Pangarap ay Naabot

58 0 0
                                    

Isa akong mag-aaral NOON. Katulad mo. Nakatapos na ako ng kolehiyo. Kabilang na ako ngayon sa mga nagtatrabaho, mga Propesyunal kung tawagin. Naalala ko noong bata pa ako, pinangarap ko maging guro. Simula daycare. Paano ba naman, sa unang pasok mo sa paaralan hindi ba't sila ang una mong makikita? Ang guro. Kaya sila yung una mong iidolohin.


Ngunit nagbago ang lahat. Nang maka-gradweyt na ako sa daycare, nagbago din ang pangarap ko. May laruan ako noon pang-doktor. Yung stethoscope ko eh metal pa nga. Parang totoo talaga. Kaya matapos noon, ginusto ko maging doktor paglaki.





Akala ko iyon na iyon talaga. Pero habang lumilipas ang araw, buwan, at taon patuloy rin nagbabago ang pangarap ko.





Hanggang sa nagkolehiyo ako. Sa unang pagkakataon, kinuha ko ang kursong Information Technology, in-demand eh. Pero sa loob ng isang taon, nalaman kong hindi ito ang kursong para sa akin. At ayon na nga, nagdesisyon akong lumipat sa ibang kurso. 'Yung kursong gusto ko at matatapos ko. Bago pa man ako sumabak sa kolehiyo, alam ko na ang gusto kong kurso. Pero iba ang sitwasyon ko sa ibang kasabayan ko. Noon sa tatay ko, kapag may gusto kang kursong kuhanin kailangan alam mo na anong trabaho ang mayroon ka. Dahil kung hindi, hindi ka niya papayagan.





Nang matapos akong mag-isip ng isang taon, naglakas-loob na akong magsabi sa tatay ko. Sa kanya kasi manggagaling ang pinal na desisyon. Nasa abroad ang tatay ko kaya sa e-mail ako nagsabi. Hindi naman ako binigo ng tatay ko. Nabasa niya ang e-mail ko. Pinag-usapan namin ng masinsinan ang lahat. Ipinaliwanag ko sa kanya. At ang katapusan?






Pinayagan akong lumipat ng ibang kurso. 'Yung kursong gustong gusto ko noon pa man.






Kumuha ako ng Kursong Sikolohiya. Pinagpatuloy ko ang pag-aaral ko. Kumpara sa kursong Information Technology, ayon natutuwa ako at mahal na mahal ko ang kurso ko.


Dumating na ang huling taon sa kolehiyo, sa bawat klase maririnig na ang tanong ng mga propesor namin. "Anong field mo 'pag nakagradweyt ka na?" Yan ang tanong nila. Mayroon ilang nagtaas ng kamay sa mga kamag-aral ko. Ngunit hindi ako kaisa doon. Nagugulumihanan pa ako. Saan nga ba ako 'pag nakagradweyt na? Sa pagtuturo? Sa medical? O sa kompanya?












Hindi ko masagot ang tanong na iyon.









Hanggang sa nakapag-OJT na ako. Doon ko nalaman kung saang field ako. Bawat field nasubukan ko. Masaya naman sa Mental Hospital 'wag ka lang magkakadiperensiya sa pag-iisip. Masarap sa pakiramdam na ikaw 'yung nagpapatest sa mga pasyente. Okay din naman sa kompanya, kaya lang paulit-ulit. Kompyuter pa ang madalas kaharap. Medyo nakakapagod. Sa paaralan? Hmmm... Kakaibang-kakaiba higit sa naunang dalawa. Pinagpala akong sa isang pampublikong paaralan ako nakapag-OJT. Ibang-iba ang karanasan ko! Hindi kailanman mahihigitan. Naranasan ko pang maging supervisor ang mismong Guidance Counselor nila noon.


Doon pa lang alam ko nang sa isang paaralan ang gusto kong field. Walang duda!






Sa unang pagkakataon matapos kong makapagtapos ay sa isang paaralan ako inilagay ng Panginoon. May kalayuan sa bahay pero ayos lang. Masaya ako dahil ang Diyos mismo ang naglagay sa akin doon.


Pero hindi ako nakapagtrabaho bilang isang guro. Ibang posisyon pa rin. At least konektado sa bata. Naging masaya rin ako. Kung iisipin mo, training ground  ko na iyon para sa pangarap ko.





Hanggang sa kinailangan matapos ang lahat...


Lumipas ang ilang buwan matapos kong mag-resign sa trabaho. Matagal. Matagal akong walang trabaho. Para maabot ang pangarap ko, kailangan kong kumuha ng units sa Teaching. Nakipag-usap ako sa mga magulang ko.


Papalapit na ang Hunyo, panahon ng pag-eenroll. Hindi ako binigo ng mga magulang ko, sinuportahan nila ako. Kaya bago pa maging huli ang lahat, nag-enroll ako. Balik-eskwela para sa pangarap! Noon ko lang naramdaman ang nag-aalab na damdamin para abutin ang pangarap.


Tumagal ako ng apat na buwan sa paaralan. Buti na lang at sikolohiya ang kurso ko, kaunting units lang ang kailangan ko para idagdag. Sabi ko noon sa sarili ko, "Pagkatapos ko ng semestreng ito, mag-aapply na ko sa mga eskwelahan."





Iyon ang plano ko. Iyon ang gusto kong mangyari.





Pero hindi pa panahon.


Bago pa man tuluyang matapos ang pag-aaral kong muli, nag-apply ako sa isang kompanya. Oo, kompanya. Hindi paaralan. Dahil na rin ito sa naging pag-uusap namin nang nanay ko.


Ang pag-uusap:

Nanay: "Nak, HIRING sa *insert company name*, subukan mo doon.

Anak: "Gusto ko na sanang magturo Nay."

Nanay: "May iba ka pa namang aasikasuhin. Doon ka muna. Para makapag-ipon ka din."

Anak: "Pag-iisipan ko po..."


At ayon nga, sinubukan ko. Natanggap naman ako agad. Kaya nagtagal ako sa kompanyang iyon. Hindi pa man ako nakakatuntong sa pangarap ko, sige lang. Tiwala ako sa Panginoon sa lahat ng nangyayari sa buhay ko.


Sa pagtagal ko doon, nalaman ko na kung bakit doon ako inilagay ng Panginoon matapos sa una kong trabaho. Pati ang mga taong nakasama ko doon. Iba sila! Kakaiba! Dahil punung-puno ang mga tao sa kompanyang iyon ng presensya ng Diyos!


Hindi ako masyado nagtagal doon. Tinapos ko lamang ang kontrata ko. Gusto ko iyon trabaho ko pero hindi iyon ang pangarap ko. Ayokong mauwi sa wala ang lahat ng paghihirap at pagsisikap namin ng mga magulang ko.





Kaya matapos ang isang buwan, nakahanap na ako ng pangatlong trabaho ko.





Ang matagal ko nang pangarap na maging trabaho. Ang maging GURO.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Oct 22, 2016 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Teacher's DiaryTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon