Nakilala ko siya sa panahon ng tag-ulan.
Kung saan binabaha ang mga kalsada't
ang mga estero'y lumiligwak.
Wala siyang dala-dalang payong.
Ngunit mariin ang pagtanggi niya
na sa akin ay makisukob.
Nakiusap ako na huwag siyang magpaulan.
Mahal magkasakit.
Ngunit tila walang maririnig
patuloy siyang magtatampisaw
sa bahang hinaluan
ng ulan,
putik, basura
ihi ng daga.
Nakatayo siyang hindi natitinag
sa ingay ng kulog
at hiwa ng kidlat.
Habang hindi maawat-awat ang tubig
na umaagos sa kanyang mukha
na hindi sa langit
kundi sa kanyang mga mata
nagmumula.
Tuloy-tuloy sa pagdaloy
sa kanyang naninikip na dibdib
at makikisalamuha
sa hindi umaagos na baha.