking kakayahan ay lalong babango ang pangalan ng Survey Corps sa mga tao at sila ay tuluyan nang matatabunan. Oo, mas iniisip nila ang sarili nilang pangalan kaysa sa ikabubuti ng sangkatauhan.

Bumalik tayo ulit sa kastilyo. Halos napapaligiran na ng matataas na damo ang kastilyo, marami ring baging na gumagapang paitaas sa pader nito. May mga lumot na ring namumuo sa bawat kanto ng kastilyo. Sa loob naman ay di maipagkakailang matagal na nga talaga itong hindi nagagamit dahil sa nababalot ng alikabok ang bawat sulok nito. Tila pinamahayan na rin ng iba't ibang insekto ang kastilyo dahil sa mga sapot ng gagamba sa paligid, may mangilan-ngilan ding alupihan at ipis na malayang nagtatakbuhan sa sahig at pader ng kastilyo. Dahil sa nakapanlulumong sitwasyon ng kastilyo, inatasan kami ni Levi Heichou na linisin muna ito bago gamitin.

Ang Lagusan (Shingeki No Kyojin)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon