Ni Camille De Los Reyes, Kadeteng Pangkalawakan
Upang lubos na maunawaan ang mga naging kalaban nila, nararapat na usisain natin ang pinagmulan mismo ng mga Pulis Pangkalawakan. Makikita natin, batay sa pananaliksik ng ilang mga historyador, na ang maaaring may kinalaman ang pagsilang ng Imperyo ng Fuschia sa mga lumikha mismo sa mga Pulis Pangkalawakan.
Ang mga Amaranth
Hinihinala ng mga historyador at mga siyentipiko natin na ang mga AMARANTH ang pinakamatandang alien race sa buong sanlibutan. Maaari din, ngunit hindi tayo tiyak, na sila rin ang pinakaunang mga nilalang.
Wala nang nakaaalam kung buhay pa sila o kung saan ang kanilang planeta. Ang natitira na lamang na patunay ng kanilang pag-iral ay ang tatlong mahiwagang baluti (armor) na kanilang pinanday gamit ang kanilang teknolohiyang mas advanced pa sa pinaka high-tech na teknolohiyang mayroon o maaaring magkaroon tayo sa loob ng susunod na 100 taon.
Gumawa ng tatlong baluti ang mga Amaranth upang isuot ng tatlong piniling mandirigma na magtatanggol sa sanlibutan mula sa kasamaan ng mga FUSCHIA, na pinamumunuan ni PAPI LEY-AR na gustong sumakop sa buong Universe.
Isa sa mga baluting pinanday ay tinawag na XANDER--halaw sa pangalan ng pinakaunang alien na nagsuot nito. Kaya hanggang ngayon, kilala ang nagsusuot nito na Xander kahit na ang kasalukuyang nagsusuot nito ay si Alexis San Gabriel.
Ang mga Amaranth daw ang pinakamatalinong mga nilalang sa Universe. Ngunit hindi sila malalakas na nilalang. Sila'y maliliit, may kalakihan ang mga ulo, at may kakayahang lumipad at mag-telekinesis. Ang balat nila ay kulay Amaranth o isang shade ng lila o purple. Malaki ang mga mata ngunit iisa lamang ang kulay--berde. Manipis ang mga labi at makitid ang mga ilong.
Ang Fuschia
Hindi kasing tanda ng mga Amaranth ang mga Fuschia ngunit ayon sa mga alamat, ilang milyong lightyears pa ang lumipas bago pa sila isinilang. Hanggang ngayon ay kumakalap pa ng mga pira-pirasong ebidensiya ang mga Historyador na Pangkalawakan tungkol sa mga Fuschia.
Walang iisang hitsura ang mga Fuschia. Kaya't hinihinala din ng isang historyador na ang mga Fuschia ay hindi talaga isang lahi kundi mga produkto ng eksperimentasyon sa genetics ng isa pang mas naunang alien race (Rodriguez, 3035). Mayroon din namang nagpanukala na ang mga Fuschia ay produkto mismo ng mga pag-eeksperimento ng mga Amaranth (Concepcion, 3065). Ayon sa historyador na si Luis Concepcion, may mga ebidensiya, bagamat hindi pa kumpleto, na nagmumungkahi na ang pananakop ng Imperyong Fuschia ay nag-ugat sa isang rebolusyon ng mga nilalang sa laboratoryo ng mga Amaranth. Hinihinala niyang ang kalupitan ng mga Fuschia ay dulot ng pagnanais nitong maghiganti sa mga Amaranth, bukod sa kagustuhan nitong pagharian ang buong kalawakan.
Si Papi Ley-Ar
Si Papi Ley-Ar ang huli at pinakamahabang naging pinuno ng Imperyo ng Fuschia. May dalawang naratibong nagtatalo tungkol sa pinagmulan ni Papi Ley-Ar. Ayon sa teorya ni Rodriguez, si Papi ay ang unang biological na anak ng dalawang Fuschia (sapagkat lahat sila, ayon sa teorya, ay genetically engineered) sa loob ng laboratoryo ng hindi pa niya nakikilalang alien race. Sabi pa ni Rodriguez, maaari daw na si Papi ang dahilan kung bakit nag-aklas na lumaya ang mga Fuschia, dahil nais ng mga magulang nito na mamuhay ito sa labas ng laboratoryo at bilang isang normal na nilalang.
Ayon naman sa naratibo ni Concepcion, si Papi ay ipinanganak matapos ang pag-aaklas bilang unang supling sa planeta ng mga Fuschia. Si Papi ang naging sagisag ng matagumpay na paglaya ng mga Fuschia mula sa mga laboratoryo ng mga Amaranth.
Magkaiba man ang ugat ng parehong naratibo, nagkakasundo sila pareho na si Papi ang unang biological na supling ng mga Fuschia. At simula nang sila'y manakop ng mga daigdig sa sanlibutan, wala pang nakukuhang ebidensiya kung nagpatuloy ang lahi nilang magsupling sa ganitong paraan.