Ilang taon na kitang nakasama. Hindi ko na nga mabilang ang mga pagkakataong magkasama tayo.
Kapag umiiyak ka, nandito ako sa tabi mo. Kapag masaya ka, nandito pa rin ako, sumusuporta sa iyo.
Simula pagkabata ay magkakilala na tayo. Katuwang kita sa lahat ng bagay. Palagi tayong nagkakaintindihan, kahit minsan di maiiwasan ang away.
Magkasama tayo ng ilang oras kada araw. Pupunta ka sa amin, at dadalaw naman ako sa inyo. Kadalasan ay naglalaro tayo ng bahay-bahayan. Ako ang nanay at ikaw ang tatay.
Magkatabi pa nga tayong natutulog. Sobra pa siguro pag binilang ko kung ilang beses na akong nahulog sa kama. Naaalala ko pa ngang hindi ka nakakatulog kapag hindi ka nakadagan sa akin. Nakakatuwa ngang isipin na nagpupunasan pa tayo ng laway at nagkukuhanan ng muta sa mata.
Kahit na nagbibinata ka na at nagdadalaga na ako, wala pa rin tayong ilangan. Nasaksihan ko kung paano ka nahubog bilang isang binata. Marunong ka ng mag ayos at magaling ka ng pumorma.
Nasa likod mo lang ako noon, nagmamasid sa mga pinaggagawa mo. Ligaw dito, ligaw doon. Alam kong mga bata pa lang tayo at hindi pa pwedeng pumasok sa mga ganyang relasyon dahil nag aaral pa lamang tayo, pero hindi ka nagpatinag. Imbis na umayos ay lalo ka pang lumalala. Hindi na tayo nagkikita madalas at umabot pa nga sa puntong nawalan ka na ng oras sa akin. Nagiging madalas na ang pag uwi mo sa gabi at minsan ay may mga pasa ka pa sa mukha.
Unti-unti ka ng lumayo. Hindi mo na ako kinakausap at dinadaanan mo na lang ako na parang hangin na hindi mo nakikita.
Isang araw, nang ako'y nakauwi ng maaga, nadatnan kita sa labas ng bahay namin. Nakatungo at mugtong mugto ang mata.
Kinausap mo ako at nalaman kong nasaktan ka. Napag alaman mong niloko ka ng girlfriend mo at ipinagpalit ka.
Iyak ka ng iyak nun. Sinabi mong ayaw mo ng maranasan iyon ulit.
Bumalik ka sa dating ikaw. Pinagbutihan mo na ulit ang pag aaral mo. Nagkaroon ka na ulit ng oras sa akin. Bumalik tayo sa dating gawi.
Pero nagulat na lang ako nang bigla mo na lang ipinakilala ang bago mong girlfriend. Alam kong sobrang masaya ka. At sabi mo pa ngang iba siya.
Naiwan na naman ako.
Miss na nga kita. Naalala ko pa ngang pati sa pag iyak ay kasabay kita. Palagi ka ngang may dalang tissue sa loob ng bag mo pag nanonood tayo ng mga pelikula. Lalong lalo na ang mga sweet flicks.
Natatandaan ko pa ngang nangako tayong magiging ganyan din ang lovestory natin. At kung sakali, ay hihigit pa.
Ikaw ang knight in cotton Pj's ko noon. Paborito mo kasi yang suot. Kahit nga sa school ay suot mo sa ilalim ng uniporme.
Galit na galit ka kapag may umaaway sa akin. Mataba kasi ako noon. Ako yung palaging pinagdidiskitahan at binubully.
Pero ni minsan, hindi ka napagod at nang iwan.
Palagi mo nga akong kinakantyaw, ginagaya mo pa sila ng pabiro, porke't mataba ako at payat ka. Pero alam kong mahal mo ako. Hindi ka papayag na masaktan ako.
Pero ang daya mo.
Sobra.
Siguro, ang saya mo ngayon. Kitang kita ko sa mga mata mo ang hindi maipaliwanag na kasiyahan.
Ngiting-ngiti kang nakatingin sa akin. Wari'y di makapaniwala na sa wakas ay nagawa mo na.
Hindi ko maiwasang hindi mapansin ang takas na luhang tumutulo mula sa iyong mga mata. Siguro nga ay masayang masaya ka na.
Patuloy pa rin ang paglalakad ko patungo sa direksyon mo, kahit ako'y kinakabahan na rin. Hindi ko maipaliwanag ang halo-halong emosyong nararamdaman ko ngayon.
Mas hinigpitan ko pa ang pagkakahawak ko sa braso ng aking katabi.
Malapit na. Malapit na kitang marating.
Nakita ko kung paano ka ngumiti ng malapad sa kanya.
Gaya noon, lagpas pa rin sa akin ang tingin mo. Kung akala ko'y sa akin ka lang nakatingin, nagkamali pala ako. Dahil sa likod ko, may inaabangan ka na palang iba.
Akala ko ba hihigitan pa natin ang lahat ng lovestory sa mga pelikula? Ba't sayo lang? Paano yung sa akin?
I guess ours is just temporary and not like the movies, at all.