Ang Daya
by: inosenteKuno
Mga maliliit na pangyayaring tinutusok ang puso ko, pero kung pagsasamahin,
malaki na pala ang sugat na nililikha nito.
x x x
Humingi ako kay mama ng P50 para sa project ko. Bago nya ako bigyan, inulanan muna ako ng mga tanong. Bakit daw may project? Anong klaseng project? Di ko pa nga nasasagot ang mga tanong nya, ayun dada na sya ng dada. Dumadagdag daw ako sa mga gastusin kahit 3rd year high school pa lang ako.
Pero nung humingi ang bunso kong kapatid ng P50, walang tanong tanong... binigyan nya agad.
Ang daya.
Kung alam lang ni mama, gagastusin lang yun ng kapatid ko sa pagdodota.
Umalis ako ng bahay para bumili ng pagkain sa tindahan. Ginutom kasi ako bigla. Pagdating ko sa tindahan binati ko si manong na busy sa pagsusukli. Humarap sya sa akin at tumango. Kasunod kong dumating yung kapitbahay kong maganda.
Pagkatapos magsukli ni manong humarap sya sa akin, tas kay ganda, tas sa akin ulit.. Pero sa bandang huli si ganda pa rin ang inuna nya.
Ang daya.
Hello?? Nauna kaya ako. Porket maganda sya, di na ako ang inuna..
Kinagabihan, dumating si papa galing sa trabaho nya. Pagkatapos nyang nagbihis, sinabi ko sa kanya na Engineering ang kukunin kong kurso kapag magkokolehiyo na ako. Ngiti-ngiti pa ako nung sinabi ko yun.
Pero nangunot ang noo ni papa at halos magtagpo na ang kilay nya. Bigla nya akong minura. Put*ngina ko daw. Dapat 2 years course lang daw ang kukunin ko dahil mahina daw utak ko. Hindi daw ako katulad ni ate na honor student. Sayang lang daw ang perang gagastusin nya.
Ang daya.
Mga matatalino lang ba ang may karapatang kumuha ng magagandang kurso? Malay natin di ba na kaya ko rin yun. Di ko pa nga sinusubukan, tapos ganun agad ang sinabi ni papa.
Wala akong magawa kundi ang pumasok sa kwarto at magmukmok.
Kinabukasan, may pasok na ako. Lunes na kasi. Binigyan ako ni mama ng baon. P45 lang habang kay ate at sa bunso kong kapatid ay tig P50 sila.
Ang daya.
Kulang nang limang piso. Hindi na lang ako nagreklamo. Hinayaan ko na lang. Baka kinulang lang talaga si mama.
Sa classroom.
Matapos ang madugo naming klase sa Math, lumapit ako sa kaklase kong babae para magpaturo sa lesson namin. Di ko kasi na-gets. Ang sabi nya, mamaya na lang daw dahil busy pa sya. So, naghintay ako.
Pero nung lapitan sya ng kaklase naming gwapo at mayaman para magpaturo din, agad nya tong tinuruan. Inabutan din kasi sya nang pera.
Napapikit ako at napabuntong hininga ng malalim na malalim.
Ang daya.
Dahil ba wala akong mabigay kaya di nya ko maturuan?
Isinubsob ko na lang ang ulo ko sa desk. Tapos biglang ay naamoy ako na mabaho kaya inangat ko ang ulo ko. Tiningnan ko ang mga kaklase ko. Makikita sa mga mukha nila na nababahuan din sila.
Biglang sumigaw yung kaklase naming mataba. Ako daw ang umutot dahil ang tahimik ko daw. Pagkatapos nagtawanan sila.
Ang daya.
Di naman talaga ako ang umutot. Napahiya pa ako. Hahayaan ko na lang sila. Tutal natutuwa naman sila.
Sige, tawa lang kayo ahh.
Lumabas ako nang classroom. Recess na kasi. Habang naglalakad ako. Binangga ako ng isang lalaki, yung president ng SSG. Sumigaw sya at dinuro ako. Hindi daw ako tumitingin sa dinadaanan ko. Kainis. Gusto ko syang sapakin! Sya nga itong bumangga sa akin tapos sya pa 'tong galit. Akala ko mabait sya, di naman pala.
May teacher na lumapit sa amin at pinaalis nya yung lalaki kaya ako na lang ang kaharap nya.
Pinagalitan nya ako kahit di nya alam yung nangyari.
Ang daya.
Pinagsabihan nya akong maingay. Tsk. Ang saklap ko naman. Ni hindi nga ako sumigaw eh.
Pagkatapos nun, di na ako tumuloy sa canteen. Nakakawalang gana.
Bakit ba laging ganito?
Ako lagi ang nagpaparaya.
Ako lagi ang umiintindi.
Ako lagi ang pinapagalitan.
Ako lagi amg minumura.
Ako lagi ang pinagkakatuwaan.
Minsan, naiisip kong walang nagmamahal sa akin. Wala nga akong kaibigan eh. Saklap! Ang sakit kahit paulit-ulit na itong nangyayari. Wala na ngang luhang pumapatak mula sa mga mata ko.
Ano ba ang maling nagawa ko?
Ang daya-daya nilang lahat.
x x x
©inosenteKuno2013