Forever

32 1 0
                                    


Minsan nakilala ko si FOREVER at ang mga sumunod na araw ay di na naging katulad ng dati. Ngumingiti ka tuwing naaalala mo siya. Di ka mapakali tuwing nakikita mo siyang papalapit. Paepal ka mapansin ka lang. Lumalim nang lumalim ang lahat hanggang sa nakaya kong sabihing "Mahal kita."

"Mahal din kita." yan ang salitang halos yumanig sa mundo ko. Gusto kong tumalon sa saya. Niyakap kita. At pinangakong aalagaan ka't mamahalin. Tumagal tayo. Lumalim ang lahat hanggang sa nagbunga ang pagmamahalan nating iyon. Yun si ORAS.

Naging masaya tayong tatlo. Lahat ng bagay ay ating pinagsaluhan. Hagigik. Hagulgol. Saya. Lungkot. Malamig na gabi. Mainit na umaga. Maaalat na kape dahil sa asin. Matamis na ampalaya dahil sa asukal. Lahat binuo nating tatlo. Pinagdaanan natin ang lahat. Tumagal. Hanggang sa kinausap na natin si BUKAS upang tulungan tayong magplano para kay KINABUKASAN, ang sanggol na nasa sinapupunan ng aking mahal na asawa.

Alam namin ni FOREVER na kami na. Na wala ng makakatibag sa amin. Ngunit sa kung anong dahilan may mga bagay na nangyari.

Dumating ang aking ina na si RESPONSIBILIDAD na may sakit. Kailangan namin ni ORAS na alalayan siya pansamantala. Hindi sumama si FOREVER dahil hindi niya rin kayang iwan ang kanyang ina na si PANGARAP na may iniinda ring karamdaman. Inintindi namin ang bawat isa. Kailangan.

Humanap din ako ng pagkakakitaan at doon ako napasok kay Sir WORK. Si ina at Sir WORK ay tuwang tuwa sa aming anak na si ORAS kung kaya't halos sa kanila ito namamalagi. Ang natitirang panahon ang siyang ibinibigay namin sa aking asawa. Bumabawi kami sa kanya lalo na ako kahit nais na nang katawan ko ng pahinga. Ayaw kong pabayaan ang aking mag-ina. Ngunit may mga pagkakataon na kahit anong gawin mo, di mo sila kayang pagsabayin.

Nagsimula na ang pagtatalo sa aming dalawa. Bakit daw wala na kaming panahon ni ORAS na magkasama-samang tatlo. Nagpaliwanang ako. Ipinaintindi ko sa kanya ang lahat. Inayos ko. Ngunit hindi pa pa rin pala sapat.

Dinugo si FOREVER and muntik ng malaglag ang aming anak na si KINABUKASAN. Nagpasya na akong mag-file ng leave kay Sir WORK at maluwag naman niya itong tinanggap.

"Kung anong makakabuti para sa iyo, doon ako. Ingatan mo sila" aniya sa akin kasunod ng ngiti. Ganoon din ang sinabi ni ina. Kaya naman daw nila ni ama ang lahat. Ang mahalagay maalagaan ko ang aking mag-ina. Lubos akong nagpasalamat sa kanila at dali dali kaming pumunta ni ORAS kay FOREVER.

Kaagad naming pinuntahan si FOREVER. Sinama ko rin ang alaga naming aso na si EFFORT na lubos niyang kinasasaya tuwing nakikita niya. Sinalubong niya kami ng ngiti kasunod ng yakap. Akala ko okey na. Akala ko sapat na. Ngunit hindi pa din.

Nandoon kami ngunit animoy wala kami para sa kanya. Pinaparamdam niyang ramdam niya kami ngunit alam kong may mali. Nagtulong kaming tatlo, ako, si ORAS, at si EFFORT upang maibalik kung anuman ang mayroon kami noon. Umasa kami na maayos pa rin namin ang lahat. Ngunit di nagtagal nangyari na ang lubos naming kinatatakutan.

Nakunan si FOREVER. Wala na si KINABUKASAN. Kasunod ng aming pagluluksa ay ang unti-unting pagbalot ng yelo sa katawan ng aking asawa. Ginawa namin ang lahat upang matunaw pa ito, ngunit nabigo lamang kami.

Humingi ako ng tulong sa aking mga kapatid. Si LOVE at CARE. Kaming lima ang siyang walang sawang tumutunaw sa yelong bumalot sa aking asawa. Araw-araw kaming umaasa na magbabalik ang FOREVER na aming minahal. Isang araw, unti-unti nang natunaw ang yelong bumabalot sa kanya. Lubos kaming natuwa sa aming nakita. Sa wakas gising na siya. Dagliaan namin siyang niyakap ngunit laking gulat namin ng itinulak niya kaming palayo.

"Sino kayo? " aniya sa amin. Sinimulan kong isalaysay sa kanya lahat ngunit wala itong alam sa kung ano man ang sinasabi ko. Nagsimula ng umiyak si ORAS ngunit nanatiling kumakawag ang buntot ni EFFORT. Sinundan niya ito, binantayan at pilit na pinakilala ang sarili. Lahat kami ay nanatiling umaasa na pansamantala lang ang lahat. Ngunit hindi ko alam. Hindi ko na alam ang mga nangyayari. Kung bakit nangyayari ang lahat.

Isang araw ay lumapit sa akin si EFFORT na iika ika at puno ng galos. Mga galos mula kay FOREVER. Palo, tadyak, iilan lamang yan sa dinanas niya mula sa kamay ng aking asawa. O sa babaeng kamukha ng aking asawa. Tuluyan nang nanghina si EFFORT. Tuluyan na niya kaming iniwan.

Napuno na rin ng galit sina LOVE at CARE para Kay FOREVER. hindi lamang dahil sa ginawa niya kay EFFORT kundi sa harap-harapan niyang pakikipaglandian sa ibang lalaki. Ngunit hindi ako naniwala sa mga sinabi nila. Sumunod silang umalis noon pagkatapos.

Naiwan kaming dalawa ni ORAS kasama si FOREVER. Pinilit ko. Kahit tinataboy na ako. Hindi ako tumigil. Hanggang isang araw ay niyakap na lamang ako ng aking anak habang tinatangkang lapitan ang kanyang ina. Umiiyak ito.

"Hindi na siya si Mama. Tama na Papa. " aniya.

Napaluhod ako. Hinang hina. Di ko alam. Wala akong alam kung ano bang nangyari at naging ganito ang lahat. Hindi ko alam ang dahilan. Gulong gulo na ako. Isang yakap pa ang naramdaman ko mula sa aking likuran. Si ina. Kasunod nito ang isang kamay na pumatong sa kaliwa kong balikat. Si Sir WORK.

Kita ko si FOREVER na unti-unting lumalayo sa amin. Palayo ng palayo hanggang sa di ko na siya makita. Tama si ORAS. Hindi na siya ang aking asawa.

Bumangon ako sa tulong nila. Silang mga natira sa akin. Wala ng LOVE. Wala ng CARE. Wala ng EFFORT. Nag-iba rin ako. Hindi na niya ako kilala. Hindi ko na siya kilala. Hindi na kami magkilala. At hindi na mababalik kung sino kami dati.

A Short StoryWhere stories live. Discover now