Hilaga

1.8K 77 47
                                    

Pitong taon.

Pitong taon, apat na buwan, at siyam na araw kung eksakto nating bibilangin.

Sa loob ng pitong taon na 'yan natin binuo, winasak, at binuo muli ang ating pagsasamahan.

Aaminin ko, hindi naging madali sa atin ang mga bagay, naging mapanghusga ang mga tao, itinakwil tayo ng pamilya mo, at kahit ikaw mismo ay hindi mo lubusang natanggap ang sarili mo.

Nanay mo, tatay mo, aso mo, pati mga kapitbahay mo nakisali narin sa pangungutya satin. Lahat halos ay pinilit tayong sirain, ngunit di tayo nagpatalo— sa halip ay mas pinaglaban natin ang ating pag-iibigan.

Nakakatawa man isipin pero sa tingin ko, ang relasyon natin ang tinutukoy nilang sa katagang "you and me against the world". May salitang "against" man, ang importante ay mayroong "you and me".

Ganon tayo katibay.

Ganon tayo katatag.

Naranasan natin lahat ng paghihirap sa buhay, nakitira tayo sa kung sino sinong mga kaibigan, umabot tayo sa puntong ultimo barya ay nagsilbing ginto satin. Bawat piso tinitipid natin upang magkaroon ng pamasahe sa paghahanap ng trabaho.

Ikaw na sanay sa lahat ng ginhawa sa buhay ay walang naging permanenteng trabaho, kesyo masungit ang boss mo, maliit, panot, masyadong gwapo, madumi ang kuko, at kung ano ano pa. Marami kang napakababaw na dahilan pero naiintindihan ko dahil alam kong sanay ka sa karangyaan.

Alam kong nahihirapan ka, kaya naman ako nalang ang nag desisyong mag hanap buhay, tinanggap ko ang trabaho sa isang maliit na call center kahit na wala iyon sa linya ng kursong tinapos ko. Ang sweldo ko sapat na kung pansarili ko lang, pero kulang kung para sa ating dalawa, lalo na't ultimo bigas mo gusto mo dinurado pa, shampoo mo yung mamahaling organic pa.

Napagpasyahan natin na sa bahay ka nalang mamamalagi, parang "housewife" ba, sisiguraduhin ko na may mapapakain ako sa'yo at sisiguraduhin mo naman na may mainit na pagkain na nakahain sakin pagdating ko galing sa trabaho— kahit na alam kong hindi ka marunong magluto, kahit na alam kong hotdog at itlog lang ang kaya mong lutuin.

Mahirap, nakakapagod, pero kailangan kong tiisin pagkat ako'y nangako sa'yo na bibigyan kita ng maayos na buhay, ngunit sa kabila ng lahat, tignan mo, nandito parin tayo at magkasamang hinaharap ang bawat problemang dumadating sa atin.

Sa tagal ng panahon na iyon ay hindi lamang puro paghihirap ang dumating satin. Ikaw, bilang likas na masiyahin at positibo ang pananaw sa buhay ay naniniwalang sa likod ng ulap ay may nagniningning na bahagi— isa sa mga katangian mo na minahal ko ng lubusan. Tumagal tayo ng ganito dahil sa kabila ng problema, nalilimutan natin ang lahat tuwing tayo ay magkasama. Tila wala na tayong pakialam kung isang kahig isang tuka tayo, ang importante ay magkasama tayo, nagmamahalan tayo.

Kabisadong kabisado ko na ang bawat kasuluksulukan ng pagkatao mo. Alam kong gutom ka kapag nakahalukipkip ka, alam kong pagod at antok ka na kapag naiirita ka sa tunog ng boses ko, alam kong nagpipigil ka ng galit kapag tinatanggal mo ang tuyong balat sa gilid ng kuko mo hanggang mag dugo— sinasaktan mo ang sarili mo kaysa masaktan ako ng matahas mong pananalita.

Kahit na nakapikit pa ako, alam na alam ko ang bawat kurba ng katawan mo, ang tinig ng boses mo, ang amoy ng buhok mo.

Isang tingin mo lang alam ko agad na ang ibig mong sabihin ay gusto mong halikan kita— o higit pa. Alam kong ang bawat tingin mo ay may kahulugan, bawat salitang lumalabas sa labi mo ay alam kong pawang katotohanan lamang.

Ganyan kita kakilala kaya naman laking gulat ko ng isang araw ay tawagin mo akong "babe."

Babe.

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Aug 07, 2016 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

Anything GoesWhere stories live. Discover now