Nitong huli ay dumadalas na ang linya ko sa sarili ko, "Parang kailan lang kausap ko pa siya/sila".
Paano naman, ilan sa kanila ay hindi na kinaya ang problema at ang matindi pa, hindi lahat ay nagpakita ng senyales na may problema pala sila. Paano eh akala mo mga gunggong lang na tawa nang tawa, puro kami biruan o kalokohan. Minsan ngang magseryoso pero puro pangarap sa ikaaayos ng mga buhay namin ang pinag-uusapan namin. Kaya hindi mo aakalain na mabigat na pala o maaaring may matagal nang gumugulo sa isip nila.
Hindi ko na ilalayo ang blog kong ito. Uumpisahan ko sa sarili ko. Alam kong hindi ito magugustuhan ng iba dahil sa iisipin nilang hindi ko na dapat ito isinasapubliko pa. Ngunit anong masama? Iba talaga kasi kapag sa iyo tumama at nakaramdam ka ng pagkabahala dahil na rin sa sunod-sunod na pagkawala ng mga taong nakasama mo.
Tumakbo na sa isip ko na susunod na ba ako, iilan na lang ako sa mga natitirang lumalaban o sadya kayang matibay pa pala ako kaya dapat malabanan ko pa. Maaaring maging isa akong buhay na patotoo na nangyayari ang mga ganito, na walang pinipiling edad, estado sa buhay at tibay ang maaaring tamaan ng ganitong kalagayan.
Sa katagalan ay naisip ko, habang unti-unti akong pinapatay sa pakiramdam ng depresyon ay maaari ko naman palang i-rehabilitate ang sarili ko sa pagsusulat. Ilang taon kong hindi ito ginawa hanggang sa isang gabi ay naisipan kong magsulat muli. Oo maaaring hindi nito nasosolusyunan ang ano mang dinadala ko ngunit naisasalba ako nito sa mga oras na kailangan ko.
SURVIVAL. Oo, iyan talaga ang tema ng taong tinamaan ng Anxiety, Depression o maaaring parehas kang mayroon nito. Kailangan mong isalba ang sarili mo sa bawat atake nito. Ang pagsasalba sa sarili ay maaaring nagiging positibo o negatibo ang resulta.
Kapag anxious ang tao, halos lahat ipinag-aalala nito. Kapag depressed naman ang tao kadalasan ay hindi na siya halos nag-aalala pa, hindi dahil sa wala na siyang pakialam kundi dahil sa hindi na niya alam kung ano pa ang ipag-aalala niya sa dami ng tumatakbo sa isip niya. At kung parehas kang mayroon nito, isipin mo na lang gaano ito kahirap gaya sa kaso ko. May mga pagkakataon na halos ayaw ko nang matulog dahil minsan sa paggising ko ay nagiging mas matindi ang pag-aalala ko. May mga pagkakataon din na ang pagtulog ang nagsisilbing "ESCAPE" ko sa mga sitwasyon ko.
Minsan, nakabubuti ito, minsan, nakakasama.
ANO NGA BA ANG PAKIRAMDAM?
Ay! Hindi ko mawari minsan. May mga pagkakataong para akong laging magkakasakit. Minsan nga masigla naman ako o masaya tapos ilang minuto lang pakiramdam ko guguho na mundo ko o katapusan na. Masyado akong madaling madiskaril ano man ang pilit kong labanan ito. Eh kaso nababasa mo pa naman ito, nakapagsulat pa ako, malamang kaya ko pa, kinakaya ko pa.
Hindi ko na tatalakayin pa ang pinagmulan ng depresyon ko, ang malinaw ay doktor na mismo ang nagsabi sa akin bukod sa unti-unti ko nang napapansin ito sa sarili ko sa kabila ng hindi ko pagtanggap dito. Minsan kasi nagiging bukambibig lang natin na depressed tayo dahil sa sobrang stress pero iba talaga kapag tinamaan ka ng tunay na depresyon na siyang itinuturing na "invisible illness".
Alam kong may mga problema ako, lahat naman tayo ay may kanya-kanyang suliranin, maliit man o malaki, pero inakala ko kasing ayos lang ako sa mahabang panahon kasi nga nagagawan ko naman ng paraan at madalas palabiro naman ako, tawa nang tawa at madalas madaming natatawa sa akin sa mga banat ko at isa pa ay abala ako sa araw-araw na buhay naming mag-iina kaya hindi ko inakalang ganoon na pala ang nangyayari sa akin. Seryoso na pala kaya pala nitong huling mga taon ay hindi ko na madaling makontrol ang sitwasyon ko.
PAANO NAGSIMULA? ANONG NANGYARI? ANONG NANGYAYARI?
Kung sa paano nagsimula ay maaaring iyan ay 10 years ago pa pala. Sa dami siguro ng pinagdaanan ko ay ngayon lang pumutok sa akin ang lahat. Nagsimula kong napapansin ang sarili ko na mas madalas akong nag-aalala na normal naman iyon ngunit iba na kasi talaga. Maging sa mga panahong kalmado ang pakiramdam ko ay sumisingit ang pag-aalala. Nanlalata na lang ako at biglang nakakaramdam ng takot na hindi ko malaman kung saan ba nanggagaling at bigla na lang sumusulpot samantalang hindi naman ako likas na matatakutin. Hardcore nga kung tawagin ako ng iba at ang klase ng personalidad ko ay tila malabong tamaan ng ganito, 'ika nga nila.
BINABASA MO ANG
DEPRESSION (Invisible Illness) #breakthestigma
Non-FictionThis is for those who lost their battle and still fighting the battle against Anxiety and Depression. You might feel alone but remember, WE ARE TOGETHER...