Haunted

573 26 3
                                    

                   “Mom, someone’s following me on the hallway.”

           Nilingon ni Hilly ang anim na taong gulang na anak niyang babae. Sa hula niya ay nanggaling ito sa kuwarto nito. “Baka guni-guni mo lang naman iyon, Fatima.” Sa edad nito ay marami  na itong ka-weirdo’hang kinukuwento sa kanya. Mas nadagdagan pa iyon nang lumipat sila sa bagong bahay nila. “You go and sleep,” tumayo siya at ginawaran ito ng marahang halik sa noo. Ginulo pa niya ang buhok nito.

            “But there’s a kid on my bathroom.”

            “Fatima, it’s not funny, okay? There’s nobody here but us.” Magi-ising linggo pa lamang sila sa bahay na iyon. Lumipat sila dahil sa hindi na mabilang na death threats na natatanggap niya araw-araw dahil may nakabanggaan siyang isang malaking pulitiko. Hindi naman kasi iyon maiiwasan sa linya ng trabaho niya, isa siyang abogada. Inayos niya ang salamin sa mata, “sige ka, kapag hindi ka tumigil, baka magalit si Daddy.”

            “Nakatayo si Daddy sa door, ayaw siyang papasukin ng bad girl,” itinuro pa nito ang nakasarang pintuan nila.

            Nanghilakbot siya sa narinig. Apat na taon nang patay ang asawa niya dahil sa pananambang dito ng mga hindi kilalang kalalakihan. Ang hinuha niya ay ang mga taong may galit sa kanya ang may gawa niyon. Magmula noon ay siya na mag-isa ang nagpalaki kay Fatima. Mabait naman itong bata kahit na bata pa nang mawalan ng ama. Wala nga lang itong masyadong kaibigan dahil sa ‘weirdo’ daw ito gaya na lang din ng paglalarawan dito ng dati nilang kapitbahay. “Hindi na talaga magandang biro iyan, Fatima. In your room, now,” bahagyang tinaasan niya ang boses niya para matakot ito sa kanya. Nakayuko naman itong sumunod sa kanya.

            Habang pinagmamasdan ang anak na paakyat sa hagdan ay parang may humawak sa leeg niya. Pinanindigan siya ng balahibo dahil doon ngunit iwinaglit na lamang niya iyon. Umupo ulit siya sa sofa at ipinatong ang laptop sa binti niya. May kaso pa siyang dapat pag-aralan. Hanggang ngayon ay hindi pa rin siya naniniwala sa mga sinasabi ni Fatima. Bukod sa bata pa ito ay hindi siya naniniwala sa mga multo o kahit na ano pang kababalaghan iyan. Moderno na ang panahon ngayon at matagal nang nailibing sa limot ang mga makalumang bagay na iyon gaya ng pangkukulam, sanib, kapre, at kung anu-ano pa. Mabuti na rin sigurong huwag niyang sakyan ang mga kalokohang sinasabi ng anak para paglaki nito ay hindi na nito gumawa ng kung anu-anong kuwento.

            Makalipas ang kalahating oras ng pagkakayuko sa laptop niya ay nakaramdam na siya ng pagkangawit. Ipinahinga niya ang leeg sa headrest ng sofa at ipinikit ang mga mata. Tinanggal niya ang suot niyang salamin at minasahe ang pagitan ng mga mata niya. Magmula nang lumipat sila roon ay wala na siyang sapat na tulog. Hindi pa siguro siya sanay sa paligid.

            Nangunot ang noo niya nang parang may maamoy na mabangong bulaklak kasabay ng malamyos na pag-awit ng isang batang babae. Pinakiramdaman niya ang paligid nang hindi nagmumulat ng mga mata. Alam niyang hindi iyon si Fatima. Kilala niya ang tinig ng anak. Palapit nang palapit ang awit. Palakas ng palakas. Nang hindi makatiis ay nagmulat siya ng mga mata para lamang magulat dahil nakita niya ang isang batang babae. Malabo ang rehistro ng mukha nito sa paningin niya, duguan ang kalahati ng ulo nito ngunit nakangiti pa rin ito at patuloy lamang sa pag-awit. Naging nakakatakot ang awit nito sa kanyang pandinig. Halos hindi siya makagalaw nang makitang iniaabot nito ang palad sa kanya. Papalapit ito ng papalapit sa kanya habang hindi naman humahakbang ang mga paa nito.

            “Mama,” sa pagitan ng pag-awit ay nasambit nito. “Mama…”

            “Hindi!” kusang lumabas ang sigaw sa bibig niya at napabalikwas ng bangon. Napamura pa siya nang maramdaman ang sakit sa paa niya dulot ng naibagsak na laptop pero imbes na daluhan iyo ay iniikot niya ang mata sa paligid. Walang bata. Walang mabangong amoy. Walang umaawit. Panaginip lang ang lahat. At ngayon ay basag na ang screen ng laptop niya sa biglaang pagtayo niya.

HauntedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon