NOVEMBER 9, 2013
Ang okasyon ng pagdarasal ng mga ito ay ang araw ng kamatayan ng ina ni Marita, suminding kusa iyong kandila…
Likas na relihiyoso ang pamilya Fuentes. Sina Marita at Narding ay hindi nakalilimot na paalalahanan ang tatlong mga anak na magdasal sa lahat ng sandali.
“Ang dasal ang pinakamalakas na sandata laban sa kasamaan at sa panganib.”
Iyon ang madalas na sabihin ng mag-asawa sa mga anak na sina Jane, Laila at Milet. Kaya naman nakalakihan ng mga ito ang palagiang pagdarasal. Pagsapit ng orasyon o ika-anim ng gabi ay sabay- sabay silang nagdarasal sa harap ng kanilang altar.
Sa tuwing araw ng Linggo ay nagsisimba rin ang buong pamilya. Idagdag pa ang ilang mga okasyon na mayroong misa sa simbahan. Iyon ang paraan ng mag-asawa upang lumaki ang tatlong anak na may takot at pananalig sa Diyos.
Isang hapon ay nag-utos na si Marita sa mga anak. Wala noon ang asawa nitong si Narding dahil nasa trabaho pa.
“Magsindi na kayo ng kandila sa altar. Magdarasal na tayo.”
Si Laila ang gumawa ng inuutos ng ina. Dalawang kandila ang sinindihan nito at itinulos sa harap ng altar.
Pagkuwa’y nagsiluhod na ang mag-iina sa harapan ng altar at sinimulang magdasal sapamumuno ni Jane.
Ang okasyon ng pagdarasal ng mga ito ay ang araw ng kamatayan ng ina ni Marita, na lola ng magkakapatid. Taun-taon, sa tuwing sasapit ang araw ng kamatayan ng kanilang lola ay ipinagdarasal nila ito. Ganoon din ang iba pang kaarawan ng kamatayan ng iba pa nilang kaanak.
Matapos ang pagdarasal ay pinatay na ni Milet ang kandila sa altar.
“Milet, ikaw na lang ang hindi pa natututo hanggang ngayon ng pamumuno ng dasal sa kaluluwa. Aba’y kailan mo pa ba ito matututuhan ha?”
Ang bunsong si Milet kasi ay mahirap makatanda. Kahit pa may booklet ng binabasa sa pagdarasal ay hindi nito magawang matandaan ang pagkakasunud-sunod ng mga dasal. Ang dalawa niyang kapatid ay sanay ng mamuno.
“E, kasi naman, ‘Nay, ubod ng haba ang mga dasal saka…”
“Puro ka reklamo. Bakit iyong mga usong kanta marinig mo nga lang kabisado mo na agad. Naku! Baka kapag ako ang namatay ni hindi mo ako magawang ipagdasal ha?”
‘”Nay naman!”
“Kaya ko kayo gustong matuto, para’pagtanda ninyo ay maipagdasal n’yo man lang ang mga kaluluwa ng kaanak ninyo. Pag-aralan mo ang mamuno sa pagdarasal,”
“Opo.”
Hindi naman nabigo si Marita sa bunsong anak. Natutuhan din ni Milet ang pagdarasal patungkol sa mga kaluluwa sa purgatoryo.
Hanggang magsilaki, magsitanda at nagkaroon na ng sari-sariling pamilya ay nakagawian ng magkakapatid ang pagdarasal. Bagay na itinuro rin ng mga ito sa kanilang mga naging anak.
Isang hapon na kauuwi lang ni Milet mula sa opisina ay nadatnan na nito ang dalawang anak sa bahay. Nanonood ng tv ang mga ito. Agad na humalik sa ina ang dalawa.
“Ang Daddy n’yo wala pa ba?”
“Wala pa ho,” sagot ng isa nitong anak.
“Nakasaing ka na ba, Sheena?”
“Opo, ‘My.”
“Magbibihis muna ‘ko. Hintayin na natin ang Daddy n’yo saka tayo kumain.”
Umakyat sa itaas ng bahay si Milet upang magpalit ng damit pambahay. Nagtaka ito sa nakita bago sapitin ang kanilang silid.
Sindido ang dalawang kandila sa kanilang altar. Ang altar ay madadaanan bago marating ang silid ng mag-asawa.
Hinipan ni Milet ang sindi ng kandila at saka lang nagtuloy sa silid. Pagbaba ng bahay ay sinita nito ang dalawang anak.
“Sino ang nagsindi sa inyo ng kandila sa altar? Tapos iniwan? Paano kung magkasunog?”
“Hindi ako,’My.”
“Aba hindi rin ako.”
“Alangan namang suminding kusa iyong kandila ro’n. Kayo talaga napakahirap paaminin kapag may ginawang kasalanan. Huwag n’yo na ulit gagawin ‘yon. Kapag nasunugan tayo, sa kalsada tayo dadamputin.”
“Talaga namang hindi ako ang…”
“Lalo naman ako…”
“Huwag na kayong magtalo. Basta huwag na itong mauulit. Maghahain na ‘ko.. .parating na tiyak ang Daddy n’yo.”
Naglalagay na ng mga pinggan sa mesa si Milet nang mapatingin ito sa kalendaryong nakasabit sa likod ng backdoor.
“21 ? Abeinte uno nga pala ngayon at… Hesusmaryosep!”
Napaantandang krus si Milet. Nagmamadali itong pumasok sa salas kung nasaan ang mga anak.
“Naku, mga anak. May nakalimutan tayo. Kamatayan nga pala ngayon ng Lola Marita ninyo.”
“Ay oo nga, ‘My. 21 ngayon. Hindi pa tayo nagdadasal.”
“Magdadasal tayo ngayon. Patayin n’yo na ‘yang tv at umakyat na tayo sa itaas.”
Muling sinindihan ni Milet ang mga kandila sa altar. Ito ang namuno ng dasal. Nang makatapos ay agad nag-text si Milet. Una nitong pinadalhan ng text message ang kapatid na si Laila. Sumunod si Jane. Ipinaalala niya sa dalawa ang araw na iyon, ang araw ng kamatayan ng kanilang ina.
Agad namang nag-reply sina Laila at Jane. Hindi raw nakalimutan ng mga ito ang kamatayan ng ina at sa katunayan ay tapos na raw magdasal ang mga ito para sa kaluluwa ng kanilang ina.
Hindi na inamin pa ni Milet na nakalimot siya sa okasyon. Noon din lamang napagtagni ni Milet ang sindidong kandila sa altar.
Marahil nga ay nagsasabi ng totoo ang dalawa niyang mga anak. Wala sa mga ito ang nag sindi ng kandila. Marahil, ang kanyang ina mismo ang nagsindi nito upang magbigay paalala sa kanya dahil minsan pa niyang nalimutang ipagdasal ang kaluluwa nito.
Nangako si Milet sa sarili at sa ina na hindi na nito muling kalilimutan pa ang okasyong iyon. Na palagi niyang ipagdarasal ang kaluluwa ng ina sa araw ng kamatayan nito.
“‘Nay, hindi kaya… si Lola Marita ang nagsindi ng…”
“Tumigil ka d’yan. Naipagdasal na nga natin siya, hindi ba? Nahuli nga lang. Bumaba na tayo at nang makakain na.”
Noon nila narinig ang pagtawag ng asawa ni Milet. Dumating na ito. Nagpatiuna nang bumaba ang magkapatid. Hinipan muna ni Milet ang sindi ng kandila saka muling nag-antanda ng krus.
Sorry talaga, ‘Nay. Ito na ang huling pagkalimot ko. Pangako.
Wakas
BINABASA MO ANG
KANDILA (SHORT STORY)
Mystery / ThrillerANG KUWENTONG ITO AY DI GAANONG NAKAKATAKOT, MEDYO NAKAKAKILABOT, MAY ARAL NA MAPUPULOT. PLS LEAVE YOUR COMMENT. TNX ENJOY READING!!!