Mabilis na mga hakbang ang kanyang ginawa upang makarating sa kanyang pinapasukan na unibersidad. Kahit direktang tumatama sa kanyang sunog na balat ang sinag ng haring-araw ay hindi niya ito iniinda, bagkus ay patuloy lamang siya sa kanyang paglalakad patungo sa kanyang destinasyon. Ang lugar kung saan maari niyang matupad ang pangarap nilang mag-ama para sa kanya.
Katulad ng karamihan, ang kagustuhan na makaalpas sa kahirapan. Makatakas sa mundong puno nang hirap at pangungutya. Lugar na nagdidikta ng iyong antas sa lipunan.
Isang criminology student si Dario sa pamantasan na kaniyang pinapasukan. Huling taon niya na lamang sa kolehiyo at magiging isang ganap na siyang Pulis. Mula pagkabata ay pangarap niya na talagang maging isang alagad ng batas. Sinikap niyang maging iskolar at makapag-aral ng buong-husay.
Mabilis na tumakbo ang oras at ngayon ay saktong uwian na nila Dario. Sumaglit muna siya sa organisasyon na kanyang kinabibilangan at matapos ang kanilang pagpupulong ay dumiretso na siya sa kanyang pinapasukang trabaho.
Isang karendirya, di-kalayuan sa kanyang pinapasukan na Unibersidad ay nagsisilbi siya sa mga kustomer at ang sweldo na kanyang nakukuha mula sa kanyang paghahanap-buhay ay siyang pinangtutustos niya sa kanyang araw-araw na gastusin.
Iba't-ibang uri ng tao ang kanyang pinagsisilbihan sa bawat araw na dumaraan. Nariyan ang mga estudyante na suki ng tindahan, mga drayber ng mga pampublikong sasakyan at mga simpleng mamamayan.
Kahit gaano kahirap ang buhay para sa binata ay hindi niya kailanman naisip na sumuko at ipagsawalang bahala na lamang ang kanyang pag-aaral at ituon na lamang ang buong oras sa kanyang pagtatrabaho. Hindi ganoon mag-isip ang binata. Nais niyang maging Pulis. Katulad nang kanyang yumaong Ama. Nang kanyang Idolo simula bata pa.
Alas-dies y media na ng siya ay lumabas sa kanyang pinagtatrabahuan. Kalat na ang dilim sa buong kalangitan at kakaunti na lamang ang mga tao sa kapaligiran. Mga Pulis na nagpapanatili nang katahimikan at kapayapaan ang ngayo'y nagroronda sa lugar.
Lumapad ang ngiti sa maaliwalas na mukha ng binata matapos maisip na ilang buwan mula ngayon ay magiging isa na siyang Pulis. Katulad ng mga taong labis niyang hinahangaan at iginagalang.
Pagdating niya sa bahay ng kanyang Tiyuhin ay naabutan na naman niya itong lasing. Nagmano muna siya rito bago dumiretso sa kanyang maliit na kwarto na kurtina lamang ang naghihiwalay mula sa kusina nang pinagtagpi-tagping bahay. Sandaling nagbihis ng pambahay na damit at saka humiga sa kama na yari mula sa kawayan. Hindi naman nagtagal ay tuluyan nang nilamon ng antok ang buong sistema ng binata.
Malakas na boses ang gumising sa kanyang pagkakahimbing. Narinig niya ang boses ng kanyang tiyuhin at ibang di-pamilyar na tinig na tila may pinagtatalunan. Sandaling naalarma si Dario kaya nama'y minabuti niyang tumayo mula sa kinahihigaan. Kaagad siyang lumabas sa silid at hinawi ang kurtina na nakaharang sa kanyang daraanan. Habang papalapit ay mas lalo niyang naririnig nang malinaw ang pinag-uusapan ng kanyang tiyuhin at ng mga bisita nito.
"S-susuko na ho ako sir." Nanginginig na sambit ng kanyang tiyuhin sa limang armadong kalalakihan na nakapwesto sa kanilang sala.
Napahinto ang binata sa pangyayaring nasaksihan. Nanlambot ang mga tuhod na baka ilang sandali ay biglang maiputok ng lalaki ang hawak nitong baril. Dala nang pagkabigla ay huli na upang makapagpaliwanag ang binata. Limang magkakasunod na putok ng baril ang umalingawngaw sa katahimikan ng gabi. Direktang tumama ito sa katawan ng kanyang tiyuhin na naging sanhi upang bumagsak ito sa sahig. Umaagos man ang dugo sa katawan nito ay hindi siya nagdalawang isip na lapitan ito. Tuliro man ang utak sa di-malaman na dahilan ay tiningala niya ang lalaking bumaril sa kanyang tiyuhin.
"B-bakit niyo---" hindi pa natatapos ang nais sabihin ni Dario ay nagsalita na ang mga ito.
"Pulis kami." Kasabay nang pagpapakita ng kanilang kapa na patunay na isa silang alagad ng batas, na idolo niya.
Tatlong magkakasunod na putok ng baril ang muling pumailanlang sa ere. Ang tatlong huling tunog na tila musika sa pandinig para sa mga alagad ng pulis na hindi man lang binigyan ng kalayaan ang binata na maipabatid ang kanyang hinaing—ang kanyang karapatan sa demokrasyang paraan.
Wakas.
© All Rights Reserved
December 2016
Story written by: ImGrey

BINABASA MO ANG
Ang Huling Tatlong Tunog
Short StoryDahil mas maingay ang mga boses na nagsasabing wala kang magagawa, patunayan mong nasa demokratikong bansa ka.